Press Release
March 15, 2021

POE: KABABAIHAN HIGIT NA KAILANGAN SA PAMAHALAAN

Naniniwala si Sen. Grace Poe na higit pang maisusulong ang interes ng mga kababaihan sa sandaling magkaroon ng mas malakas na puwersa ang mga ito sa loob ng kasalukuyang pamahalaan kabilang na sa Kamara at Senado.

Sa paggunita ng Buwan ng Kababaihan, binigyang diin ni Poe ang kahalagahan ng papel na ginagampanan ng mga babae sa lipunan at higit na maisasakatuparan ito kung sila ay magkakaroon ng pagkakataong makapagsilbi sa sektor na kanilang kinaaniban.

"Nakalulungkot kasi kung titingnan mong mabuti, kakaunti lamang ang bilang ng mga babae na nasa gobyerno. Sa Cabinet secretaries pa lamang, makikita mo talagang kakaunti ang mga kababaihan," pahayag ni Poe.

Ayon kay Poe, sa kabuuang 23 bilang ng departamento sa gobyerno, dalawang babae lamang ang Cabinet secretary at ito ay sina Education Secretary Leonor Briones at Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.

Sinabi pa ni Poe, mismong sa Senado karamihan ng mga mambabatas ay mga kalalakihan na umaabot sa 17 habang pito lamang ang babaeng senador.

"Suportado naman ng mga kalalakihang senador ang mga bill na isinusulong namin dito sa Senado, pero sa tingin ko mas maganda kung mismong ang bilang namin ay madaragdagan lalo na sa darating na Kongreso," paliwanag ni Poe.

Sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, higit na mataas ang bilang ng mga lalaking mambabatas kung ikukumpara ito sa mga babaeng kongresista. Sa bilang na 304 na kongresista, humigit kumulang sa 85 lamang ang mga babaeng legislators.

Idinagdag pa ni Poe, ang tagumpay ng mga kababaihan ay nakasalig din sa paglahok nito sa mga makabuluhang usapin sa lipunan na magbibigay sa kanila ng politikang kamalayan at maging armas sa pagsusulong para sa ikabubuti ng kanilang hanay.

"Kailangan nating magkaisa. Ang lakas ng kababaihan ay mahalaga para sa iisang adhikaing mapagtagumpayan ang mga kahilingan at karapatan nating mga kababaihan," panawagan pa ni Poe.

News Latest News Feed