Press Release April 25, 2021 DZBB Bantay Balita sa Kongreso Interview kay Sen Win Gatchalian kasama sina Nimfa Ravelo at Iza Umali ukol sa NTF-ELCAC at sa suplay ng kuryente On Defunding NTF-ELCAC SEN. WIN: Narinig ko ang komentaryo mo about daga. Hindi ito hamster, hindi ito maliit na daga, malaking daga ito kahit na isang daga pero kung napakalaking daga naman, malaking problema rin 'yun. Q: Dahil diyan, ano na nga ba ang gagawin ninyo sa pondo ng NTF-ELCAC, sabi ninyo i-defund, paano po 'yan gagawin, nasa batas na po na nandiyan na bibigyan sila ng P19 billion this year para raw sa programa nila sa barangay? SEN. WIN: Nimfa, bago ko sagutin 'yan, gusto ko pasalamatan si General Esperon. Nakita ko 'yung kanyang statement ngayong umaga lang, actually. Nagbigay siya ng gag order kay General Parlade. Maganda ito dahil nagkakaroon ng hidwaan, nagkakaron tayo ng pagkakahiwalay-hiwalay dahil sa kanyang mga statements. Statements ni General Parlade. Ang puno't dulo naman talaga nito, Nimfa, si Parlade ang problema. So kaya tayo nagkakaganito at nagkakaroon ng hidwaan dahil sa kanyang mga alegasyon na walang basehan. Q: Ang tinutukoy po ninyong kanyang alegasyon na walang basehan ay ito pong kanyang pagredtag doon sa mga organizers ng community pantries? SEN. WIN: Correct. Pag-redtag at iba pang mga sinasabi. At of course, dumami ang kanyang pinagsasabi, tinawag niya ang organizer na satanas. Pangalawa, tinawag niya ang mga senador na stupid. So dumami nang dumami na at nagkaroon na ngayon ng kumbaga ng hidwaan, hindi maganda sa ganitong panahon na ang mga tao sa gobyerno ay nag-aaway-away at hindi maganda sa imahe ng ating pamahalaan. Q: So ano ang gagawin ninyo Sir kay General Parlade at sa NTF-ELCAC? SEN. WIN: Kahit na ganitong may gag order, pagpapatuloy pa rin natin ang pagtitingin sa budget na ito at ipagpatuloy ko pa rin po ang aming mungkahi na i-defund ang ahensyang ito. Ang dahilan ko naman, ang aking first na dahilan dahil nawalan na tayo ng tiwala dito sa namumuno ng ahensya lalo na kay General Parlade. Hindi maliit na pondo ang ibinigay natin. Hindi milyon kundi bilyon ang ibinigay natin dito. At inaasahan natin na ang mga namumuno diyan katulad ni General Parlade ay gagatusin ng maayos at hindi gagamitin sa pangha-harass. Hindi gagamitin sa pang-aapi ang pondo na ibinigay sa kanila dahil ang malaking pondo na 'yan pwede mong gamitin sa masamang paraan at hindi ho 'yan ang intensyon ng mga senador sa pagbibigay po ng pondo na gagamitin nila. Q: Paano po itong ide-defund kasi parte na ito ng General Appropriations Act this year? SEN. WIN: Maraming paraan gamit ang legislative process. Una, pwede tayong magkaroon ng hearing at busisiing mabuti ang pondo at dapat naman talagang gawin, busisiin ang lahat ng pondong ibinibigay dapat talagang busisiin. Pero titignan din natin dito ang kanilang pagde-desisyon sa paggastos ng pondo so dapat makitang mabuti po iyan. Pangalawa, pwede ring through supplemental budget. Pangatlo, pwede rin po doon sa mga special laws na papasok. So marami tayong paraan para ire-align. Ako personally, suportado ko ang anti-insurgency program. In fact, bumoto nga ako noong 2020 para pondohan ang anti-insurgency program. Pero ang aking desisyon nakabase po sa tiwala na gagamitin nang maayos at ang mga taong nakatalaga diyan sa NTF ay maayos at gagawa ng tamang desisyon. Pero kung ang lumalabas sa kanilang bibig ay walang basehan, red tag na hindi naman nabibigyan ng ebidensya, para sa akin, mawawala at nawawala na po ang tiwala ng taumbayan. Q: Pero Sir, halimbawa po tanggalin si Parlade bilang tagapagsalita, mababago ba ang inyong pananaw na tanggalan ng