Press Release
March 26, 2021

DWIZ IZ sa Alas-Sais Interview ni Sen. Win Gatchalian kasama si Alex Santos ukol sa mga jumper sa bakuna, dagdag ayuda at face-to-face classes

Q: Ano po ang inyong punto de vista dito sa mga elected officials na nangunguna o nauuna pa sa mga healthcare workers na magpabakuna?

SEN. WIN: Alam mo nakikita ko ito araw-araw dito sa Valenzuela na marami tayong mga nurses, mga medical frontliners na nagpa-positive dahil sila ang mga kumukuha ng mga laway. Sila rin ang pumupunta sa mga bahay-bahay, sila rin ang mga nasa laboratoryo na tumatanggap ng specimen. At madalas ko naririnig sa kanila at halos nagmamakaawa na kung pwedeng mauna na sila sa pagbibigay ng vaccine at sabi ko nga gagawin namin ang lahat ng makakaya namin para mabigyan sila ng vaccine dahil totoo naman, araw-araw kung ikaw naman ang kukuha ng laway ng halos sampung pasyente sa isang araw, talagang delikado ang buhay mo. Pero nakakadismaya na nakakarinig tayo ng mga artista at kapwa serbisyo publiko na nauuna at alam din naman natin, kahit ikaw nga, alam mo na ang patakaran at proseso ay mauuna ang medical frontliners pero sinadya pa nila na mauna sila para maipagyabang o maisalba ang sarili nilang buhay. Nakakadismaya dahil ano ang isasagot natin sa ating medical frontliners kung ganito ang kanilang nababasa.

Q: Base sa kanilang mga paliwanag kaya nila ginawa para mag-set sila ng example at maging modelo para hindi raw katakutan ng kanilang mga constituent ang bakunang ito. Is that the right tugon po ba para sila ay makaligtas sa pag-violate po nila?

SEN. WIN: Palusot na lang 'yan at gawa-gawa na lang 'yang dahilan dahil ang pampubliko, yung para sa atin ay July pa darating. Kahit na mauna sila, ang publiko hindi pa makakakuha ng bakuna, July pa. Kung titignan natin ang timetable, nagpost na ako ng isang timetable, July pa darating ang bulto ng bakuna para sa publiko kaya dapat July na nila ginawa 'yun dahil ang publiko ang susunod na mabibigyan ng bakuna. Ngayon, kahit na mauna ka, kahit na mauna po ang lahat ng serbisyo publiko, mga lingkod bayan, ay hindi naman po makakakuha ang publiko dahil wala silang makukuha. So itong ilang buwan na daraan para po sa mga medical frontliners natin dahil kakaunti lang ang darating kagaya ngayon meron tayong surge, kahapon po halos 9,000 positives ang pumasok. Eh kung ang ating medical frontliners ay mahahawahan at magkakasakit sila, sino naman po ang gagamot sa mga papasok sa ospital? kaya hindi ho tama ang dahilan na yun, palusot na lang po yun.

Q: Ano kaya ang kanila pong kahinatnan nito pag sila ay nag-violate dahil maski ang Pangulong Duterte ang sabi medyo may gray area dito, meron ho ba tayong batas dito?

SEN. WIN: Actually yung sinabi ni Pangulo na gray area, ang kanyang tinutukoy ay gray area ang mga dahilan ng ginawa nila. Hindi gray area po dahil malinaw po ang patakaran. Dahil kami sa Valenzuela, to be honest about it, tinext ko si General Galvez at nag-volunteer ako, nung una pa lang para po ipakita sa public pero ang sabi niya hindi talaga pwede dahil medical frontliners muna ang mauuna. At ang para sa publiko ay July pa darating kaya naintindihan natin. Hindi na tayo nag-insist dahil yun talaga ang patakaran at tama naman dahil ang medical frontliners natin ay sila ang nalalagay sa alanganin ora-ora, kaya sila dapat ang mauuna. Pero ang patakaran na ito hindi ito bago. Alam ng mga lingkod bayan, alam mo rin yan, alam ng buong bayan pero kaya nga ang pagtalon ay sinadya ho yun dahil alam nila. Sinadya po yun dahil tingin ko nga gusto lang ipagyabang dahil ipinost pa sa Facebook na sila ang nauna. Bakit mo pa ipopost yun sa Facebook kahit ipost mo ng sampung beses, ang publiko hindi naman ho makakakuha dahil wala ngang bakuna.

Q: Parang ininggit mo pa.

SEN. WIN: Correct. Actually, unfair sa ating medical frontliners kasi marami nga ang nagtatanong bakit nauuna sila, eh kami nga ang nagswa-swab. Biruin mo, Alex, dito sa amin yung mga nagswa-swab wala pang bakuna eh yun ang nakakatakot dahil pagpasok nila ng bahay magswa-swab sila ang katapat nila 10, 20 na mga ka-pamilya, lahat positive. Napansin ko kahit na naka-PPE, ito ang napapansin ko lang, kahit na naka-PPE meron nakakalusot at nahahawahan ang ating medical frontliners. Kaya nakita ko kahit naka-PPE sila ang kanila pong buhay ay nasa panganib pa rin.

