Press Release
April 19, 2021

WIN TRANSCRIPT | Politiskoop Interview ni Sen. Win Gatchalian kasama sina Ina Andolong at Michael Fajatin ukol sa Government COVID response, One Filipino One Bank, Distance Learning at 2022 elections

COVID response

Q: Lack of discipline ba ang problema sa tumataas na bilang ng COVID 19 or is it also yung unpredictability ng virus?

SEN. WIN: Nakita ko, isa sa natutunan natin dito na itong virus is unpredictable, hindi natin malaman kung ano ang mangyayari tulad ng variants, hindi lang isang variants, ngayon ang dami nang variants, hindi na nga mabilang. So in other words, dapat maghanda pa rin tayo for the worst. At 'yun ang nakita kong pagkukulang natin dahil nag-relax tayo. In fact, inaamin din namin dito sa Valenzuela na medyo akala namin hanggang 2,000 level na lang per day 'yung cases pero sumipa pa to as high as 12,000. So in other words, dapat ipagpatuloy pa nating palakihin ang ating capacities, for example, 'yung hospitals. Isa sa naging problema natin ngayon ang mga hospital natin napuno nang napuno. Kagaya sa amin sa Valenzuela, dito, napuno at napuno rin. At 'yung ating testing capacities. Makikita natin maraming testing labs na nagkakaroon din ng problema. Ang iba nagbabakasyon, 'yung iba nai-infect, so hindi natin nahi-hit 'yung 60,000 tests a day. So in other words, marami pang pagkukulang pero ang importante ngayon ang mindset natin dapat ay let's think for the worst. Pwede pang mangyari ito in the next six months at dapat gumalaw tayo na parang last year, noong 2020 na parang nagmamadali tayo, may sense of urgency tayo. Hindi pa rin po pwedeng mag-relax ngayon.

Q: Ano pa 'yung pwedeng mas worst kaya sa tingin ninyo?

SEN. WIN: Kanina lang bago tayo mag-interview nakita ko sa Bloomberg, sinasabi na baka tumagal pa ito at baka nga may marami pang variants ang lumabas dahil nga ngayon lang lumalabas ang ibang variants na mas nakakahawa, mas nakakamatay at ang tingin ko na pwede pang maging worst is tumaas pa itong number of cases natin per day. Sa ngayon napako na tayo sa 10,000 per day sana naman hindi pero kapag umakyat ito sa let's say 20,000 talagang malaki ang problema natin pagdating sa hospital capacities. So ang ibig sabihin ngayon ay habang kaya pa nating maglagay ng capacity, maglagay tayo ng capacity, sa hospital, sa testing. Isa pang pinakamalaking problema natin 'yung contact tracing app natin, hanggang ngayon wala pa tayong unified contact tracing app. Kanya-kanya at kapag pumupunta nga tayo sa supermarket nagsusulat tayo sa papel, hindi naman natin alam kung saan pumupunta 'yun.

Q: Do you think we can afford Bayanihan 3, do you think the administration has still enough funds lalo na if you are saying that we should prepare for the worst?

SEN. WIN: Actually, 'yung 2021 budget is Bayanihan 3. Itong budget na ginagalaw natin ngayon, ito na ang Bayanihan 3 dahil itong last year November, tinanong ang executive, tinanong ano bang mga kailangan ninyo for 2021, ano bang mga gamit, ano bang mga suportang kailangan ninyo to fight against COVID, lahat 'yun. So sinabi nila 'yun at inilagay natin lahat sa 2021 budget. So 2021 budget is Bayanihan 3. Ngayon, further down the road, let's say second half this year, meron pa talagang hindi natin nakita na dapat talagang pagkagastusan then we talk about Bayanihan 3. Pero para sa akin, maaga pa para pag-usapan ito today dahil itong 2021 budget is Bayanihan 3 dahil lahat ng kailangan ng executive nakapaloob na sa 2021 budget.

Q: Mas okay ba na sobra na ang estimate natin o kulang ang Bayanihan 2? Ano pong pagkakaiba nito sa Bayanihan 3.

