Press Release
August 30, 2020

SEN. GRACE POE's INTERVIEW TRANSCRIPT PORTION ON CONTACT TRACING
dzMM's Kwentuhang Lokal w/ DILG Usec. Jonathan Malaya and Jay Ruiz
Saturday, Aug. 29, 2020
5:12-5:28 p.m.

Jay Ruiz: Ma'am, papaano po ba hinati-hati itong P165 billion na package dito sa Bayanihan 2 natin po?

Poe: Alam mo siyempre ang ating tinututukan dito ay papaano tayo makakatulong doon sa mga naapektuhan nga nitong pandemya. Dito sa Bayanihan 2, merong nakalaang pondo para doon sa mga nawalan ng trabaho; meron ding pondo para doon naman sa mga testing na kailangang gawin. Meron ding pondo para sa contact tracing at para malaman kung sino ang mga nakahalubilo mo kung saka-sakaling ikaw ay naging positive nga...

Ruiz: Ma'am, unang-una sa lahat po nagpapasalamat din kami dahil nabigyan niyo po ang DILG, well kayo po ang isa sa mga nagsulong ng P5 billion para sa contact tracing. Gaano po kahalaga ang contact tracing na strategy natin dito sa laban natin sa pandemic po?

Poe: Unang-una napakahalaga nga na ito ay naipahiwatig ninyo [DILG] na importante talaga ang contact tracing; at importante sa contact tracing ay siyempre meron kayong kakayanan na gawin 'yan, na meron kayong mga tauhan na gagawa niyan. Noong kami ay nag-uusap tungkol dito sa Bayanihan 2, alam naman natin ang naging isyu ng Department of Health 'di ba. Ang daming mga problema, meron silang P200 bilyon na hindi man lang nila nagagamit o naipapamahagi; tapos ang pera na ginamit pa nila hindi naman napunta sa tamang sitwasyon. So, nag-iisip kami kung sino ang gagawa ng contact tracing. Ang Department of Health parang kulang sila sa gagawa 'nun dahil siyempre ang dami rin nilang inaasikaso plus ang mga namumuno ay hindi mo mapagkakatiwalaan. Kaya maganda ang naging mungkahi ng mga kasama ko, kasama na rin ako, dahil sa mga naririnig namin na mga payo ninyo, ay dapat DILG ang gumawa. Bakit? Dahil ang DILG katuwang ninyo ang local government, 'di ba. Alam naman natin na ang unang nakakahalubilo ng ating mga kababayan ay mismong mga nasa local government. Sinong namumuno sa local government? DILG 'di ba. Katulong ng DILG at ng local government, minabuti namin, minarapat namin na ilagay ang pondo sa inyo. Dahil kayo ang magdedesisyon kung sino ang mga kukunin ninyo na gagawa ng contact tracing. Nandiyan na ang mga tinatawag natin na mga barangay health workers, matagal na silang tumutulong sa kalusugan ng ating mga kababayan, pwede ninyo silang kunin. Kunin din natin ang ibang mga kababayan natin na walang mga trabaho, mula sa pribado man o pampublikong sektor, pwede kayong magdesisyon niyan. At ang isa pa 'yung mga kumukuha ng conditional cash transfer na ayuda, 'yung mga pwedeng kunin para magkaroon pa sila ng extra income. Lahat 'yan ang magdedesisyon ay ang DILG kasama ang local government. Unang-una, nakapagbigay ka na ng trabaho. Pangalawa, natutunton pa kung sinu-sino ang mga nagkaroon ng Covid para ma-isolate sila at hindi na sila makahawa.

Ruiz: Tama po 'yan. Ma'am, ano po ang ratio na dapat nating gawin? 1:37 yata ang gustong gawing ratio. Dito ba sa pondong ito makukuha na po natin ang ganyang ratio sa kino-contact trace natin kapag naibigay na ang pondo po sa DILG, sa tingin niyo po, Ma'am?

Poe: Hindi tayo sigurado kung ito ba'y sapat na, pero malaking bagay pa rin 'yung P5 billion. Tama ka, 1:37 dapat ang ratio... Siguro kung dadamihan natin ang tao na mag-iikot at talagang magmamatyag, magiging okay naman tayo. Alam mo ang kailangan lang naman talaga dito, bayanihan. Ang mga Pilipino sa maraming pagkakataon ay sumusunod 'di ba. Marami rin naman ang nagma-mask... So, dito sa contact tracing, 'pag nagkaroon tayo ng bayanihan, ibig sabihin, nandiyan 'yung ating secretary ng DILG, tapos kayo, Usec. Jonathan, kakausapin n'yo 'yung mga local government, sasabihin ninyo ito'y importante kasi dito talaga natin mapipigilan 'yung pagkalat...

Usec. Jonathan Malaya: Ma'am, unang-una po, on behalf of our secretary, Sec. Eduardo Año, nagpapasalamat po kami sa inyo, sa iba pa po ninyong kasamahan sa Senado for pushing and championing 'yung amin pong request sa inyo for the budget for contract tracing.

Poe: Of course, gusto ko ring sabihin, Usec. Jonathan, siyempre nandiyan si Senator Ralph, nandiyan rin si Senator Migz at saka siyempre 'yung chairman ng finance committee, si Senator Angara. Wala namang kumontra dahil nakita nila na talagang importante 'yung iminumungkahi ninyo. At isa pa, si Chairman LRay naman ng House contingent at ang kanyang mga kasamahan, lahat supportive.

Malaya: Napakaganda po pala, ma'am. Kasi ma'am, as you mentioned kanina, doon sa Bayahihan 1 wala naman pong ibinigay ang Kongreso sa DILG. 'Yung mga pondo pong ibinigay ninyo were immediately transferred to the local government units. 'Yun ating pong Bayanihan grant, isang buwang internal revenue allotment. So dito lang po talaga kami humingi ng pondo sa Bayanihan 2 para mapalakas nga po 'yung contact tracing program ng ating bansa. At makakaasa po kayo, ma'am, na ito pong pondong ito ay magiging transparent ang DILG at amin pong ihahayag sa ating mga kababayan kung papaano po ito nagastos at kung ilan 'yung ating mga na-hire na contact tracers.

Poe: Ay maganda 'yan kasi 'pag nireport ninyo monthly sa Congress, siyempre mapapanatag ang loob namin, at dahil alam ko rin na may integridad kayo. At least, alam ko, ikaw, Usec. Jonathan, alam kong tututukan mo 'to. Kaya para sa amin, isang tagumpay ito na nailagay natin...

News Latest News Feed