Press Release
September 13, 2020

TRANSCRIPT of SEN. IMEE MARCOS INTERVIEW
with MILKY RIGONAN over DZRH-666Khz AM

September 13, 2020

MILKY RIGONAN: Magandang umaga, Sen Imee. Sinimulan na ng Senado ang paghimay sa proposed 2021 national budget, ano-ano ang mga ahensya sa tingin po ninyo ay dapat magpaliwanag dahil sa mga kwestyunableng appropriations?

SEN. MARCOS: Well, sa totoo lang hindi pa tayo nauuwi sa mga ahensya, sa individual na ahensya. Nakatutok pa rin ako sa overall na mga economic assumptions nila na nagdududa kami, kasi napaka-optimistic yata ng 6.5 to 7.5 % growth sa kabila ng tuloy-tuloy na pinsala ng Covid19, sa kabila ng kawalan ng trabaho ng napakarami, sa lahat ng mga problemang dinaranas natin, bakit napaka-optimistic naman yung growth rate ay ganun kataas, nagtataka ako, baka naman nangangako tayo na mapapako, natatakot ako sa ganun.

MR: Dapat realistic Sen. Imee dahil meron tayong pandemic mahirap ang ekonomiya natin, marami ang nawalan ng trabaho?

SIRM: Tama Milky. Alam natin, sa economic planning kasi ako nga yung (chairman) ng Committee on Economic Affairs. Dapat plan for the worst and pray for the best. Parang plan for the best, parang natatakot ako bakit masyadong optimistic nga e mamaya umasa ang tao na babalik lahat ng trabaho. Masusupil ang Covid, agad-agad magkakaroon ng vaccine, ibibigay sa lahat, eh hindi naman ganun kadali no. Kaya natatakot tayo, baka nangangako tayo ng sobra-sobra. Sa akin lang, mukhang bitin ang reaksyon natin, kulang ang badyet para sa DOH at saka para sa pandemya. Parang business as usual, kulang pati ang DSWD yung bigay tulong sa tao, yung social protection, yung SAP wala dun e. Bakit ganun? Parang halos pareho rin ng last year and the year before. If anything, bumaba pa ang DSWD budget, papaano yun ang daming nakapila sa lahat ng Barangay, ang daming may sakit, ang daming frontliners and medical workers. Kung titingnan mo yung budget natin, parang walang pandemic, parang tapos na, ganun.

MR: Mam, kasama ka sa magsusulong na dagdagan talaga ang budget ng DOH kahit may mga kontrobersya, lalo na sa PHILHEALTH at kay Sec. Duque?

SIRM: Yes, that's right. Ang gagawin na lang sana hati-hatiin na lang natin tulad ng ginawa sa Bayanihan 2, wag nating ilalagay sa PHILHEALTH. Diyos ko, nakaka-tense! Wag na sa DOH at hindi naman maganda ang implementation. Baka siguro, halimbawa yung contact tracers, inilagay namin sa DILG para bumagsak sa LGU kasi nga ngarag na ngarag na, yung ating mga BHW(Barangay Health Workers), yung mga Kagawad sa Barangay, sila naman talaga ang gumagawa nyan. Tapos yung iba, ibibigay naman sa DND(Dept. of National Defense) kasi si in-charge si Sec. Lorenzana dyan. Tapos yung ibang science group, baka paghatiin na rin yung ibang vaccine money. Wag nating ilagay lahat sa DOH at PHILHEALTH kasi diskumpyado tayo.

MR: Totoo yan, Sen. Imee, dagdagan din ang DOST dahil sa mga vaccine, hindi ba at yung iba pang mga concerned gov't agency?

SIRM: That's right, kailangang dagdagan, tapos yung DICT, sana tigilan na yung intelligence fund, ano naman ang papel nila sa intelligence? Sino ba ang iniispiyahan natin dyan na P500M worth? Tigilan na yan, talagang gumastos na tayo sa mahiwagang wifi na yan na para tayong baliw naghahabol ng signal. Talagang kailangan mismong gobyerno, ang magtatag ng infrastructure. Kasi ang nangyari dito sa Pilipinas, umaasa tayo sa mga telco. Kung anong nilagay nila doon na lang tayo makikisingit ano parang ganun ang nangyari. Samantala, sa mga bansa, katulad ng Myanmar , naku bagong-bago yan at itinuturing na mas mahirap yan sa atin. Vietnam nung nag-umpisa ang ginawa ng gobyerno mismo ang naglagay ng ibang framework nung mga tore, nung mga kable, kaya hindi sila nauutos-utusan ng telco for commercial interest kundi yung gobyerno mismo, yung taumbayan mismo ang may-ari ng telco infrastructure.

