Press Release
March 23, 2021

OPENING STATEMENT OF SENATOR RISA HONTIVEROS
Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality
March 23, 2021

Magandang umaga po sa lahat.

Hindi lang po ang quarantine ang nag-a-anniversary ngayong Marso. Para sa kumiteng ito, isang taon na rin ang imbestigasyon dito sa nabisto nating pastillas scam noong 2020.

Kung noon, siniyasat natin ang inbound modus ng mga corrupt na myembro ng Bureau of Immigration, ngayong 2021, ibubulgar naman natin ang kanilang modus na outbound pastillas: ang pag-tatraffic papalabas ng bansa ng mga manggagawang Pilipino, lalo na ng mga kababaihang domestic workers.

Ayon sa ating mga sources, P50,000 kada ulo ang padulas sa mga agent ng B-I. May hawak rin kaming ebidensyang nagsasabi na tila ang mga nasa likod ng inbound pastillas scam ay ang parehong mga taong nagkakasa ng outbound modus. Malinaw na isa na itong ganap na business model kung saan nambubudol sila ng kapwa Pilipino na ipapadala sa ibang bansa para maging alipin.

Noong nakaraang linggo, nabalitaan ninyo siguro ang kwento ni Alice, isa sa mga domestic workers na pinalusot sa mahiwagang Counter Number One sa airport. Hindi nya alam na sa Syria pala sya dadalhin ng kanyang mga recruiter at "ibebenta" sa amo. Ang sweldo nya doon ay 200-dollars a month lamang, malayo sa unang napag-usapang kikitain nya. Naikwento din sa amin ni Alice ang pangmamaltrato ng kanyang employer, na kaya raw malakas ang loob ay kamag-anak daw ng pulitiko sa Syria.

Marami pang mga kababayan natin ang nasa sitwasyong tulad ng kay Alice. Bilang patotoo, pakinggan natin ang salaysay ng iba pang mga kababaihang nakausap ng aking opisina-- mga babaeng napasabak at nanatili sa Syria dahil na rin sa pangangailangan.

(VIDEO OF BELEN AND CAROL)

Ayon sa admin office ng POEA Balik Manggagawa, nakasailalim sa total ban ang Syria mula pa noong 2014 at may mandatory repatriation para sa lahat ng OFWs doon. Pero hanggang ngayon, nasa Syria pa rin sina Alice, Belen, at Carol.

Kaya ngayong umaga, ang maglalahad sa atin ng kanyang karanasan ay si Diana, isang domestic worker na naloko ng sindikatong kasabwat ang mga tauhan sa BI. Napadpad rin sya sa Syria ngunit nakahanap ng paraan na makauwi dito sa Pilipinas. Hindi lang pera ang pinag-uusapan dito, kundi pati prinsipyo, pagkatao, at dignidad ng ating mga Overseas Filipino Workers.

Magandang umaga sa iyo, Diana, at salamat sa pagkakataong ito. Salamat sa pagdalo at sa pagtulong sa amin upang tuluyan nang matuldukan ang bastos na pamamalakad sa ating mga airport. Maaari ka nang magpakilala at magsimula ng iyong kwento.

News Latest News Feed