pondo ang NTF-ELCAC? SEN. WIN: Para sa akin, malaking positibong balita 'yan para dito sa isyung ito kasi ako naniniwala na kasama siya sa nagde-desisyon kung saan dadalhin ang pondo. Q: Sa tingin ninyo, hindi lang siya spokesperson? SEN. WIN: Tingin ko hindi dahil ang spokesperson mahalagang posisyon 'yan. Dala-dala mo ang imahe at boses ng ahensya. So kung ano ang ginagawa ng ahensya, 'yun ang sinasabi mo. Kung ano ang iniisip ng ahensya 'yun ang sinasabi mo. Kung ganun ang lumalabas sa kanyang bibig, ganun din po 'yung kumbaga siya ang nangungusap sa loob ng ahensyang 'yun. Kaya kung ganyan po ang pag-iisip ng ahensya, paano tayo magtitiwala na gagamitin nang maayos ang pondo. Q: Ulitin ko po 'yung tanong, number 1, dapat po ba alisin na lang siya bilang tagapagsalita ng NTF-ELCAC at kapag tinanggal siya ano ang inyong magging disposisyon sa P19 billion, ipalilipat pa rin ba ninyo, ipa-dedefund pa rin ang NTF-ELCAC? SEN. WIN: Ako personally, ito ang aking pananaw diyan, kung siya ay mawawala, malaking positibong galaw ito para sa ahensya at maibabalik ng ahensya ang kanilang imahe, ang kanilang intensyon na labanan ang insurgency sa bansa pero hindi pa rin po ibig sabihin na hindi pa rin bubusisiin ang pondong 'yun at kung may makitang hindi maayos sa pagdedesisyon ay pwedeng ire-align o tanggalin po ang pondo sa ahensya. In simple terms, tuloy pa rin po ang pagbusisi ng pondo pero para sa akin malaking hakbang na nalilinis at naaayos muli ang imahe ng ahensya. Q: Sir, naalala ko lang meron po kasing rekomendasyon ang Senate Committee on National Defense and Security na doon ay inirerekomenda pong tanggalin si General Parlade as spokesperson kasi labag sa constitution pala na ang military official ay hahawak ng civilian position sa gobyerno. 'Yan pong committee report na 'yan ni Sen. Lacson, inaprubahan po ng buong Senado pero hindi po pinakinggan ng Defense Department obviously at ng AFP at Malakanyang kasi andyan pa rin po si General Parlade. SEN WIN: Correct. Q: So paano 'yun, di ba nakakadismaya parang one way traffic na kapag humingi ang Malakanyang, ang AFP ng pondo ibinibigay ninyo pero itong rekomendasyon na tanggalin si Parlade bilang spokesperson hindi ginagawa? SEN. WIN: Correct. 'Yang Committee Report na 'yan, 'yan po ay Committee Report ng Defense Committee na pinangunahan po ni Sen. Lacson at napakadetalye po. Nung pinakinggan ko nga 'yung kanyang report nung inisponsor niya 'yan, napakadetalye at meron pong basehan ang kanyang rekomendasyon. Hindi lang po dahil labag ito sa konstitusyon pero nakita rin po namin na 'yung spokesperson nakakasira po sa ahensya at mawawala po ang totoong diwa ng paglaban sa insurgency program dahil nga naniniwala ang mga senador na maganda ang insurgency program dahil magdadala ito ng kapayapaan sa ating kanayunan. Pero kung ang lumalabas naman po sa bibig ng ahensya ay walang basehan, pangha-harass, walang ebidensya, masisira po ang buong ahensya at masisira rin po ang diwa ng paglaban sa insurgency. Kaya maaga pa lang inirekomenda nang palitan dahil labag nga sa konstistusyon pero karagdagan diyan ay para po maging mas matibay at mas maayos po ang pamamalakad ng ahensya. Q: Meron din po kasing mga panawagan na bukod sa resignation ni General Parlade, mismong ang NTF-ELCAC na po ang lusawin, kumbaga tanggalin dahil ang binabanggit ng ating mga kababayan, may nagagawa ba 'yan, ang mga proyekto ba niyan ay natutupad? Ano po ang masasabi ninyo dito? SEN. WIN: Hindi ako sang-ayon diyan dahil ginawa ito para talagang tuluyan nang magkaroon ng kapayapaan sa ating kanayunan. Sa pag-ikot ko sa buong bansa talagang peligro po, nasa peligro at