Press Release
March 16, 2021

One Ph Sa Totoo Lang Interview ni Senator Win Gatchalian kasama sina Jove Francisco, Chiqui Vergel and Marga Vargas ukol sa COVID-19 updates, Revolutionary Government at 2022 Elections

Q: Ano na po ang status ng Bayanihan 3?

SEN. WIN: Actually, wala pa sa Senado ang Bayanihan 3. In fact, hindi lahat ng senador rin ay sang-ayon sa Bayanihan 3. Like for example, ako, ang pananaw ko dito hindi na muna kailangan ng Bayanihan 3 dahil ang Bayanihan 3 ay ang 2021 budget. Kung matatandaan natin ang Bayanihan 1 at Bayanihan 2, yan po ay isinabatas dahil nasa kalagitnaan na nang tumama ang pandemya at hindi tayo nakahanda pagdating sa health protocols, pagdating sa pagsuporta sa mga kababayan natin. Kaya minabuti nating isabatas ang Bayanihan 1 at 2 para magdagdag ng pondo at bigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na magre-align o kumuha ng pondo sa ibang budget items. Pero itong 2021 budget, napag-usapan itong mabuti. At dito sa pag-uusap kasama na yung pag-uusap tungkol sa paglaban sa COVID kaya nakapaloob na dito sa 2021 budget ang lahat ng pangangailangan natin pagdating sa paglaban ng COVID. Kasama na dito ang vaccination, pagbili ng PPEs, pagbili ng equipment sa mga ospital at iba pang tulong na kailangan ng ating mga kababayan. Kaya sa aking pag-aanalisa, hindi pa kailangan ng Bayanihan 3 dahil iniimplement pa lang natin. Nasa first quarter tayo ng 2021 at kasalukuyan nating iniimplementa ang 2021 budget.

Q: There's no need for Bayanihan 3 for now dahil naka-include na doon sa 2021 budget ang pagtugon natin sa COVID 19.

SEN. WIN: Correct, correct dahil nung nagkaroon tayo ng pagdinig sa 2021 budget, inimbitahan natin lahat ng may kinalaman sa paglaban sa COVID. At inimbitahan natin ang executive at sinabi natin 'ano ang mga kailangan ninyo, gaano kalaking pondo ang kailangan ninyo para labanan ang COVID.' At nung binigyan tayo ng feedback, yan po ay isinama sa 2021 budget. So ngayon, iniimplementa natin ang 2021 budget, March pa lang kaya lahat po ng mga pangangailangan ng ating executive branch, nasa 2021 budget na.

Q: 'Yung ibang kasamahan ninyo sa Senado, hindi aprub sa paghawak ng administrasyon dito sa pandemya. May mga nagsasabi nga hindi raw po anniversary kundi anniversorry. Pananaw niyo po tungkol dito?

SEN. WIN: Kanya-kanyang opinyon, kanya-kanyang pananaw at pag-aanalisa. Para sa akin kasi tinitignan ko ito kapag ako ang nag-iimplementa nitong paglaban sa COVID. Sa Valenzuela kasi talagang kinakausap namin ang ating lokal na pamahalaan, bumababa po tayo para tignan ang sitwasyon at tinitignan din natin kung paano labanan ang COVID at hindi po madali dahil ang COVID ay mailap at itong COVID ay nagmu-mutate at nagkakaroon ng bagong variant. Dito lang sa amin sa Valenzuela, sa loob ng tatlong linggo nadagdagan kami ng 400 kagaad. Bumaba na kami to 50 tapos tumaas uli ngayon to almost 600. Napakabilis po kahit na kumpleto kami. Meron kaming testing equipment. Meron kaming contact tracing center. Meron kaming almost 100 plus na contact tracers. Nag-a-isolate din kami. Hindi ho namin pinapayagan sa bahay po mag-quarantine. Meron kaming special quarantine facility. Pero kahit ganun pa man, napakahirap pong labanan ang COVID lalo na nung pumasok po yung bagong variant kaya nga ho sa aking palagay ang paglaban sa COVID ay talagang tuloy-tuloy ito at hindi tayo pwedeng tumigil. Tuloy-tuloy po dapat ang pag-reremind sa mga kababayan natin na kasama sila sa paglaban sa COVID. Dahil kung hindi ho sila sasama at hindi magko-cooperate ay talagang mahihirapan tayong talunin ang COVID. In short para sa akin po ginawa ng ating pamahalaan, kasama na rito ang national at ang local ang lahat ng makakaya nila para pabagalin ang pagkalat ng COVID. Kaya for the very long time 2,000 lang po ang ating cases. Pero itong COVID ay mas magaling po kesa sa tao. Nag-evolve siya at mas mabilis po ang pagkapit niya ngayon kaya dapat habulin po natin ang kanyang galing.

