Press Release
April 19, 2021

WIN TRANSCRIPT | DZBB Interview ni Sen Win Gatchalian kasama sina Weng Salvacion at Weng dela Peña ukol sa One Filipino, One Bank Account

Q: Sir, pakipaliwanag nga sa amin itong proposal ninyo na mandatory bank account for every Filipino.

SEN. WIN: Nakita natin kung gaano kahirap mag-distribute ng ayuda. Hindi lang ito pang-una kundi pangatlo na ito. Kung matatandaan natin 'yung SAP 1 talagang umabot ng dalawang buwan yata bago naibigay ang SAP 1. 'Yung SAP 2 umabot ng tatlong buwan, ngayon itong ayuda na binigyan ng 15 days ang mga lokal na pamahalaan para mag-distribute lahat umaangal. At ang kawawa dito dahil nga minamadali natin ay ang taumbayan dahil marami sa kanila ay pinapapila ng maaga at first come, first serve ang ginagawa. Pero mas delikado rin kung 'yung mga nagdi-distribute ng pera dahil pera, cash ang dini-distribute ay mahahawahan. Mawawalan tayo ng magdi-distribute ng cash. Kaya dahil meron na rin tayong national ID law at ngayong taon bibigyan na ang halos 20 milyong kababayan natin ng national ID ikabit na natin dito ang bank account at ang konsepto na pinag-iisipan natin, wala nang minimum balance. Basta meron kang national ID bibigyan ka na agad ng bank account at itong bank account mo sa iyo na ito, permanentang sa iyo na ito hanggang andyan ka at kung may ayudang ibibigay ang gobyerno. Hindi lang naman ayuda, for example tax refund, for example, scholarship program o merong ibang programa ang gobyerno na gustong ibigay saiyo, hindi ka na pipila, diretso na sa bank account mo at kukunin mo na lang sa bangko.

Q: At 'yung account na 'yan whether may laman ka o wala at mag-stay ka dormant for years, mananatili siyang active?

SEN. WIN: Correct dahil mas magastos sa gobyerno magpamigay ng cash. Dahil tinignan ko sa Valenzuela kung paano nagde-deliver ng cash. Unang-una ibinaba ang pera sa City hall. Ang City hall naman pumunta sa Land Bank para kumuha ng pera at 'yung pera na yun dinala ng armored van. At ang armored van na 'yun katakot-takot ang security guard at police at nung dinistribute sa mga basketball court ang daming pulis din dahil baka mawala rin ang pera dahil milyun-milyon so ang ibig kong sabihin mas magastos humawak ng physical cash kesa mag-maintain ng zero balance dahil ang zero balance nasa computer lang 'yun.

Q: Ibig sabihin po nito na para ba siyang idea ng national ID na once ang Filipino ay ipinanganak meron ka nang mandatory bank account? Bubuksan na kahit sanggol ka pa lang?

SEN. WIN: Hindi naman sanggol.

Q: Pwede kasi 'yung i-apply ng guardian until magkaroon o umabot siya ng legal age, siya na ang magme-maintain ng kanyang account.

SEN. WIN: Pwede ring ganun dahil ngayon kapag bagong panganak ka pa lang meron ka nang national ID number at sa iyo na ito habambuhay so pwede nating ikabit diyan sa national ID number mo ang bank account mo. So meron kang national ID at may bank account ka na.

Q: Hindi ba delikado 'yun, hindi ba maha-hack 'yun?

SEN. WIN: Dapat matindi ang computer system natin. Meron din naman tayong National Privacy Commission at meron pang ibang ahensya na babantayan naman po ang privacy at pagha-hack.

Q: Pero ang kagandahan doon kasi ngayon kapag mag-a-apply ka sa bangko, ang daming requirements na hinihingi, so with national ID 'yun na lang ang kailangan para mas maging madali ang pagbubukas?

SEN. WIN: Tama, dahil ang national ID ang pinakamahalaga diyan dapat mamamayan ka ng ating bansa, Filipino ka. So na-establish na 'yun kaya sa bank account napakadali na lang dahil na-establish na Filipino ka, meron kang national ID number, mas madali nang ikabit doon 'yung bank account mo. Maraming magagamit ito dahil nakita ko for example 'yung scholarship program, kawawa ang mga estudyante kapag pumipila kukunin nila ang kanilang stipend. So ngayon ire-remit na lang doon at makukuha na ng bata.

Q: Anong downside nito sa banking industry kasi sa ngayon may maintaining balance kasi, sistema 'yun ng banking industry para may mapagulong sila sa kanilang investment sa pagpapautang and all?