MR: Pero, under the Bayanihan 2, di ba Senator Imee, inalis na ang red tape para medaling makapagpatayo ng mga cell tower ang telco?

SIRM: yes, that's right. nandun, nakita natin na talagang tatanggalin ang red tape pero sa atin-atin lang kasi nanggaling ako sa LGU. Eto na naman ako ipinagtatanggol ko yung LGU. Sobra naman yung telco, sinisisi ang LGU na kasalanan naman daw ng LGU ay na-experience ko yan. Ang mga telco pag nagsubmit ng application for permit, kulang-kulang at maraming depekto. Katulad doon sa amin sa Paoay, tinirikan ba naman ng Globe ng mataas na tore doon sa likod ng simbahan, syempre nagreklamo kami kasi wala ng makapag-picture doon, wala ng selfie, wala ng maski ano. Minsan lehitimo ang objection at talagang kulang-kulang din naman ang telco kung mag-apply. So I think wag na tayong magturuan, bayanihan nga. Kapit-bisig na magkaroon tayo ng matinong wifi.

MR: Sen. Imee, ang sabi ay wala ng SAP for next year, eto ba ay papayagan ng Senado to think na marami ang naghihirap, maraming naapektuhan ng pandemic, mas maraming dumami ang mahihirap sa ngayon?

SIRM: Yes, tama yun. Ang akin yung tinatawag na SAP ay malaking bagay yun, umaasa dyan ang napakarami, kaya nga nakakaawa, kahit na ma-infect sila, nagsisiksikan, pumipila nakasalpak na sa semento, naghihintay pagkahaba-haba ng pila, talagang kailangan ng tao yan. Ngayon, ang matagal ko ng sinasabi yung 4Ps, kay tagal-tagal na yan 2007 pa yan. Kung tutuuin, 13 years ba't hindi pa tayo nakakatawid. Ano bang tulay yan na hindi matawiran ng kahirapan? Kung talagang nakakatulong yan i-assess naman natin, bawasan, itransfer na sa SAP kasi maraming informal workers na nangangailangan ng tulong. Sabi nga, pati yung middle class hirap na talaga, kasi pag walang trabaho, pati may-ari ng negosyo talagang dumadaing na. I think yung SAP kailangang ibalik.

Isa pa yung isang pangako ni PRRD sa bukid, may problema tayo sa urban dwellers, may problema sa rural. Yung agrarian reform beneficiaries, medyo makulit na ako dito, pero agrarian reform beneficiaries sila yung pinakamahihirap na magsasaka. Tatlong taon na ang mga magsasaka natin ay walang kinikita. Hindi naman nagbabayad sa mga loan nila sa Landbank, kaya para sa akin, mas maigi na i-write off na natin ang ating mga agrarian reform loans, yung mga interest nila, ire-structure na yan. Ibigay na ang titulo, mabubuhay pa ang countryside natin pagkat pag may titutlo, makakautang, makakakuha ng makinarya, malaking tulong yan. Medyo disappointed ako, wala dun sa budget na naman yung agrarian reform restructuring kailangang ibalik yan kasi puro CLOA ang hawak ng mga magsasaka natin...sino namang bangko ang magbibigay ng utang na wala kang titulo, ang hawak mo lang ung Collective title, walang ibig sabihin yun.

MR: Sen. Imee, ang sabi po ang budget ay importanteng mahimay natin, dahil bisperas ng election sa 2022?