SEN. WIN: Actually, itong Bayanihan 2, ang tawag nga nila dito ay recovery mechanism dahil marami dito nakapaloob tulong sa negosyo. At isa sa pinakamalaking pondo na inilaan sa Bayanihan 2 ay ang tulong sa Small and Medium Enterprises, almost P24 billion plus 'yan. Hanggang ngayon ay ginagastos pa rin, hindi pa fully nagagastos 'yan. Nasa Land Bank at nasa DBP at ang suporta na ibinibigay sa MSMEs ay sa pamamagitan ng loans so 'yung Bayanihan 2 is a recovery mechanism 'yan at tuloy-tuloy pa rin ang pag-iimplementa. In other words, tuloy na tuloy na iniiimplementa ang Bayanihan 2. Kaya nga hindi pa tapos ang pag-iimplementa ng Bayanihan 2 dahil marami dito ay may kaugnayan sa negosyo. Hindi naman natin pwedeng pwersahin ang negosyo na 'O, humiram ka ng pera'. Meron din silang sariling phase 'yan sa paghihiram ng pera at sa pagkukuha ng tulong.

Q: May monitoring ba tayo diyan kasi parang wala akong naririnig na people are asking for loans?

SEN. WIN: Tama ka, maganda ang tanong mo. 'Yung P24 billion na 'yun konti pa lang ang nagagamit doon. Ako mismo nagche-chair ako ng isang kumite ngayon ang Committee on Banks at meron tayong isang batas na itinutulak ito yung GUIDE bill. In simple terms, itong batas na ito ay para maengganyo pa ang small and medium enterprises na umutang at mabigyan pa sila ng dagdag na suporta so ngayon kasi ang pag-utang maraming mga dokumento. So itong bill na ito, isi-simplify at gagawing mas mura ang pagbibigay ng suporta at utang sa kanila. So in other words kumbaga may kasunod pang batas ito para bumilis ang pagsuporta natin sa kanila.

Q: Sinu-sino po ang pwedeng umutang?

SEN. WIN: Inexpand natin ito, lahat ng negosyo na tinamaan ng pandemic. For example, eskwelahan, maraming eskwelahan nagsara. Mga retail sa mall, ang daming retail na nagsara. Mga logistics company lalo na mga travel agencies, marami rin ang nahihirapan. So ito ang mga tinamaan ng pandemic na tuturuan ng gobyerno.

Community pantries

Q: Community pantries reflective of government failure na mag provide ng tulong, ano ang take ninyo dun sa mga nagsasabi nun?

SEN. WIN: I don't want to turn a noble effort into a negative political weapon. Ito ginawa ito ng taumbayan, kusang-loob dahil gusto nilang tumulong. Itong community pantry sinet up ito para makatulong sa ating mahihirap na kababayan. Pero meron ding isang aspeto diyan na natutuwa ako. Simbolo rin ito ng disiplina dahil nakasulat doon sa karatula na kunin mo lang ang kailangan mo, huwag labis, huwag naman sumobra. At 'yung mga tao 'yun din ang ginagawa dahil ang knee jerk reaction natin baka mag load sila ng maraming pagkain. Hindi 'yun ang nangyari. So sa akin dalawang simbolo ito. Una, simbolo ito ng kawanggawa, ng ating modern day Bayanihan and number 2, simbolo ito ng disiplina na 'yung mga kababayan natin huwag tayong kumuha ng labis, magtira tayo para doon sa ibang nangangailangan. So it's a symbol for me, ayoko gawing negative political weapon ito dahil ito ay kusang loob at kawanggawa ng ating mga kababayan.

Q: Can we institutionalize this? Gawin na sa mga LGU o sa mga barangay?

SEN. WIN: I think itong mga ganito ay mas maganda ito nasa pribadong kamay para walang pulitika, walang kulay. Kasi kapag ginawa ng gobyerno, naku pang-eleksyon lang 'yan kaya ginagawa. Mawawala ang spirit ng volunteerism at pagtutulong kaya mas maganda nasa private hands ito para makikita natin na talagang volunteerism at kawanggawa ang ginagawa.

Q: Would you encourage local officials to just bring their supplies sa mga community pantries?

