Press Release
July 26, 2019

Statement of Senator Joel Villanueva on the veto of the Security of Tenure Bill

Matapos po ang dalawang dekada ng pakikibaka ng mga manggagawang Pilipino, umabot na po sa Malacañang ang panukalang Security of Tenure noong ika 27 ng Hunyo. Ito po ay bunga ng ating pagkilos sa Senate Labor Committee at sa suporta ng buong Kongreso.

Ngayong araw, ika 26 ng Hulyo ay natuldukan po ang isinusulong natin na panukala sa pamamagitan ng pag veto ng Pangulong Duterte.

Dalawampung taong nakatengga ang panukalang ito. Sa tulong ng ating mga kasamahan sa Kongreso, sinikap po natin bumuo ng panukala na magiging patas sa lahat ng partido, at siniguro po natin na bawat probisyon ay may kaukulang proteksyon para sa mga manggagawa laban sa mga iligal na uri ng contractualization. Hindi rin po natin pinabayaan na ma-dedehado ang mga negosyante na tumutulong maglikha ng trabaho.

Sa simula pa lamang, inasahan na po natin na maraming haharang sa panukalang ito. Subalit hindi po tayo natinag, lalo na at maraming manggagawa ang umaasa rito na magwawakas sa ENDO. Pinakamabigat na pasanin na marahil ang ideyang matutupad ang pangarap na ito.

Bilang mga pinuno ng pamahalaan, inaasahan po tayong manindigan para sa mga inaapi at gawin ang nararapat para maging patas ang lipunan. Ngunit ang katotohanan, minsan ay mas matimbang ang mga makapangyarihan at naghaharing-uri. Ang pagka veto ng ENDO ay isa sa mga manipistasyon ng mga ganitong pagkakataon.

Sa kabila po ng lahat, patuloy natin isusulong ang panukalang batas na ito, hanggang hindi nawawakasan ang ENDO.

News Latest News Feed