Q: Malinaw na po ba sa inyo ang plano at actionable targets patungkol dito sa mass vaccination?

SEN. WIN: Kung meron hong isang bagay na dapat talagang tutukan at mas ayusin at galingan pa ito yung vaccination program natin. Dahil iyong tinatakbo nating vaccination program ito po yung mga donation, so wala pa ho talaga at di pa dumadating sa ating bansa iyong binili natin at meron mga timetable na ibinigay sa atin pero itong mga timetable hindi nasundan sa totoo lang dahil dapat ngayon, balita sa amin, dapat dumadating na iyong marami at milyon na bilang ng vaccine at dapat nagva-vaccinate na ho tayo ng senior citizens pero ngayon eh kalagitnaan na ng Marso wala pa tayong nababalitaan kung kailan dadating. Kung meron isang tingin ko na kailangan ma-improve na malaki ay itong vaccination program dahil talagang kahit anong testing natin kung hindi dadating ang mga bakuna ay mahihirapan at mahihirapan tayo. At nakita natin dito, talagang pumapasok yung relasyon natin sa iba't ibang bansa at dito na rin pumapasok yung galing sa negosasyon nung mga itinalaga sa vaccination program. Kaya ako kung may isang bagay na may pagkukulang pa ito ay yung vaccination program natin dahil yung schedule ho na ibinigay nung nagkaroon tayo ng pagdinig ay hindi na ho nasundan.

Q: Isang taon na tayo sa community quarantine, pero despite all the efforts mahirap labanan ang COVID-19. Do you think it's about time to overhaul the IATF as suggested by Sen. Marcos?

SEN. WIN: Para sa akin hindi overhaul but tingnan natin kung saan pa yung pwede palakasin. For example contact tracing, hanggang ngayon wala pa tayong unified contact tracing app at nakita namin sa Valenzuela napaka effective nito. Dito sa Valenzuela meron na kaming relasyon, naka-connect na yung aming app sa Pasig sa Antipolo at sa iba pang LGUs sa Mandaluyong. Maginhawa ito para sa atin dahil wala na tayong fini-fill-up na form. Kumain nga lang sa Pasig ay nagamit ko na yung Valenzuela QR Code ko wala nang fini-fill-up na form. Pero kapag kumain ka sa Makati, kumain ka sa ibang LGU magfi-fill-up ka ng form. Ang masaklap dito eh yung finill-up mo na form eh malamang pupupunta na iyan sa basurahan hindi na magagamit iyan, pero dito sa mga app na ginawa ng mga LGUs katulad ng Pasig at Valenzuela yan naka-link ho yan sa isang database. At ito, nakita ko with my own very eyes, kapag nag-positive ay talagang lumalabas kung saan ka nagpunta ultimong oras at araw, marami na kaming na-contact trace gamit iyang app na yan. So kung meron isang bagay na dapat ma-improve iyan din ho. So in short nakikita ko na di na kailangang i-overhaul pa yung IATF ang kailangan ma-improve na lang yung ibang programa sa paglaban ho sa COVID. Isa pa ho siguro dapat ma-improve yung pagku-quarantine, dahil yung hawahan nangyayari ho sa bahay, kapag nagkahawahan na sa bahay di na natin makikita kung sino yung nakakausap at marami pong bansa ay ginagawang centralized yung quarantine para sigurado na hindi nagkakaroon ng hawahan sa loob ng bahay.

Q: Sinabi mo na imposible ang NO-EL scenario, meron ngayong push for Revolutionary Government, paano kung magtuloy-tuloy yung REVGOV na tinatawag nila?

