Press Release
April 5, 2020

DZRH interview ni Senator Win Gatchalian kasama si Milky Rigonan ukol sa mass testing at ECQ extension

Q: Magandang umaga. Kahit na Sunday naistorbo ka namin. Alam ko busy ka din sa pagiikot din sa Valenzuela din Senator Win?

SEN WIN: Parang araw-araw Sunday eh kasi nga tayo ay nasa ECQ, enhanced community quarantine at ang importante ngayon sa ating kababayan na manatili sa kanilang mga tahanan. Huwag maghalubilo sa iba't-ibang lugar dahil ang importante ay maputol natin itong pagkalat ng virus na ito.

Q: Ngayon Senator Win, mahigit dalawang linggo na ang pagpapatupad ng gobyerno itong napagtibay na Bayanihan to Heal as One Act. Ano ang assessment mo? Actually, ang Senado ang nagmungkahi ng ganitong batas para sa COVID-19. Ano ang assessment mo Senator Win?

SEN WIN: Sa akin sisimplehan ko lang no, dahil yung preliminary report ng ating pangulo ay mahaba at marami ding bagay ang nakalagay sa Bayanihan Act at gusto ko lang po simplehan para maintidihan ng ating mga kababayan yung pinakamahalagang punto nitong Bayanihan Act. Unang-una, nakasulat sa batas ang pagbili ng testing kit at mabilis na paglunsad ng testing kit. Ito ay napakahalaga Mikly dahil dito natin malalaman kung sino ang may sakit, sino ang walang may sakit at kung magkakaroon din tayo ng mass testing. Dito rin natin malalaman kung nasaan na tayo dito sa paglaban sa COVID-19. Sa ngayon kasi kung makikita natin mahigit tatlong libo lang ang nate-testing natin at alam natin na lumalaki ang bilang ng mga may sakit ng COVID at kung makikita din natin yung mga paglabas ng datos, halos isang linggo na-delay yung resulta na lumalabas kaya hindi natin alam kung talagang nanalo tayo sa paglaban sa COVID o hindi. Pangalawa, dahil hindi pa natin nagagawa yung mass testing, yung mga lokal na pamahalaan hindi rin alam kung sino may sakit sa hindi. Kagaya kahapon Milky, nadagdagan kami ng pitong may COVID sa Valenzuela at nagulat kami dahil itong may mga may sakit na ito eh halos isang linggo na nagpa-testing pero lumabas lang yung resulta kahapon. So ang kinakatakutan yung kanilang nakahalubilo dito sa aming lungsod dahil isang linggo sila pwedeng lumabas, isang linggo na pwedeng bumili ng gamit at hindi natin kaagad naabisuhan yung kanilang kamag-anak ay may sakit na pala. Kaya ang itong testing ay napakahalaga Milky at ito ay nakasaad to sa Bayanihan Act. Pangatlong pinakamahalga din sa Bayanihan Act ay yung pagbibigay ng ayuda at alam ko marami sa ating kababayan inaabangan ito. Pero hindi ganun kadali dahil ang pinaguusapan natin dito ay 18 million families at para ibigay yung cash sa 18 million families ay hindi madali. Isa pang problem diyan ay kung sino yung 18 million families dahil dapat masuri mabuti para mabigyan ng tamang ayuda yung mga nangangailangan. Pero last week, nirerepaso na lang yung proseso. At ang aking apela naman sa DSWD, dahil nakita ko, for example, again dito sa Valenzuela, 60% lang ng aming mga kababayan ang mabibigyan. Pero lumalabas ho sa Census na halos nasa mga 90% yung tinatawag natin nasa near poor, ito yung mga 'no work, no pay', yung daily wage yung kanilang kita at umaabot sa almost 90% yung tinatawag nating nasa informal sector, ito yung mga nagbebenta sa palengke may mga nagbebenta ng fishball o gulaman. Kaya kung 60% lang bibigyan at 90% yung aming pangangailangan, may 30% na kulang at dito tayo magkakaroon ng problema.

Q: So ano gusto mo sabihin Senator Win ay bago isipin yung... enhanced community quarantine dapat ipatupad na mass testing? Meron ba tayong sapat na rapid COVID testing. Number two, dapat din yung protocol ng DOH... kung kelan malala na yung pasyente tsaka lang ite-test kung meron siyang COVID-19 kaya tumataas din yung bilang ng mga namamatay?

SEN WIN: Alam mo iba't-ibang bansa, ibat't-ibang protocol pero mas gusto ko pa sundan yung mga successful na bansa. Ito yung mga tinatawag na best practices ng ibang bansa tulad ng Korea. Sa Korea hindi na nila inaantay kung ikaw ay malala na yung sakit o hindi, kung meron ka palang nakahalubilo o meron kang suspetsa na nakahalubilo na may sakit, pwedeng na kaagad mag testing. Kaya lang ang nangyayari, kadalasan kala mo wala kang sakit pero meron ka na palang virus at dahil akala mo wala kang virus malaya kang nakakalabas at nakakahalubilo sa mga tao at dahil nga sa ganun kumakalat na ang virus.