SEN. WIN: Yes. In fact dito nito lang weekend maraming nag-donate sa office ko ng alcohol para ipamigay, dadalhin ko nga sa community pantry, may isang group na nagtayo ng maliit na community pantry dito sa aming city, dadalhin ko na lang ang dinonate sa akin so pwede nilang ipamigay ang alcohol. So in other words, sa mga gustong tumulong at ang question dito, can we sustain it? So masu-sustain lang ito kung mas marami pang magdo-donate kaya ipakita natin na nagdo-donate tayo para mas marami pang mag-donate.

Q: Siguro dapat dagdagan ang slogan: kumuha ng sapat, huwag labis at huwag nang umepal?

SEN. WIN: Kasi kapag ginawa ito ng mayor o politiko alam mo naman malalagyan ng kulay 'yan. Mawawala ang spirit, napakagandang symbol ito para sa akin dahil ganito sa panahon ng pandemya, may mga tao talaga na in their small way na tumutulong.

Q: Bawal maglagay ng tarpaulin?

SEN. WIN: 'Yung sa Maginhawa 'yung nakita ko na maliit na karatula na sinulat nila, it's a symbol din na walang epal na simple lang. Alam niyo naman ang mga pulitiko lalagyan nila ng mukha nila 'yan.

One Filipino, One Bank

Q: Bill on One Filipino, One Bank Account para sa pagdi-distribute ng ayuda? Paano ang documentation?

SEN. WIN: Actually, 'yung 4Ps almost four million families 'yan, meron na silang bank account. Kasi ngayon nagbibigay tayo P4,000 per family doon sa poorest of the poor. Ito 'yung 4Ps, ang isang requirement doon, may bank account at doon nila kukunin ang P4,000. Ngayon limitado lang ito dito sa four million families pero padating na ang ating national ID. By this year, meron na tayong 20 million Filipinos na may national ID so pwede nating ikabit ang bank account doon. So ang naiisip kong mekanismo for example, si Juan dela Cruz meron na siyang national ID. Kasama na sa national ID niya ang bank account niya so automatic na 'yun para kung may ayuda o scholarship o ibang suporta, diretso nang ibibigay ng gobyerno doon. Hindi na pipila si Juan dela Cruz. Dahil ngayon ang distribution napakahirap, delikado rin para sa mga nagdi-distribute.

Q: Anong bangko?

SEN. WIN: Meron tayong dalawang government banks na talagang malawak. Ang Landbank at ang DBP. We can mandate the government banks na magbigay sila ng bank accounts. Ang importante lang Michael, may caveat din ako, importante damihan din nila ang ATM dahil may bank account nga ang tao pero kung pipila rin sa ATM pareho lang. So dapat padamihin nila ang ATM.

Q: May nabasa ako na 86 percent ang wala pang bank account at may study ang Central Bank na tatlong dahilan kaya nagpipigil para magkaroon ng bank account. Pera kasi dapat may deposito ka na P5,000. Pangalawa, 'yung gamit. Pangatlo 'yung dokumento.

SEN. WIN: Sa aking proposal, walang minimum balance, basta may bank account ka, walang minimum balance at ito nakakabit na sa pangalan mo at doon sa national ID number mo. So for example, Juan dela Cruz 1234 ang number nakakabit na doon. Lifetime, habambuhay saiyo na ang bank account na 'yun. Ako naniniwala ako na kapag ang tao binigyan mo ng ganito, pag-aaralan niya at gagamitin niya 'yan. Like for example, 'yung social media, dati marami nagsasabi mga lola na hindi kami marunong pero ngayon dahil nag-quarantine, lahat ng lolo at lola ngayon mas magaling pa sa atin. Kaya matututo rin ang tao basta bigyan natin ng oportunidad.

Q: Gawa na lang ng app tulad ng GCash?

SEN. WIN: Magandag suggestion yun. In fact, napansin ko doon sa mga bata-bata mga 30 years and below, marunong silang gumamit ng GCash, Paymaya, iba pang digital wallets sa phone. Sa mga may edad gusto nila may bank account pa rin. Mga bata-bata alam na nilang gumamit ng digital wallets. And moving forward, tingin ko dapat ganun na tayo pumunta sa digital wallets.

Q: Realistically speaking, do you see this becoming a law soon?