SEN. WIN: Matagal nang pinag-uusapan ang REVGOV na yan. At alam natin na may ilang tao lang na nagtutulak niyan. Pero hindi po maganda para sa ating bansa yan dahil ang importante po para sa ating lahat ang tinatawag nating check and balance. Ibig sabihin balanse po ang kapangyarihan at kung may lumabag, meron pong isang hanay na nagsasabi na mali po ang ginagawa ng isang hanay. Diyan po tumitibay ang ating bansa, marami pong namumuhunan. Kapag itinulak po ang REVGOV sa panahon ng pandemya, sigurado ho lulubog nang lulubog ang ekonomiya, mas maraming mawawalan ng trabaho. Kahit po ang mga gustong magnegosyo, aalis na po dito dahil sino pa po ang pupuntahan nila. Kapag sinabi mong REVGOV walang Kongreso, walang check and balance. Kung ako ang foreign investor, aalis na lang po ako dahil walang check and balance. In short, dapat nga hindi pinag-uusapan yan sa panahon ng pandemya dahil ang gusto natin umakit ng maraming mamumuhunan dito sa atin. In fact, katulad po ngayon pinag uusapan po namin ang GUIDE Bill, isang batas po para tulungan ang pagnenegosyo at mag-survive sa panahon ng pandemya at mang-akit din po ng mga investors. Pero kung ganyang may REVGOV na pinag-uusapan, useless lang po itong mga bills, itong mga incentives bills na pinag-uusapan namin dito sa Senado.

Q: Marami ring kasamahan sa Senado ang hindi papayag?

SEN. WIN: Hindi maganda para sa atin at hindi maganda para po sa pagpapatibay sa ating mga institusyon at sa ating demokrasya at para sa atin bilang mamamayan po ng ating mahal na bansa ay gusto po natin tumibay ang mga institusyon at magkaroon pa nga ng matibay na check and balance. Pero kung magkaroon po ng isang revolutionary government, ibig sabihin isang sangay lang, napakahirap po niyan dahil wala na tayong check and balance at ang kinatatakutan ko ay ang pag-aalis po ng mga mamumuhunan dito dahil wala na silang kumpiyansa sa check and balance po ng ating mga institusyon.

Q: Nabanggit niyo po sa Legazpi ang pagsuporta ninyo kay Senator Bong Go kung saka-sakaling tatakbo siya sa pagka-Presidente sa 2022 elections, hindi ho ba nagtampo sa inyo si Sen. Pacquiao?

SEN. WIN: Ako naman ay napakahirap pong magkomento dahil hindi pa po sila nagdedeklara at nagfa-file. Alam mo naman napakaraming pwedeng mangyari hangga't hindi ho nagfa-file ng kandidatura.

Q: Kayo ay nasa ibang partido?

SEN. WIN: NPC po ako.

Q: 'Yun ay stand ninyo at hindi ng partido?

SEN. WIN: Ang importante ho dito, para sa akin, ang importante ay kasama natin ang ating partido. Kaya nga tayo sumasama sa isang partido para maging buo at buo ang ating suporta. Ako, sumama po ako sa NPC, noong 2001, noong tayo po ay pumasok sa serbisyo publiko at mula po noon tayo po ay hindi na umalis dahil hindi po ako naniniwala sa palit-palit ng partido. Kaya ang aking suporta at suporta ng partido ay buo at yan din po ang aking magiging batayan pagdating ng halalan.

Q: Wala pang final kung sino ang susuportahan ninyo at kung sino ang susuportahan ng partido ay doon kayo?

SEN. WIN: Oho dahil nasa partido po ako at ganun po ang nangyari ever since in the past na ang ating partido ay nagkakaroon po ng official candidate at kung sino po ang official candidate, ang amin pong partido, hindi lang naman ako, lahat kami ay sumusunod po sa pahayag ng aming partido.

Q: Hindi pa maaring sabihin na ang NPC ay leaning towards Bong Go din? O maaga pa para sabihin ito?

SEN. WIN: Wala pang nagfa-file, mahirap magsalita kung wala pang nagfa-file. Marami pang pwedeng magbago pati isip ko maaari pang magbago.

News Latest News Feed