Kaya kung ang tanong ay kung meron na tayong kakayahan? Meron, dahil kung matatandaan natin ang China nagbigay ng isang daang libong testing kits. Nakita ko sa report ng DOH, hindi pa nagagamit to. Dapat gamitin na ng gamitin, huwag na tayong mag-antay pa dahil ang kalaban natin dito ay oras. Wala ho tayong oras maghintay o mabagal-bagalan. Importante na mabilis yung pagsasagawa natin nito. Marami nang namatay na hindi na testing. In fact, marami akong nakausap na government units, kasama na rito sa amin na may namatay na hindi na testing o namatay na hindi pa nila alam yung resulta. At nakakabahala ito dahil hindi natin alam kung positive o hindi. At dahil hindi mo alam kung positive o hindi, yung mga kamag-anak niya at yung mga kasama sa bahay hindi naka-quarantine.

Q: So ang magiging sistema dito Senator Win, dapat ipatupad na ang mass testing kung saan mataas ang insidente ng COVID-19 doon lang tayo magpapatupad ng community quarantine para hindi na natin saklawin yung buong Metro Manila o yung whole Luzon naka ECQ?

SEN WIN: Galing sa chief implementer, kay General Galvez na ilang araw na ang nakakaraan na ang mass testing ay sa April 14. So kung yun po ang target gate ng testing, doon lang natin malalaman yung totoong sitwasyon ng ating bansa. Mahirap kasi i-lift yung ECQ nang hindi natin nalalaman yung sitwasyon. Kung hindi natin alam yung sitwasyon, like for example marami pa sakanila ang may virus sa atin at kung papasukin natin ang ating mga kababayan sa trabaho, kakalat at kakalat yung virus at magiging walang saysay yung nakaraang na 30 day ECQ. Kaya napakahalaga ho talaga noong testing para malaman natin yung sitwasyon. Ako naman naniniwala na yung ECQ ay epektibo. Wala lang akong datos sa totoo lang Milky pero nakita ko dahil limitado ang galaw ng tao so marami sa ating kababayan ay hindi na lumalabas ng bahay nila. Kung lalabas man bibili lang sa palengke pero pagdating mo sa palengke merong social distancing. Ako naniniwala na epektibo itong ginagawa nating ECQ sa pagpababa ng pagkalat ng virus pero hindi natin matitiyak yan kung hindi tayo mag-mass testing.

Q: Mass testing ay sabi nga ay gagawin, target date nga ay April 14, ito yung pagtatapos ng isang buwan na enhanced community quarantine ba Senator Win? O ibig-sabihin, tinitignan nila yung possibility na ma-extend ulit itong community quarantine natin?

SEN WIN: Correct, nasabi nga ni General Galvez na malaki ang possiblidad na mae-extend to. Ako, sumasang-ayon sa kanya pero para sa akin hindi na dapat tumagal pa ito ng isa pang buwan kung mage-extend tayo. Para sakin dapat maximum ho of two weeks dahil binabalanse natin yung kabuhayan ng tao at yung paglaban natin sa virus na ito. Marami tayong mga kababayan, majority ng nagtratrabaho sa atin Milky ay tinatawag natin na 'no work, no pay' o informal. So marami sa ating kababayan ay talagang naghihirap. Kahapon lang sa pag-ikot ko sa isang construction site dito, Milky, meron ho kaming mga stranded na mga construction workers, naghatid kami ng tulong sa kanila at kinamusta ko sila. Isang beses sa isang araw na lang sila kumakain dahil nga po wala silang sweldo at tinitipd lang ang kanilang kinakain. So maraming ganitong sitwasyon at ganitong kaso sa buong bansa at mahirap talaga patagalin ito dahil ang kalaban naman ho natin ang kabuhayan at sikmura ng ating mga kababayan.

Q: So ang tingin niyo dito Senator Win kung magkakaroon man ng extension, maximum two weeks ang sabi mo para maipatupad yung mass testing?

