Press Release
June 3, 2019

Villar, inatasan ang mga kababaihan ng Cavite para sa tarpaulin recycling project

HININGI ni reelected Senator Cynthia Villar ang tulong ng isang grupo ng mga kababaihan sa Dasmariñas, Cavite upang gumawa ng mga bag yari sa tarpaulin na ginamit sa kanyang kampanya noong nakaraang eleksyon.

Sinabi ni Villar, chair ng Committee on Environment and Natural Resources, na mabibiyayaan ng recycling project ang maliliit na tailoring business na magbibigay hanapbuhay sa mga kababaihan bilang mananahi.

"We are very glad that we have now a way for the proper disposal of these used tarpaulins. Through this initiative, we were not only able to recycle used tarpaulins into something useful, we were also able to help women earn additional income for their families," ayon kay Villar.

Sinimulan ni Christine Joy Ferrer, 27, ang MXD Tailoring noong nakaraang dalawang buwan sa garahe ng kanyang nirerentahang apartment.

Sa loob ng limang taon, nagtrabaho siya sa tailoring shop ng kanyang kapatid hanggang sa ito'y magsara. Hiniram niya ang mga makina nito at nagsimula ng kanyang sariling negosyo.

"Tuwang tuwa po ako kasi nagsisimula pa lang ako tapos nagtiwala na po sa akin si Senator Villar na gumawa ng bags niya. Malaking tulong po ito sa akin at sa mga sewers ko," ayon kay Ferrer.

Inihatid ng mga tauhan ni Villar ang nakolektang 2 x 3 feet tarpaulin sa

Ferrer's shop upang gawing mga bag sa halagang P16 kada piraso.

Sa unang linggo, nakagawa sila ng 550 bag. Mas marami pa silang magagawang bag mula sa paparating na mga tarpaulin galing sa lalawigan.

Ayon kay Ferrer, ang kanyang apat na mananahi ay mga ina na malapit sa kanyang lugar. Kailangan ding bantayan ng isa niyang mananahi ang kanyang sanggol. Nangutang si Ferrer ng isang makina upang makapagtrabaho habang nasa bahay.

Sinabi ni Ferrer na labis niyang ikinatutuwa ang pagbibigay ni Villar ng mapagkukunan ng karagdagang kita sa mga inang katulad niya. Aniya, nababantayan din niya ang kanyang mga anak na may edad 10 at 7 habang pinatatakbo ang maliit na negosyo.

Ang mga tapos ng produkto ay may dimension na 12 x 18 x 4 inches. Ito ay kulay puti. Ang printed side ng bag ang ginawang pangloob nito.

Mas matibay ang mga tarpaulin na bag na "environment-friendly substitute" sa plastic bags.

Ayon kay Villar, ipamimigay niya ng libre ang mga bag para maisulong ang kanyang adbokasiya sa plastic recycling.

Sinimulan din ng Nacionalista Party senator ang plastic recycling project kung saan ginagamit ang mga plastik sa paggawa ng school chairs.

Sa plastic factory na kanyang ginawa sa Las Piñas, 20 kilo ng soft plastics gaya ng food wrappers ang nire-recycle at ginagawang plastic chair na may napapalitang bahagi at tumatagal ng 20 taon ng mga silyang ito ay ibinibigay sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.

News Latest News Feed