Press Release
September 17, 2021

TRANSCRIPT OF SENATOR CHRISTOPHER BONG GO'S MANIFESTATION DURING THE SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE HEARING
17 SEPTEMBER 2021

Mr. Chairman, sa totoo lang po naiintindihan ko ang komiteng ito na gusto lang malaman ang katotohanan. At kasama po ninyo ako na gustong malaman ang buong katotohanan.

Naiintindihan ko rin si Pangulong Duterte dahil pinapasan niya po ang lahat ng problema sa bansa ngayon at kadalasan siya po ang nasisisi. Hinuhusgahan na agad ang gobyerno base lamang sa mga espekulasyon.

Ang pakiusap ko lang sa mga kasamahan ko, gamitin natin ang forum na ito para lumabas talaga ang katotohanan at maging patas tayo sa lahat. Pakinggan po natin ang lahat ng panig.

Ang pakiusap ko naman sa mga resource persons, makipagtulungan kayo at magsabi kayo ng totoo. Just tell the truth. 'Yung katotohanan lang naman po para maliwanagan po ang lahat, para naman po hindi madamay ang mga inosente. Para matapos na ang hearings na ito at maka-focus na ang ating mga opisyal sa paglaban sa pandemyang ito, lalo na tumataas ang kaso, nasa gitna pa tayo ng laban kontra COVID-19.

Alam nyo po, mabait si Pangulong Duterte sa mga gustong tumulong. Pero hindi po namin ugali na magbigay ng pabor sa kaibigan o sa negosyante dahil hindi kami nakikinabang kahit kailan. Hindi namin kailangan dahil kuntento na kami kung ano po ang ibinigay ng Diyos sa amin. Wala na kaming hihilingin pa, kaya ibinabalik namin ang serbisyo para sa ating mga kababayan.

Trabaho lang naman po kami. Kami po ay mga probinsyano po, pagkatapos ay pauwi na rin po kami ng Davao.

Ang problema po dito, 'yung iba pinagpipilitan na malapit ang isang tao sa amin ni Pangulo, pero hindi dahil malapit sa amin ni Pangulo ay ibig sabihin ay nagbibigay pabor na kami. Nagkakamali po kayo.

Sa tinagal-tagal ko sa paninilbihan sa gobyerno, isa lang ang maipagmamalaki ko. Ako po, may delicadeza po ako. Iyan ang itinuro sa akin ni Pangulong Duterte at iyan po ang natutunan ko noong una po akong naglingkod sa kanya sa Davao City noon. Alam ng mga tao sa Davao na kung gusto ninyong magnegosyo, makipagtransakyon kayo ng matino at malinis.

Kahit mga kaibigan kayo ni Pangulong Duterte, ako po ay witness diyan, kahit mga kaibigan ni Pangulong Duterte ang kaharap ko, parati niyang sinasabi, kung ano lang po ang tama, kung ano lang po ang naaayon sa batas.

Sa totoo lang po, simple lang naman ang tanong, nakikialam ba kami ni Pangulo? Nakialam ba si Pangulo? Nag-impluwensya ba ako o si Pangulong Duterte para sa mga negosyanteng ito? Ginamit ba mga pangalan namin? At parati naman sinasabi ni Pangulo noon, na kapag ginamit ang pangalan niya, ginamit ang pangalan ng pamilya niya, ako po kapag ginamit ang pangalan ko, consider it denied. Naalala ko pa po sa isang pagdinig sa Senado, kapag ginamit ang pangalan namin, consider it denied.

Ang tanong naman po rito, nagkaroon ba ng pagkalugi ang gobyerno dahil kay Pangulong Duterte, dahil utos niya po? Mr. Chairman, wala naman pong ganoong utos ang ating Pangulo.

Hindi naman namin mapipigilan ang mga negosyante na mag-negosyo kung talagang legitimate naman 'yan. Pero dapat ang negosyo ay naaayon sa batas. Walang tinatapakan, walang naaagrabyado. Kung legal ang negosyo ninyo, wala pong problema sa inyo.

Parating sinasabi ni Pangulong Duterte sa mga nakakausap niya na mga investor - just do what is right and what is legal. Basta nasa tama ka, welcome po kayong pumasok at hindi po kayo pahihirapan.

Sa lahat po ng mga pumapasok na negosyo sa Davao City noon, kapag nagbigay ka, nabanggit ko po ito sa mga developers, kapag nagbigay ka sabi ni Pangulo, huwag ninyong tulungan. Pero kapag hindi ka nagbigay, tulungan ninyo po. Ayusin niyo mga papeles, alalayan niyo. You will be given a fair chance na magnegosyo lalo na makapagbibigay ng trabaho sa ating mga kababayan.

Pero kapag pumasok ka sa kalokohan o sa droga, ah ibang usapan na po iyon.

Katulad po ni Michael Yang na pinagpipilitang malapit kay Pangulo at sa akin, nagkataon na kakilala siya ni Pangulong Duterte noong 1999 o 2001. Hindi ko pa po kilala 'yan, kaya naging kakilala ko na lang po dahil kay Pangulong Duterte. Hindi ibig sabihin, porke't na kilala o naging kaibigan ni Pangulong Duterte ay kukunsintihin na po namin sa kalokohan.

Ako mismo witness dito at narinig ko na sinabi ni Pangulong Duterte noon kay Michael Yang na pag gumawa ka kalokohan, gumawa ka iligal, pumasok ka sa droga, ililibing kita dito sa Davao. Ganyan po ang Pangulo. Wala siyang pinipili kahit kakilala o kaibigan.

Kaya nga hinihimok ko ang aking mga kasamahan dito na kung sa tingin niyo ay may atraso ang sinuman, kasuhan na kaagad. Ibigay natin sa Ombudsman, 'yun naman po layunin ng komiteng ito, miyembro rin po ako, sa lalong madaling panahon, at ikulong. Meron naman tayong Sandiganbayan.