SEN. WIN: ...programa na nagbibigay ng tulong kagaya ng sabi ko scholarship, minsan may tax refund pa, minsan 'yung 4Ps, 'yung pagbibigay ng ayuda so maraming programa. Titignan natin 'yung kumbaga 'yung cost kung magkano ang ginagastos ng pamahalaan sa pagbibigay ng programa versus 'yung pagme-maintain ng bank account. At nakita ko mas simple ang pagme-maintain ng bank account dahil ito lahat ay electronic, walang physical na gumagalaw.

Q: O kaya siguro magkaroon na lang ng criteria na itong sektor na ito kaya mo na magdeposito on regular basis so may maintaining balance ka. Kapag poorest of the poor ka, pwedeng wala ka nang maintaining balance but you have to prove na ito ang iyong threshold.

SEN. WIN: Pwede rin 'yun. 'Yung mga ganun na konsepto pwede rin para magkaroon ng kaayusan. Pero ang pinaka-basic dito lahat tayo meron nang bank account na pwede nating gamitin at 'yun ang ating kumbaga koneksyon sa mga ayudang ibibigay ng gobyerno.

Q: Ang mga kumuha ng ayuda ang iba dun meron nang ATM lalo na ang mga 4Ps kahit ilan sa mga senior meron na.

SEN. WIN: Oo, hindi nga masyadong nagamit. In fact ang itinutulak nga sa ating bansa 'yung financial inclusion dahil less than 20 percent lang ng populasyon natin ay may bank account. Lahat talaga cash ang ginagamit pero sa ganitong panahon lalo na ganitong pandemya na hindi ka makalabas at hindi ka makaikot eh electronic na talaga ang ginagamit at 'yan talaga ang future pambili talaga electronic.

Q: Sa tingin niyo, paano maisasakatuparan 'yan lalo na sa bangko. Eto may nagtext sa atin sabi niya 5 years lang ang validity ng bank account ng isang bangko.

SEN. WIN: Kaya dapat ang batas dahil ang gagawin natin maraming patakaran dito na kailangang batas. For example, magiging panghabambuhay ito so ang bank account mo magiging active 'yan panghabambuhay. Pangalawa, zero maintaining balance, ibig sabihin kahit walang laman 'yan sa iyo pa rin ang bank account na 'yan at magagamit mo.

Q: Hindi magko-close ang account na 'yan? 'Yung bank account mo lifetime na rin siya parang national ID number mo?

SEN. WIN: Yes, kumbaga nakakabit 'yan sa national ID mo.

Q: At saka ang bank account na 'yan pwedeng depositohan? Kasi may mga bank account na nire-restrict.

SEN. WIN: Pwede namang gamitin for other purposes. For example, meron kang maliit na negosyo pwede mo nang gamitin ito para kumolekta sa mga customer mo. So maraming pwedeng paggamitan, hindi lang 'yung ayuda sa gobyerno kung hindi pwede rin sa maliit na negosyo o halimbawa mag-reremit ka sa kamag-anak mo, pwede ring gamitin ito.

Q: Filed na ang bill?

SEN. WIN: Ihahain pa lang natin. Ito ay pina-finalize namin at hopefully kung makita ng ating mga kasamahan na maganda ito ay maaprubahan within the year.

Q: At sana makahikayat ito sa mga tao na gaano man kalaki o kaliit ang kinikita mo, mahikayat sila na mag-save. 'Yung kultura ng pagse-save for future use, maganda 'yun na magawa nating kultura ng mga Pinoy.

SEN. WIN: Tama ka, nasabi ko lang na 'yung isang kabutihan diyan matututo silang mag-impok ng pera dahil andyan na ang bank account mo. Normally sa sweldo natin nire-remit diretso doon ay natututo kang mag-manage ng pera mo hindi mo ginagastos agad.

Q: Sabi ng texter, maganda 'yan basta sa national manggagaling ang funding kesa dumaan pa sa LGU.

SEN. WIN: Oo nga. 'Yun ang mahirap. Ang hirap inoobserbahan ko ang pagbibigay ng ayuda dito sa amin talagang pahirapan. Kawawa rin ang mga kawani ng gobyerno dahil binibilang nila mano-mano 'yan, inilalagay sa envelope at natatakot din silang mahawahan dahil ang mga kausap nila hindi nila alam kung asymptomatic o hindi.

Q: Pwede sa kahit anong bangko ang plano ninyo o sa government bank lang?

SEN. WIN: Government bank lang. Landbank at DBP para mas madali at kontrolado ng gobyerno.

News Latest News Feed