SEN. WIN: Actually, it takes a while to make a law, medyo kailangan natin ng oras diyan. Pero 'yung konsepto, hindi lang naman ito dahil may pandemya ngayon but moving forward din o 'yung tinatawag natin na financial inclusion. Tingin ko darating at darating din, like for example, pumutok ang Taal, kailangan natin magbigay ng ayuda. 'Yung mga ganitong sitwasyon kapag may bank account sila mabilis na magpadala ng tulong sa kanilang account at pupunta na lang sila sa bangko o sa ATM.

Distance learning

Q: Mangyayari ba anytime soon ang pilot testing ng face-to-face classes?

SEN. WIN: To be honest, medyo na-thrown off ako, nawala ako doon sa aking direksyon na sana magbukas ng face-to-face classes na this coming school year. Ito ay isang bagay na talagang hindi natin nakita, itong pagtaas uli ng bilang ng COVID sa atin. So in other words, sa ngayon dahil nga tumataas ang bilang ng COVID, ang pwede nating gawin paghahanda. At one point, maniniwala ako na matatapos din ito, huhupa rin at babalik tayo sa normal as much as possible at maghanda rin tayo doon at kahit bumaba 'yan dapat tuloy pa rin tayo sa pagsusuot ng mask at paghuhugas ng kamay. So to answer your question this coming school year, mahirap sabihin kung magkakaroon tayo ng face-to-face dahil this coming school year ang target is between August to September. Napakahirap sabihin ngayon dahil nga sa sitwasyon natin. Pero ako I still think for the best pa rin. Kung pwede tayong mag-umpisa ng pilot testing doon sa mga GCQ areas dahil marami tayo, almost 11 million students ang nasa MGCQ areas, 'yung pinakamababang quarantine. So mahigit kalahati ng mga estudyante natin nasa pinakamababang quarantine areas na tingin ko pwede nang mag-pilot testing doon.

Academic break

Q: You are against academic break or academic freeze?

SEN. WIN: Oo, dahil hindi pwedeng mag-implement ng isang malaki, malawakang academic freeze sa buong Pilipinas dahil nga may parte tayo ng bansa tulad nitong mga MGCQ areas na 11 million students na nasa ganitong quarantine, ibig sabihin pwede silang mag-distance learning doon. Meron tayong mga nasa 5 million sa GCQ areas at additional 5 million nasa MECQ. So in another words, hindi pwedeng i-apply ang academic freeze nationwide dahil iba-iba ang sitwasyon ng bawat lugar. At sayang kapag in-academic freeze mo tapos sa kanilang lugar ay naka-MGCQ hindi sila mag-aaral at sayang ang panahon.

Q: Pwede po yan options?

SEN. WIN: That's a very good point. In fact ang mga principals natin, may kapangyarihan sila at mas maluwag sila ngayon sa pagbibigay ng mga ganyan 'yung leave of absence at pagsa-submit ng mga materyales. Principals are very sensitive to what's happening around them. Kaya ang aking suggestion gawin natin per school, per LGU basis yung pagsu-suspend. Like for example, noong nagkaroon ng surge halos kalahati ng barangay sa Pasay ay nag-lockdown. Obviously, maraming positive doon at maraming estudyante ay baka nadala ang mga magulang sa quarantine facilities so hayaan na natin ang mga principal na mag-analyze kung ano ang mas makakabuti sa kanila at sila na ang magdesisyon kung ano ang mas makabubuti sa kanilang mga estudyante.

Distance learning

Q: Meron na bang assessment because of distance learning/modules, mas nahuhuli ba tayo?

SEN. WIN: Meron kaming mga ginawang assessment, this is in cooperation with an NGO, Synergia Foundation, I'm a trustee of that foundation, so gumawa kami ng random assessment at lumalabas on the average ang natutunan ng bata under distance learning is between 40 to 45 percent. So ang ibig sabihin yung kanilang passing grade, yung mas marami ha Math, Science, Filipino, Araling Panlipunan etc 40 to 45% yung kanilang average passing grade. Masama to dahil nung pumasok tayo sa pandemic matatandaan natin last tayo sa mga international assessment, nasa dulo tayo. So ibig sabihin bago nagka-pandemic, ang direksyon ng bansa ay maghabol pero hindi tayo nakakahabol. Na kumbaga naipit tayo sa 40% at sigurado ako pag nag-international assessment na naman tayo huli na naman tayo dahil hindi tayo umangat. So in other words itong distance learning imbes na makakaangat sa atin eh naipit tayo, na-stuck tayo diyan sa 40 level at hindi tayo makahabol doon sa dapat nating habulin.

