Press Release
October 22, 2019

Presyo ng kandila tumaas na rin
PEKENG KANDILA NAGKALAT NGAYONG UNDAS - IMEE

Nagbabala ngayon si Senator Imee Marcos sa mga mamimili na maging mapanuri at piliing mabuti kung ang binibiling mga kandila na gagamtin para sa Todos Los Santos ay hindi peke o mahinang klase.

Ayon kay Marcos, naglipana ngayon sa mga palengke at tindahan ang mga mahihinang klase o pekeng kandila na kadalasan ay mabilis na matunaw at may maitim na usok kapag nasisindihan na.

"Pati ba naman kandila pinipeke na rin. Walang patawad! Kahit sa paggunita ng Undas pumapasok na rin ang mga sindikato para mameke ng kandila?" pahayag ni Marcos.

Sinabi ni Marcos, sa halip na purong paraffin wax ang gamitin sa paggawa ng kandila, pawang gamit o mga natunaw na mga kandila na kinokolekta sa mga pinagtirikan sa puntod sa loob ng sementeryo ang ginamit rito.

Bukod sa mga kinokolektang natunaw na mga kandila, meron din namang mga namimiling negosyante sa loob ng sementeryo at pinapakyaw ang mga naipon at nakukuhang tunaw na kandila, at saka ibebenta nang mas mahal.

Idinagdag pa ni Marcos na halos tumaas na rin ng P5 ang presyo ng isang esperma na kandila sa mga tindahan at palengke, at malamang na tumaas pa ang halaga nito habang papalapit ang paggunita ng Todos Los Santos.

News Latest News Feed