Press Release
August 22, 2019

Recruitment ng "kaliwa" lalung lalakas
HUWAG GAWING GARISON ANG MGA UNIBERSIDAD - IMEE

Tutol si Senator Imee Marcos sa panukalang magtalaga ng mga pulis at militar sa loob ang mga unibersidad bilang hakbang para mapigilan ang patuloy at lumalakas na recruitment ng mga makakaliwang grupo sa hanay ng mga kabataang estudyante.

Ayon kay Marcos, lalu lamang lalakas ang recruitment ng mga grupong makakaliwa kung itutuloy ng pamahalaan ang plano nitong bantayan ng mga pulis at militar ang mga aktibidad ng mga estudyante sa loob ng mga paaralan.

"Ano yan garison?! Tiyak na ang daming sasaling estudyante sa mga 'progressive organizations' kung ilalagay mo ang mga pulis at militar sa mga unibersidad. Imbes na bigyan mo ng solusyon, lalu mo lang pinalala ang sitwasyon sa mga paaralan," pagdidiin ni Marcos.

Sinabi ni Marcos na ang paaralan bilang lugar o merkado ng karunungan, ang mga estudyante mismo ay maaaring bumuo ng kanilang mga organisasyon bilang alternatibo sa inilalakong ideya ng mga makakaliwang grupo.

"Hayaan natin ang mga estudyante ang tumunton at umalam sa tama at mali para sa kanilang pag-unlad at ikabubuti. Mapapatunayan ito sa pingkian ng mga ideya sa kung sino ang wasto sa mga ginagawa ng grupo ng mga estudyante," paliwanag ni Marcos.

Binigyan diin pa ni Marcos na mabibigo lamang ang pamahalaan sa layunin nitong pigilan ang recuitment o pagpasok ng mga komunista sa hanay ng mga kabataang estudyante kung itatalaga ang mga pulis at militar sa mga unibersidad.

Matatandaang mariing ding tinututulan ni Marcos ang pagbuhay sa Anti-Subversion Law.

News Latest News Feed