marami tayong lugar sa iba't ibang parte ng bansa na hindi umaasenso dahil nga sa giyera, dahil sa insurgency, dahil sa terorismo. At hindi aasensong tunay ang ating bansa kung may mga ganyang paggiyera sa iba't ibang parte ng ating bansa kaya naniniwala ako na ito ay isang paraan, itong programa ng NTF ay isang paraan para maghatid ng kapayapaan sa iba't ibang parte ng bansa. Pero ulitin ko, ang pondo isang bagay; ang programa isang bagay. Pero ang mga taong nagpapatupad niyan, 'yan ang pinakaimportante dahil ang puno't dulo nito ang taong magpapatupad pero kung wala na tayong tiwala sa tao kahit anong ganda ng programa, wala rin pong pupuntahan dahil ang mga tao pong andyan ay nagre-redtag. Kung ako man, ako mismo ma-redtag ay masakit sa atin 'yun dahil nakakatakot hindi lang para sa atin kundi para sa a din sa ating mga mahal sa buhay. Q: May mga plano po ba ang mga senador na mismong si General Esperon ang inyong himukin na tanggalin na sa pwesto si General Parlade? SEN. WIN: Nakita ko dahil doon sa gag order ni General Esperon ay nakikinig siya at sensitibo siya sa opinyon hindi lang ng senador kundi ng taumbayan. Dahil sa kanyang statement, nakita niya na itong community pantries ay nagpo-promote ng bayanihan spirit sa kanyang statement. So nakita ko na sensitibo siya at ito ay isang magandang hakbang at tingin ko tuloy-tuloy na ito para maiayos ang imahe at pamamalakad sa loob ng NTF. Q: Sa sinabi niya na stupid daw ang mga senador kasi nga kayo ang nagbigay ng budget tapos babawiin ninyo, anong tugon ninyo doon? SEN. WIN: Well, unang-una talagang walang respeto sa kapwa lingkod-bayan. Dahil pareho naman kaming lingkod-bayan, pareho naman tayong naninilbihan sa ating bansa at talagang walang respeto po sa kapwa naglilingkod sa ating bansa. Pero ganunpaman, ayaw ko nang patulan 'yan at ayaw nating patulan ang mga ganyang pag-iisip dahil unang-una nakakalungkot na merong ganyang tao sa loob ng gobyerno. Dapat kami kahit anong ahensya ka, whether executive or legislative, importante na nagtutulungan at importante na ipinapakita natin sa taumbayan na nagkakaisa tayo dahil iisa lang naman tayo gobyerno at nakakalungkot na merong ganitong pangyayari na ang nagdulot niyan ay ang community pantries na hindi naman dapat controversial. Ang community pantry napakasimple, napakapayak na sistema na nagbibigay ng inspirasyon sa mga kababayan natin. In fact, dapat sinusuportahan at hindi nagiging controversial. Q: Kapag dinefund, it's as good as abolishing na? SEN. WIN: Kaya titignan nating mabuti. Sa akin two steps yan, una, titignan natin ang mga taong andyan, paano sila nagde-desisyon, sino ang mga nakaupo diyan, tama ba ang kanilang ginagawa. At pangalawa, saan pumupunta ang aktwal na pondong inilaan na ho diyan sa NTF so titignan natin ang mga taong nagdedesisyon dahil sila ang nag-iimplementa at pangalawa ang aktwal na programa at importante rin ito dahil gusto rin natin makita kung ang pondo ay nagagastos sa mabuti at kung ang pondo ay nararamdamam sa bawat barangay dahil 'yun ang design ng programang ito na maramdaman ng bawat barangay na nakatarget sa NTF program. Q: Meron ba kayong information kung saan ginagasta ng NTF-ELCAC ang pondo nila o masyado silang naging busy sa redtagging at profiling? SEN. WIN: Magandang tanong 'yan, actually dahil 'yun nga ang tanong natin dahil 400 plus barangays ang nakatarget diyan. Q: 800 daw Sir. SEN. WIN: 800 ba? Doon sa isang nakita ko 400 but let's say 800. Napakadami niyan, if there are 365 days sa isang taon, tatlong taon bago matapos ang 800 barangays at hindi maliit na halaga, we are talking about P20 million per barangay. May mga barangay ang