Q: So far po sa inyong lugar at sa inyong pagbisita sa ilang lugar sa ating bansa, sa tingin niyo tumaas ba ang level ng trust and confidence sa ating mga bakuna?

SEN. WIN: Pagdating sa trust and confidence, oo, dahil napansin ko nag-umpisa na ang ilan sa medical frontliners natin, nasa TV lalo na nung umpisa maraming media coverage. Marami sa ating constituents naniniwala na importante po ang bakuna. Dito lang sa aking mga magulang, nung una, ayaw talaga kahit na Moderna, kahit na yung pinakamagagarang brands ayaw nila pero nung nakita nila na nagpapabakuna na ang mga doktor, naging kampante sila at nagparehistro na rin. So makakatulong yung pag-media ng mga bakuna pero dahil nga kakaunti lang ang dumarating, unahin muna natin ang mga frontliners natin dahil tayo naman makukuha din, ako naniniwala ako based on the timetable, by July yung para sa atin darating na.

Q: Ang dapat unahin po na bakunahan, dapat ba yung andito sa NCR, yung nasa bubble?

SEN. WIN: Tama, Alex. To be honest about it at hindi naman minamaliit ang mga taga-ibang probinsya pero may mga probinsya tayo na walang COVID at konting-konti lang ang COVID pero dito sa NCR po ay talagang bumubulusok ho at tumataas. Ang kinatatakutan ko like kahapo lang, may isa kami, ito nga ang nakapagtataka, yung chief of hospital sa Valenzuela nag-positive pero nakakuha na siya ng one dose ng Sinovac kaya nagtataka kami dahil sila ang pinaka-boss ng ospital namin. Kaya bigla kaming nawalan ng chief of hospital. Nakikipag-ugnayan nga kami sa DOH kung ano ba ang scientific reason bakit siya nahawahan kahit meron siyang isang dose ng Sinovac. So ang punto lang naman natin ay ganun kalala po na pati po ang pinaka-management ay tinatamaan po ng COVID at kung mauubos po sila ay wala na hong magmamando ng ospital.

Q: Ito may nakita akong text ng isang doktor, si Dr. Tam Fraiden, sabi niya vaccines protect against COVID but no vaccine is 100 percent perfect. Rarely, fully vaccinated people will get infected. But even then, vaccination will greatly reduce serious illness. Tatamaan ka pa rin talaga.

SEN. WIN: Okay, hindi kasi ako doktor pero alam mo naman itong mga vaccine, ngayon lang lumalabas kaya ngayon lang natin natututunan pero ang magandang balita naman kung ganyan at least si Dr. Tecson ang aming chief of hospital kahit na tinamaan ng virus ay hindi siya mamamatay. Hindi magiging malubha ang kanyang sakit. Pero ganunpaman, nawala siya. For 14 days, naka-sideline po siya at yun nga isa rin sa nakikita ko sa pagbibigay ng bakuna sa mga frontliners, tumataas ang kanilang kumpiyansa. Lalong lumalakas ang kanilang pagpasok sa trabaho kaya ayun ang gusto natin ngayon na itong mga kasamahan nating nurses at doktor ay may kumpiyansa sa pagpasok sa kanilang trabaho.

Q: Kung kayo po ang tatanungin, ano ba ang dapat na parusa sa tinatawag nating jumpers?

SEN. WIN: Kung talagang napatunayan na sinadya po nila, at yung kanilang mga dahilan ay paikot-ikot lang at palusot lang ako ang aking pananaw diyan dapat ay ang pinakamabigat po na parusa. Dahil ang mga frontliners po ang tinanggalan nila ng bakuna. Kung sila po ay nawalan ng bakuna ang katumbas niyan ay buhay ng taumbayan. Sa akin, yung pinakamabigat kung pwede. At dun sa mga artista na hindi naman po medical frontliners ay dapat kasuhan po yan dahil again, pareho rin po yun, tinanggalan mo ng bakuna ang isang nurse o isang doktor na sila po ang may katungkulan na iligtas po o isalba ang buhay ng ating mga kababayan.

Q: By the way, Senator, maiba ho tayo, ito po bang pagbibigay po ng bagong ayuda para sa mga kababayang apektado ng pandemya lalo po ngayon na naghihigpit tayo, yan po ba ay napag-uusapan ninyo sa Kongreso?

