Press Release
December 31, 2019

MENSAHE NI SENADOR WIN GATCHALIAN SA BAGONG TAON

Isang taon na naman ang nakalipas. Sana ay mapagnilayan natin ang lahat ng mga magagandang pangyayari pati na ang naging mga kakulangan natin tungo sa kinabukasan ng mga kabataang mag-aaral.

Naging malaking hamon sa sektor ng edukasyon ang kalidad ng mga batang estudyante, sa gitna ng makabagong teknolohiya. Nasubok pati na ang mga haligi ng eskwelahan at mga tagapagtaguyod ng edukasyon nang matanggap natin ang hindi magandang balita mula sa isang pandaigdigang pagsusulit na nakakuha ng mababang marka ang mga 15 taong gulang nating mag-aaral sa ilang pangunahing larangan ng pag-aaral.

Gayunpaman naway magsilbing hamon ito, hindi lamang sa sektor ng edukasyon kundi sa lahat ng sektor ng lipunan dahil sumasalamin ito ng tunay na kalagayan ng ating bayan.

Ang dekalidad na edukasyon ang tanging malaking kayamanang maipapamana natin sa mga kabataan.

Sa pagpasok ng bagong taon, sama sama nating labanan ang hamong ito! Hangad kong maisakatuparan ang lahat ng ating minimithi tungo sa isang magandang kinabukasan.

Isang masaganang bagong taon sa inyong lahat!

News Latest News Feed