pondo P1 million lang, may mga barangay ang pondo ay P2 million lang. Q: Discretion nila kung magkano ang ibibigay? SEN. WIN: 'Yun ang dapat nating makita, kaya ba nilang gastusin 'yan kung ang barangay ang pondo ay P1million, meron ba silang kakayahan na gastusin ang P20 million, 20 times ng kanilang budget. So 'yung mga bagay na ganyan ay titignan din natin. Pero as a program itself, labanan ang insurgency, sinusuportahan ko 'yan dahil ako naniniwala na kailangan na natin ng kapayapaan sa ating bansa at ito ang isang programa na pwedeng makamit 'yang kapayapaan na ating inaasam-asam. Q: Kung ang purpose ay mabigyan ng programa ang mga barangay, hindi ho ba ginagawa na 'yun ng DSWD, ng DILG so bakit kailangan pa natin ng Task Force, bakit hindi na lang ibigay sa regular agencies ang budget? SEN. WIN: Tama ka Nimfa kaya nga isa sa mga pinaguusapan ng mga senador na kung ide-defund ang NTF, hindi naman ibig sabihin ay mawawalan ng programa ang anti-insurgency dahil kung bibiyakin natin ang programa ng NTF, infrastructure, mga kalsada at livelihood. So ang livelihood pwedeng ilagay sa DSWD; yung infrastructure, pwedeng ilagay sa DPWH. So hindi naman ibig sabihin kapag dinefund, mawawala ang programang 'yun, pwede lang ilipat sa mga ahensya na ginagawa na ang programang iyon. Q: Sabi ni Sen. Drilon ay magpapafile siya ng resolution para icensure ng buong Senado si General Parlade. SEN. WIN: To be honest about it hindi po nakakatulong ang mga pananalita po ni General Parlade. Si Parlade po talaga ang problema kaya nagkaganito-ganito na at sa panahon po ng ganitong pandemya, importante 'yung nagkakaisa tayo. Ang community pantry simple lang ito, napakapayak na volunteerism, napakapayak na programa pero ang laki ng impact sa taumbayan dahil nakakatuwa. Like kami dito sa Valenzuela, meron na kaming 30 plus na ngayon at karamihan sa nagtayo mga kakilala ko, hindi naman sila komunista, hindi naman terorista, hindi kasama sa NPA. Talagang kusang loob na gustong tumulong at makibahagi dito sa Bayanihan Movement thru community pantries kaya dapat hikayatin pa natin ang mga ganito dahil napakalaking inspirasyon ito sa ordinaryong mamamayan natin. Q: Paano po ang susunod na dapat gawin sa mga ito kasi dinudumog na, pinipilahan na, marami po ang tumutulong pero alam nating hindi ito forever. SEN. WIN: Ako, unang-una ang payo ko lang naman dito sa mga nag-oorganize makipag-coordinate sa mga barangay dahil nga nasa panahon tayo ng pandemya at importante merong order, merong kaayusan doon sa lugar nila para hindi dumugin. Ngayon, gaano katagal, Nimfa, hayaan na natin ang pribadong sektor kung bukas ang loob nila at gusto nilang ipagpatuloy ang suporta, hayaan na natin sila. Ang pinakayaw natin dito ay ang makialam ang mga pulitiko at gobyerno dahil malalagyan ng kulay at kumbaga hindi magiging sincere ang intention po ng community pantries. Q: Kaya sumulpot ang community pantries ay dahil daw sa kakulangan ng gobyerno sa pagtulong sa mga kababayan nating nangangailangan. Sa panig ng pamahalaan, ano po ang dapat gawin? Ano ang dapat iimprove? SEN. WIN: Ayaw ko idugtong iyan sa anumang opinyon ng ibang tao dahil maraming opinyon pagdating sa community pantry. Kapag nilagyan natin ng opinyon o idinugtong natin doon sa pagresponde ng gobyerno o pagbibigay ng tulong doon nalalagyan ng kulay. Ako gusto ko hayaan ang taumbayan ay tumutulong, ito ang tinatawag nating modern day bayanihan at gamitin natin ito as an inspiration for all of us sa ganitong panahon. Pero patuloy pa rin naman, kami patuloy naming itinutulak ang pamahalaan na maghanap ng ibang paraan para makatulong. Sa Senado naman tuloy-tuloy pa