Q: Toddlers, pre-schoolers anong napapag-usapan sa kanila?

SEN. WIN: Tama, Actually that's why itong yung mga edad yung between daycare, kindergarten hanggang Grade 3 dapat ang magulang very hands on, dahil ang bata kailangan ng interaction kailagan may nagpapaliwanag. Hindi pa nila kaya ang independent learning, ang kailangan pa nila ay assisted learning .Yung mga may edad na like for example junior high school, kaya na nila magbasa independently pero itong mga bata na ito dapat i-guide ng mga parents. Pero nabuksan na kanina yung sinabi mo, yung interaction tama ka, isa sa pinakamalaking problema natin ngayon ay ang mental health. Dahil ang bata magulang lang ang nakakahalubilo, wala siyang interaction sa tao, wala siyang interaction sa kapwa bata at tama ka yung pagpapalaki ng bata hindi lang naman academics eh no? Dapat marunong kang makipaghalubilo, marunong kang mag-communicate, marunong kang makipagkaibigan, ito ang nawala ngayon, at ito rin ang nagiging problema na may kaugnayan sa mental health ng maraming bata.

2022 elections

Q: Let's talk about 2022, how do you see the upcoming campaign season? Mukhang sa social media ang magiging mainit na labanan.

SEN. WIN: Nakita ko na noong pumasok itong pandemic, dalawang bagay ang tumaas; una yung online transactions, andaming bumibili sa online ngayon, online buying and selling; pangalawa online consumption ng news tumaas rin ngayon. Dahil nga una nawala iyong ABS-CBN, pangalawa nasanay na rin iyong tao sa online pati news consumption pumasok sa online nakita ko tumaas siya. So in other words ang tao nagiging sanay na ngayon na komunsumo ng balita sa internet at marami sa ating mga kababayan ganun na ang ginagawa. So nakikita ko sa elections, ako ang eleksyon matutuloy no. Yung mga nagsasabi na No El, yung hindi mangyayari ang eleksyon, by all means matutuloy iyan. Ang dapat nating gawin ay mag-ingat at hindi natin puwedeng gawin na isang araw ang pagboboto tingin ko mga tatlong araw para hindi siksikan ang pagboboto. Importante rin ang health protocols sa voting areas. Pero matutuloy iyan at largely ang campaign right now nakikita ko is through traditional media and social media, itong dalawang platform pa rin but more lumalaki na rin ang social media dahil ang tao sanay na rin gumamit ng social media.

Q: Bilang ng mga rehistrado, sabi ng Comelec mababa pa rin.

SEN. WIN: I think normally naman sa atin pagdating sa dulo mga last few weeks, last few (pag binigyan mo ng deadline) oo ugali na iyan, kaya tingin ko tuluy-tuloy naman yan at nagulat kasi ako sa Palawan, nasundan natin ng plebesito doon, to be honest ang estimate ko doon 30 percent marami na, ang lumabas 75 percent antaas. Very passionate tayo pagdating sa boto kaya ang tingin ko etong eleksyon natin kahit na ganito ang sitwasyon gagawa at gagawa tayo ng paraan para makaboto tayo.

Q: Di ba delikado kung sa social media, andami ring nagkalat na fake news?

SEN. WIN: Korek. Yan ang downside, ang masama naman pagdating sa online kasi mahirap malaman kung alin yung totoo alin yung hindi at kumbaga anything goes. Pero nakita ko naman sa Facebook, yung mga online platforms naghigpit na sila pagdating sa fake news at ganun pa man kahit naghigpit na sila dapat tayo pa rin, bilang mga taong komukonsumo ng mga balita eh mas maging mapanuri at mas maging alisto pagdating sa mga ganitong fake news.

Q: Are you joining any slate or parties sa pangangampanya ninyo?

SEN. WIN: I'm a member of NPC since I joined public service. Wala pa kaming usapin kung ano ang aming magiging set-up. So tingin ko by the end of the year magkakaroon ng mas malinaw na.

Q: Pag-usapan natin ang slate, sino-sino po ang puwede ninyong ilaban?

