Press Release
March 29, 2021

STATEMENT OF SEN. BONG GO:

Nakikiusap muli ako sa national government na bilisan niyo na ang ayuda. Tulungan natin sa lalong madaling panahon ang ating mga kababayan upang makaraos sila sa hirap, lalo na 'yung mga naninirahan sa NCR, Rizal, Bulacan, Cavite at Laguna na naka-ECQ.

Gawin natin ang lahat sa abot ng ating makakaya na makapag-abot ng tulong sa lahat ng nangangailangan para walang magutom. Habang pinipilit natin silang manatili sa kanilang mga pamamahay, siguraduhin din dapat natin na mayroong laman ang kanilang tiyan.

Sa bawat araw na lumilipas kung saan nakakulong at limitado ang galaw ng mga tao para matigil ang pagkalat ng sakit, isang araw din na bawas ito sa kita na dapat ipapakain nila sa kanilang mga pamilya, lalo na 'yung mga "isang kahig, isang tuka".

Kung kaya't anumang available na pondo na pwedeng gamitin ng gobyerno na pang-ayuda ay ibigay na natin. Ilatag na dapat ng mga ahensya, sa tulong din ng mga LGUs, ang mga mekanismo kung paano ito maipapamahagi sa bawat kwalipikadong pamamahay o indibidwal sa paraang maayos, mabilis, at walang bahid ng pulitika o korapsyon.

Para naman sa ating mga kababayang apektado, konting tiis lang po. Hindi kayo pababayaan ng gobyernong palaging nagmamalasakit sa inyo.

Patuloy lang tayong magbayanihan upang mapagaan ang hirap na pinapasan ng buong sambayanan. Ang inyong kooperasyon at pagmamalasakit sa kapwa ay makapagliligtas ng buhay ng kapwa nating Pilipino.

News Latest News Feed