rin po ang paghahanap namin ng pondo, tuloy-tuloy pa rin po ang paggawa ng batas para makatulong po sa mga naapektuhan ng pandemya. On Energy Supply Q: Senator, balikan ko lang po ang kuryente. Nag-warning kayo noong isang araw na posibleng magkaroon ng brownouts, delikado ang mga bakuna natin? Ano po nakukuha ninyong mga report? SEN. WIN: In fact this morning pa, tinitignan ko ang mga analysis at report at malaking posibilidad na magkaroon tayo ng red alert, ibig sabihin iba't ibang parte dito sa Luzon na magkakaroon tayo ng brownout. Nakita ko na dalawang bagay kung bakit. Unang-una, maraming planta ang bumagsak at maraming planta ang hindi nakabalik agad. Q: Bakit po bumagsak? SEN. WIN: 'Yan ang isang bagay na titignan namin this Tuesday, may hearing kami this Tuesday at titignan namin ang dahilan kung bakit sila bumagsak at ang iba hindi nakabalik agad. Ibig sabihin, numipis ang suplay ng kuryente natin so 'yun ang isang dahilan. Pangalawa, napakainit so tumataas na naman ang demand ng kuryente natin at nakita ko dito mga ilang linggo na magkakaroon tayo ng red alert at hindi maganda ito dahil nasa panahon tayo ng pagbibigay ng bakuna at nakita natin na itong mga bakuna natin ay sensitive, kailangan ng refrigerator below 20 degrees. At ang actual na vaccine kailangan ng refrigerator so kung walang kuryente, wala pong refrigerator. Kaya this Tuesday, may hearing kami at titignan namin kung ano ang ginagawa ng Department of Energy para hindi magkaroon ng brownout sa atin. Pero based on our analysis, ito this morning ko lang nakita, malaki ang posibilidad na magkaroon tayo ng brownout this coming May and early part of June. Dahil sa init at in fact napakainit talaga. Ang worry ko lang talaga at ang aking concern ay ang vaccination program dahil padating na, in fact nakita ko ang report ni General Galvez padating na ang mga vaccines natin this coming week at ang mga susunod na bakunang darating, ito pa ang mga sensitibo. Q: Paano maaagapan ang mga brownout kasi sabi po ninyo merong planned at unplanned outages? SEN. WIN: Yes. 'yung planned po kasi ibig sabihin nakaplano na 'yan. 'Yung mga unplanned ito ang mga walang abiso. For example, nagkaroon ng aberya ang isang planta saka lang sila magsha-shutdown so ang aking pakay this coming Tuesday tignan ang mga contingency measures ng Department of Energy lalo na nagro-rollout na tayo ng bakuna so dapat maintindihan natin na meron tayong contingency measures na kung mangyayari po ito nakahanda ang gobyerno para saluhin ang kulang. Q: Kasama ba sa napo-project ninyo ang pagtaas din ng bayarin sa kuryente? SEN. WIN: Merong ganyan na effect dahil marami tayong utility bumibili sa tinatawag nating stock market, sa merkado. Very simple lang ito, kung kulang ang supply siguro tataas ang presyo sa stock market kaya delikado rin, merong posibilidad na tumaas ang presyo ng kuryente dahil manipis ang suplay. Ang timing ang hindi maganda kaya nababahala ako at ganun na rin na nataon ito sa pagro-rollout ng bakuna. Q: Sino po ang invited bukod sa DOE? SEN. WIN: Invited dito ang NGCP dahil sila ang ating operator. Invited din dito ang pribadong sektor ang association ng generators at kasama rin po dito ang mga utilities katulad ng Meralco. Dahil may paraan na itong mga utilities para maiwasan itong posibilidad na magkaroon ng brownout. Q: Kasabay po pala ang hearing ninyo sa Committee of the Whole tungkol sa pork? SEN. WIN: Oo nga eh, nagkasabay dahil itong hearing natin sa kuryente ay naka-set na at dahil delikado ang sitwasyon minabuti na namin na magkaroon ng hearing para marinig natin sa DOE ang mga solutions na nakalatag. |
Thursday, October 10
|