SEN. WIN: Well for Senator malapit tayo sa mga incumbent reelectionists katulad ni Senator Villanueva, Senator Zubiri, si Senator Gordon ito mga grupo natin noon pa man ka-grupo na natin at malaking tsansa na magiging magkagrupo kami muli dahil maganda yung aming samahan. Pagdating naman po sa Presidential at top positions, hindi pa namin alam. Ako personally hindi ko alam kung sino ang tatakbo. Maraming inilalagay sa survey, maraming nagdi-deny, maraming di umaamin. It is very hard to say kung ano ang magiging alliances this time.

Q: Pero kayo po Senador pa rin hindi bise-presidente o Pangulo?

SEN. WIN: For now ganun pa rin, for now ganun pa rin.

Q: Anong ibig nyong sabihin na baka maging magkagrupo kayong mga reelectionists? Are you saying that you'll campaign together?

SEN. WIN: Yeah most likely dahil nung huling eleksyon for example kami nina Senator Zubiri at ni Senator Gordon magkasama kami. So I'm here in the Senate, personal friends rin kami so not only political allies but personal friends so kumportable kami sa isa't isa at nakikita kong set-up at least sa grupo namin yung mga reelectionists na ka-grupo namin eh magsasama-sama. But hindi pa namin alam kung is it one group, yung set-up medyo malabo pa, medyo malabo pa.

Q: 1Sambayanan may ganun po ba?

SEN. WIN: Mahirap pang magsalita ngayon dahil may (inaudible) pa eh, but if we are talking with certainty makakasama ko yung mga kaibigan natin.

Q: With certainty, yung mga kaibigan ninyo ay mga groomsmen din?

SEN. WIN: Korek yun tama ka.

Q: In the 2019 elections, that admin bets swept yung top 12 halos, do they have a big chance na ganun rin ang mangyayari next year?

SEN. WIN: Ako I'm a firm believer of service no, ever since nung Mayor pa ako at Congressman service talaga ang tinitignan ko at pinag-aaralang mabuti. Ang ating Pangulo napaka-popular pa rin kahit na itong pandemic ay tuluy-tuloy, meron tayong surge, maraming reklamo sa social media but hindi natin madi-deny napaka-popular pa rin niya. Itong recent, itong first quarter survey ng Pulse Asia nasa 80% ang kanyang approval and trust rating, the highest among all the top officials. So kahit anong gawin at sinasabi sa social media iba naman ang nararamdaman ng ating mga kababayan. Ang social media kasi limited lang naman ang nagpa-participate dyan pero ang taong bayan iba pa rin ang kanilang sentimento at binibigay pa rin nila ang kanilang tiwala, 80 percent binibigay ang tiwala 80 percent nagbibigay ng approval sa kanyang trabaho. So for now, nakikita ko na napaka-popular ng ating Pangulo at yan ay malaking bagay iya pagdating sa eleksyon dahil nga sa sinabi mo Ina nung last election dahil nga sa kaniyang mataas na approval rating ay nakakakapag-campaign o nakakapag-endorso.

WPS

Q: WPS po walang nababanggit ang Pangulo, do you feel that he has to talk about it and he has to make a stand?

SEN. WIN: Ako, sinasabi na tahimik siya, ako para sa akin hindi siya tahimik eh, yung pinakamataas, pinakamahalaga at pinakaimportanteng mga personalidad na may kaugnayan sa WPS, the Foreign Affairs Secretary, the Defense Secretary nagsasalita, at hindi lang ito bulong kundi talagang bira. Merong written protest, merong social media protest at merong verbal protest. Ito yung dalawang pinakamataas at pinakamahalagang personalidad na talagang madiin pagdating sa isyu ng West Philippine Sea. Hindi magsasalita yan ng madiin, nakita ko noong una padaplis, dating nung una pa-jab-jab lang eh pero ngayon may diin na talaga, kaya sa aking pag-aaral ito ay isang istratehiya ng administrasyon at inumpisahan lang gamit itong dalawang personalidad pero naniniwala ako na mas may malaki pang istratehiya diyan. At hindi magsasalita ang ating mga secretaries kung walang basbas ng ating Pangulo, imposible yan.

News Latest News Feed