SIRM: Yun na nga, parang eleksyon na nga lang ang iniisip, wag namang ganun kasi talagang unahin natin ang tulong sa tao. Talagang napakahirap nitong nangyari ay maraming nagrereklamo, maraming project nitong 2020 ang naudlot nasa 15% ang naibigay na local projects. Samantalang kung tutuusin yung mga LGU talagang totoong mga frontliner...kasi syempre saan ka naman tatakbo kundi kay Kapitan, kay Kagawad, kay Mayor. Kaya sagad na sagad na ang LGU, wala na naman yung kanilang IRA (Internal Revenue Allotment) na kanilang inaasahang dadagdagan. So wag naman sanang mapulitika at yung mahiwagang farm-to-market road na talagang kailangan at kinapos ng pagkain dito sa Maynila, samantalang sa Cordillera at sa Ilocos nabubulok ang mga gulay. Etong farm-to-market road panindigan na natin wag namang farm-to-pocket.

MR: Mam, ikaw ang una sa mga nagbigay ng statement sa Senado kaugnay sa pagbibigay ng absolute pardon ng Pangulo kay Pemberton?

SIRM: Yes, si Pemberton, talagang malaking gulo yan. Yung una kong reaksyon galit na galit ako, naiinis ako kasi ako yung isa sa nagsusulong ng SOGIE bill, pero sa kabila nun ay talaga namang it's within the Constitutional mandate of the President talagang kapangyarihan nya yan. Siguro panahon na rin na makapag-move on sa SOGIE bill para hindi masayang ang pagkasawi ni Jennifer Laude. At least, unahin na natin yung ating SOGIE at Anti-Discrimination bills.

MR: Senator Imee, isinusulong mo ang anti-discrimination sa Senado, pero, naniniwala ka ba na walang kapalit itong paglaya ni Pemberton?

SIRM: Palagay ko yung sinasabi na kapalit ng vaccine, wala namang ganun, sobra naman, hindi naman ganun yung mga Amerikano na talagang hihingi para lang sa gamot. I think yung effort na makahanap ng vaccine ay universal, buong mundo naman ay magtutulungan sa ganyan. Sa palagay ko ang ginagawa ni Presidente na napakahirap talaga ay talagang naghahasik ng independent foreign policy. Ang hirap nun, ayaw nyang kumampi sa Tsina, hindi rin nya inaaway ang US, kaibigan natin lahat, maliit na bansa lang tayo, wag tayong makikipag-bunuan, hindi natin kaya. Sabi nga ni Presidente, inutil naman tayo dyan. Bakit tayo magtatapang-tapangan kung hindi kaya. I think, it is the hardest in the world to stay in the middle na walang basag ulo.

MR: So yung kay Pemberton, gusto na pumagitna ng Pangulo?

SIRM: Sa tingin ko ang nangyari dyan, nagpadala tayo ng matinding pag-alma doon sa paglalagay na naman ng kung anu-anong armamento, so nagreklamo si Sec. Locsin laban sa China at tama naman yun ginawa nya kasi within our rights na magreklamo sa ginagawa ng China sa South China Sea. Pero, hindi naman tayo kumampi sa ginawa ng US na bina-ban yung mga kontraktor na Chinese, katulad ng contractor sa Sangley airport (Cavite). So may kapalit yun, at yung kapalit, para balanse, palayain na si Pemberton. Ewan ko, iniisip ko lang, kasi mahirap itong balancing act, talagang ang hirap-hirap talaga. Palibhasa hindi tayo sumunod sa pagba-ban ng mga kontratistang Chinese dahil napakarami nating mga kontrata na umaasa sa kanila, yung infrastructure na nakasalalay sa napakaraming Chinese contractors, Chinese funds, hindi tayo sumunod doon, parang pinagbigyan natin ang Amerika, pampalubag na rin ang pagpapalaya kay Pemberton. Kaya sa ating mga beki, mga LGBTQ, tuloy pa rin, sugod pa rin sa ating SOGIE bill.

MR: Ano ang mga plano ni ex-Sen. Bongbong for 2022?

SIRM: wala pa hindi pa pinag-uusapan yun. Unang-una, nagpapalakas sya, na-dengue, na-pneumonia, ngayon nacovid, isa sya sa una at pinakamalubhang kaso ng Covid. Maayos na sya, yung hitsura hindi na yung payat na payat. Good na good na siya.

MR: Maraming salamat, Sen. Imee.

SIRM: Thank you, Milky. Isang hirit na lang, walang job policy yung budget. Idedemand natin na magkaroon ng TROPA(Trabaho sa Oras ng Pandemya) yun na lang isusulong ko kasi hindi ko matiis ang lahat ng nakakalat sa daan at namamalimos.

News Latest News Feed