Press Release
September 5, 2020

OPENING STATEMENT OF SENATOR RISA HONTIVEROS
Online Consultation Forum with Teachers Dignity Coalition
September 05, 2020

Noong nakaraang araw lang, kumalat sa social media ang isang hinaing ng guro na si Rejohn Modesto. Sabi niya, "Ilang araw na akong umiiyak. Hindi lang sa pagod kundi sa pagod sa pag-akay ng mga estudyante kong naghihikahos."

Binahagi niya na meron siyang mga estudyante na nagtatanong kung may class ba kasi inaarkila niya lang yung cellphone niya para maka-attend sa lecture. Meron pa siyang isang estudyante na nagpaalam kung pwede malate kasi nagtratrabaho pa siya para makabili ng internet pang-attend ng class.

Dagdag pa dito, nakilala rin natin sa isang trending na balita si Ma'am Lisa, 65 anyos, na habang naglalako ng paninda ay may placard na hawak na private school teacher siya pero nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19.

May isang netizen din nga na nagkwento na ang nanay niya na public school teacher ay nagpapatulong sa kanya at mga kapatid niya na magkaroon ng donation drive para sa bond papers kasi namumulubi na daw silang co-teachers niya.

Nakakapanlumo ang mga kwentong ito. Hindi makatarungan na ito ang dinadanas ng ating mga guro at ng ating mga estudyante sa harap pa ng isang pandemya.

Ang edukasyon ay ang isa sa mga pinakamahalaga, kung hindi ang pinakamahalaga, na sektor sa anumang bansa. Ang isang maayos na sistemang pangedukasyon at ang matibay na suporta para sa mga guro at mag-aaral ay siguradong reresulta sa isang maunland na lipunan. Hindi dapat napapabayaan ang mga tao na siyang pundasyon ng ating sistemang pangedukasyon.

Ngayong umaga, sana ay maigi nating pakinggan ang ating mga guro at ang kanilang mga kwento. Salamat sa Teachers' Dignity Coalition sa pag-organisa ng diskusyong ito. At sa ating mga taga panood, sana ay mas lalo nating mabigyang halaga ang ambag ng ating mga guro hindi lang sa paghuhulma sa kaalaman at pagkatao ng ating mga anak pero pati narin sa ikauunlad ng ating bansa.

News Latest News Feed