SEN. WIN: Opo, kasama pa rin ito sa Bayanihan 1 at Bayanihan 2. Ito na ho ang tingin ko dulo na ng Bayanihan 1 at bulto ng Bayanihan 2. Actually, yan din ang isa sa medyo nakakadismaya ang mabagal na pagbigay ng ayuda. Walang problema sa pondo, ang pondo andyan po almost P400 billion po yan pero ang pagbibigay, ibang ahensya na po ang gumagawa kaya yan din po ang isang nakakadismaya dahil napakabagal ng pagbigay ng ayuda. At isa pong dahilan diyan dahil wala pa tayong National ID System. Ngayon lang binibigay ang National ID natin. Kaya nahihirapan po ang mga ahensyang hanapin ang mga taong ito. Pero again, itong National ID ay two years ago, naging batas na yan at ngayon lang iniimplementa.

Q: Kailangan talaga natin mabigyan ng ayuda dahil marami talaga ang biktima.

SEN. WIN: Oo, marami. Halos apat na milyon po ang walang trabaho at halos milyon po ang nawalan dahil sa pandemya dahil sa pagtaas ng bilang ng COVID. Ang nakakatakot dito ay baka mas marami pa ang mawalan dahil naghihigpit tayo. Ito lang simple lang, for example, yung mga nasa gym, nasa restaurant. Nakita ko yung ibang restaurant, nagsara na lang dahil walang bumibili na customer at ang maliliit na karinderya po nagsara na rin. So maraming nawawalan ng trabaho kaya dapat maramdaman naman nila ang kamay ng gobyerno na tumutulong.

Q: Yung tinatawag nga daw ho na short lived lang daw ang recovery natin at babalik na naman daw sa recession kaya wish nga raw ng Pangulong Duterte sa kanyang birthday ay matapos na itong pandemya. Yan ang pinapangarap natin.

SEN. WIN: Oo, tama ka parang itong bangungot natin ang haba parang di pa tayo nagigising sa bangungot. Kausap ko lang ang iba nating media friends natin, natatandaan ko last year nung pumutok ito ay kausap ko sila. Sina Raffy Santos ng ABS, nung binisita kami sa Valenzuela, ito ang pinag-uusapan namin. Pagkatapos ng isang taon, ito pa rin ang pinag-uusapan namin. Kaya sabi ko Raffy parang di tayo gumalaw. Pero just to be fair, nakita ko na hindi lang naman tayo ang ganito. Nakita ko ang Germany, isang napakayaman na bansa, isang agresibong bansa ay naka-lockdown. Halos isang buwan na rin. Sila mas mahigpit sa atin, hindi pwedeng lumabas ng bahay. Nakita ko itong virus na ito, napakagaling at napakatalino. Talagang iniiwasan po ang mga solusyon na pwedeng gawin. Iba itong virus na ito kaya dapat ho mag cooperate tayo para mapigilan na.

Q: Lastly po, malapit na ang eleksyon, ano pang mga batas ang nasa isip niyo po, mga pipeline at mapapakinabangan ng ating mga kababayan natin?

SEN. WIN: Ako, nakatutok po ako sa sektor ng edukasyon dahil bago pa man tayo pumasok sa pandemya ay malaki na ang problema natin sa edukasyon, lalo na sa tinatawag natin na quality. Hindi lang nararamdaman ng ating mga kababayan pero ang kalidad po ng ating edukasyon ay pababa po ng pababa at hindi maganda ito para sa kinabukasan ng ating mga kababayan dahil paano tayo makikipagkumpetensya, paano tayo aagaw ng magandang trabaho kung ang ating mga kabataan ay mababa ang kanilang pinag-aralan. Kaya talagang tinutulak natin ang pag-angat ng kalidad at tuloy pa rin po ang pagbibigay ng importanteng kagamitan sa ating mga kabataan. Isa po sa mga itinutulak natin ang tinatawag kong 'One Laptop, One Learner' na mabigyan po ng laptop lahat po ng mag-aaral sa atin. Dahil importante na yan. Nakita ko nung nagsara ang mga eskwelahan lalong mahalaga itong internet connection at laptop.

Q: Yan po ay siguro kung tayo ay mababakunahan na lahat, mukhang ang face-to-face mukhang malabo pa po yun?

SEN. WIN: Medyo. Honestly, ang hirap sagutin niyan. Ako itinutulak ko pa rin ang face-to-face pero to be honest about it ang hirap pong sagutin ng may katiyakan dahil itong virus, paiba-iba. Akala ko noong January, huhupa na ito at pwede na tayong mag-face-to-face pero pumutok uli ngayon kaya sabi natin ay dapat maging maingat muna tayo dahil hindi natin alam kung ano ang pwedeng mangyari. Kaya ipagpaliban muna natin ito hanggang gumaan ang sitwasyon. Pero tingin ko hopefully itong bagong school year, this August, dahil delay ang ating school year, magkakaroon na tayo ng face-to-face.

News Latest News Feed