Press Release
October 2, 2019

IMEE, NAKISIMPATIYA SA ELIZALDE FAMILY SA PAGKASUNOG NG STAR CITY AT MBC

NAAKIKISIMPATIYA si Senadora Imee R. Marcos sa pamunuan at mga empleyado ng Manila Broadcasting Company at Starcity matapos masunog ang theme park complex kaninang pasado alas-12 ng madaling araw.

Sinabi ni Senadora Marcos na ipinagdarasal niya ang kaligtasan at kapakanan ng humigit-kumulang sa dalawang libong empleyado ng mga kumpanya ni Don Fred J. Elizalde.

Ayon kay Marcos, ikinalulungkot niya ang pangyayari dahil naapektuhan ang mga empleyado ng MBC, Star City at broadcast operation ng DZRH, ang kauna-unahang himpilan ng radyo ng Pilipinas.

"Ang DZRH ay naging orasan na ng mga Pilipino simula pa noon at maraming nagtaka kung bakit biglang nawala ito sa ere kaninang umaga. Yun pala nasunog na! Malaki rin ang papel ng DZRH sa paghubog ng mga kabataan at mga lider na naging saksi sa makasaysayang mga pangyayari sa bansa," ayon kay Imee.

Ipinagpasalamat naman ni Marcos na walang namatay o nasugatan sa malaking sunog sa Starcity complex.

Ang pamilya Elizalde ay kaibigan at kilalang taga-suporta ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Samantala, inihayag naman ni Atty. Rudolph Jularbal, Spokesperson ng MBC na patuloy pang iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection kung saan nagmula ang apoy at kung magkano ang halaga ng nasunog na mga ari-arian.

News Latest News Feed