SEN WIN: Kaya na ng two weeks basta ang strategy dito pagdating ng mass testing, totoong mass testing, talagang sabay-sabay. Bigyan natin ng kapasidad ang lokal ng pamahalaan na mag mass testing. Bigyan nating ng kapasidad ang mga ospital at laboratoryo maka-process. At talagang dapat gawin ng DOH ay malawakan na testing. Hindi ho tayo pwede magtagal dito, hindi ho tayo pwedeng pabanjing-banjing dahil ang kalaban natin dito hindi lang yung pagkain kung hindi yung kabuhayan ng tao. Kung hindi natin mahihinto to at patuloy ang pagkalat, mapipilitan ang ating pamahalaan na ma-extend pa yung ECQ pero sa pag-extend ng ECQ, marami talagang mawawalan ng kabuhayan at mahihirapan. Kaya importante ho sa DOH na talagang paspasan yung aksyon. Dapat makipag-partner din sila sa lokal na pamahalaan dahil yung local government natin nasa ground ito, nasa frontline ito, kaya mas mabilis nila magagawa itong mass testing.

Q: Ano ang nakikita mong senaryo if ever mapalawig pa ito for more than two weeks? Sabi mo nga eh maximum two weeks pwede na. Pero kung iko-consider pa ng gobyerno ang mas higit pa sa two weeks, ano ang nakikita mong senaryo sa ekonomiya natin Senator Win?

SEN WIN: Malaking pinsala ito dahil ang Metro Manila ay almost 40% ng ating ekonomiya. Halos kalahati ng ekonomiya natin nanggagaling dito sa Metro Manila at almost 70% galing sa Luzon kaya marami talagang negosyo ang tingin ko maba-bankrupt. Maraming mga empleyado ay mawawalan ng trabaho dahil kung na-bankrupt ang negosyo sigurado ako tatanggalin nila sa trabaho ang kanilang mga empleyado at madami hong magugutom. Kaya itong ginagawa ng DSWD, yung pagibibgay ng tulong, yung Social Amelioration, malaking bagay ho yan. Yung walong libong ibibigay ay talagang makakatulong pero pangtawid lang yan Milky, hindi ho yan panghabang-buhay. Gusto man talagang makatulong ng ating pamahalaan pero ang paghahanap sa 18 million families hindi ganun ka-simple. Ang Importante sakin, ang ultimate solution ay i-lift na itong ECQ, tapusin na natin ang ECQ at para mangyari yan dapat magkaroon na po tayo ng mass testing. Alam mo Milky dito sa Valenzuela, dahil by next week magkakaroon na kami ng sariling mass testing, ang plano namin kung sino lang ang may sakit, yun lang ang iqua-quarantine kaysa yung buong syudad pa. Yung may sakit na lang ang iqua-quarantine natin para hindi maputol yung trabaho ng ibang kasamahan natin dito at iba pang mga kababayan natin dahil dapat kung sino lang ang may sakit sila lang dapat ang i-quarantine natin, hindi yung buong syudad.

Q: Updated ka rin sa mga wars ngayon? Sunod-sunod yung mga bangayan ng ating mga opisyal ano. Ano ang masasabi mo dito? At may mga rekomendasyon na i-donate ang kanilang mga sweldo, ang mga mangbabatas para makatulong daw?

SEN WIN: Ako sang-ayon din po ako diyan at isa sa mga mungkahi natin ng mga Senador natin ay i-donate na natin ang ating mga sweldo sa pagtulong. Ang pagdo-donate namin ay para makatulong po sa ating mga kababayan at marami rin ho kami sa Senado na 'no work, no pay'. Yung mga janitor natin, yung mga waiter ho natin at yung pagdo-donate ho ng ating sweldo ay malaking tulong ho yan para sa kanila. Ito ay isang simbolo na nakikiisa, naikibahagi tayo at nagsa-sacrifice din tayo alang-alang sa ating mga kababayan. Nagpapasalamat ko ako sa ating mga kapwa lingkod bayan na nag-donate ng kanilang mga sweldo. Ito ay pagpapakita ng pakikiisa at pakikibahagi sa sitwasyon natin ngayon.

Q: Meron ka pa po bang mensahe sa ating mga kababayan ngayon na nahihirapan dito sa pinapatupad na enhanced community quarantine at pagpatuloy na laban natin sa COVID-19?

SEN WIN: Yung panawagan natin sa ating kababayan ay manatili sa kanilang mga bahay. Huwag silang lalabas, lalabas lang kung bibili sila ng pagkain at gamot dahil itong quarantine na ito ay para mapigilan ang pagkalat ng virus sa ating bansa. Pangalawa, kung meron silang naririnig o meron silang alam na may sakit kaagad na tawagin yung kanilang lokal na pamahalaan dahil napansin namin marami saming mga kababayan may simpleng ubo lang pero meron na pala silang virus. Importante din malaman ng kanilang lokal na pamahalaan ang sitwasyon o kung sino ang may sakit sa kanilang lugar para mabilis ma-aksyunan. So itong dalawang bagay ay malaking tulong na ho para malabanan natin itong virus at mabilis tayong makabalik sa normal.

Q: At matutulungan din ang gobyerno. Senator Win maraming salamat.

SEN WIN: Maraming salamat Milky, thank you.

News Latest News Feed