Nagsabi na rin ang Pangulo na kung sangkot siya sa korapsyon, sabi ni Pangulo, kapag siya mismo sangkot sa korapsyon, he will resign. Ako rin po, nagsabi na ako na kung sangkot ako sa korapsyon at anumang illegal na transaksyon sa gobyerno, ni piso, I will resign.

Let me put on record, kahit isang beses hindi kami nakikialam at hindi kami nakikisawsaw ng Pangulo sa anumang transaksyon na ganyan sa gobyerno. Mga simpleng probinsyano lang kami na binigyan ng oportunidad ng Panginoon na manilbihan sa ating bayan. Hindi po namin sasayangin ang tiwalang ibinigay sa amin. Prinsipyo at pangalan ang pinanghahawakan namin at hinding-hindi namin ito sisirain.

Kaya 'wag n'yo po, huwag niyo nang ipilit ang gusto niyong ipilit at 'wag niyo po kaming itulad sa inyo.

Kaya ano pa ba ang gusto ninyong palabasin sa hearing na ito? Na sangkot si Pangulo sa korapsyon? Ano ba talaga ang gusto nating palabasin dito?

Nagsabi na nga ang Pangulo na yariin niyo na po ang dapat yariin... Pharmally, wala po siyang pakialam diyan. Kung pinagtakpan namin ni Pangulo, ibang usapan po iyon. Pero kami na nga ang nagsabi sa inyo, yariin, kasuhan at ikulong po kung may anomalya.

Ano pang gusto nating gawin dito? Ipilit ikino-connect sa administrasyon, kay Pangulong Duterte at gawing political circus itong pagdinig?

Yung katotohanan lang po, ako po ay kaisa ninyo para malaman po ang katotohanan. Kawawa naman po ang mga tao na wala naman pong kinalaman.

Maaaring hindi maiiwasan na magamit ang pangalan namin ni Pangulo, pero parati naman naming sinasabi na kapag ginamit ang aming pangalan namin o meron pong nag-name drop, sabi na nga ng Pangulo pag ginamit pangalan namin, ibig sabihin huwag ninyong tulungan. Eh marami na pong pinakasuhan si Pangulong Duterte na ginamit 'yung pangalan namin. 'Yung iba diyan, na mga mukhang pera... nakatikim na po ng pera, at pinakain niya ng pera.

Marahil may gumagamit ng pangalan namin ni Pangulo nang hindi namin alam, pero nagbabala na po ang Pangulo. Kapag ginamit ang pangalan, AUTOMATIC DENIED NA PO 'YAN. Dahil ang bilin niya, unahin po ang interes ng bayan, interes po ng gobyerno, hindi interes ng iilang tao lamang na nagpapanggap na malapit sa amin pero sarili lang po nila ang iniisip nila at sarili lang nila ang nakikinabang.

Sa totoo lang po, sa sobrang busy namin sa paglaban sa pandemya, wala na po kaming tulog sa trabaho. Namomroblema kami paano lampasan ito. Trabaho at pagseserbisyo lang po ang inaatupag namin at alam ng Pilipino 'yan. 'Wag ninyo na po kaming itulad sa iba.

'Yung mga taong wala nagawa sa bayan, pilit na nag-iingay para mapansin. Pilit na naninira ng kapwa. Pilit pong dumihan ang kapwa para sila ang pumuti. Wala kasi silang ginawa kundi magdada, habang nagdurusa po ang mga kababayan natin.

Again, Mr. Chairman, nirerespeto ko po ang institusyon na kinabibilangan ko po. Ang sa akin lang, tulad ng sabi ko sa aking privilege speech noon, doon lang po sana tayo sa totoo. Maging patas lang po tayo sa lahat.

Mr. Chairman, hindi po sila pinagtatakpan ng Pangulo. Sabi nga niya, kung may kasalanan, yariin na po at kasuhan na. Wala po kaming pakialam... Alam niyo 'yung pinagpipilitang Pharmally na 'yan, wala po kaming kinalaman ni Pangulong Duterte diyan. Yariin ninyo na po, kasuhan ninyo na po kung may kasalanan. Hindi po sila pinagtatanggol ni Pangulong Duterte. Ang ayaw niya 'yung pilit na iniuugnay, tini-twist ang katotohanan at pilit na iniuugnay sa kanya 'yung mga bagay na wala naman siyang kasalanan.

Uulitin ko po, hindi po kami pumapayag ng korapsyon. Matagal na naming pinaglalaban 'yan, at alam po ng mga tao 'yan na galit kami po kami sa corrupt.

Binoto po si Pangulong Duterte ng mahigit 16 milyong Pilipino. Respetuhin po natin ang will of the people, ibinoto po siya ng tao. At ako po ay naniniwala sa Pangulo, kasama ang 16 milyong Pilipinong bumoto sa kanya.

I believe in the President. I will sink and swim with the President.

Kung hindi siguro siya ang President ngayon na may political will, maaaring lumubog na po tayo sa dami po ng matitigas na ulong ayaw makinig. Pasalamat tayo na meron tayong Pangulo na nagmamahal sa ating mga kababayan at nagmamahal po sa ating bansa.

Imbes na magdebate tayo rito, sana po ay magtulungan na lang po tayo, lalong-lalo na po na nasa gitna pa tayo ng pandemya. Sana po ay huwag na tayong magsiraan, nasa krisis po tayo. Hindi po ito panahon ng pagsisiraan, panahon po ito ng pagtutulungan gaya na rin po ng sinabi ng mga kasamahan natin dito, marami po ang naghihirap.

Sana po ay huwag nating haluan ng pulitika ang laban kontra COVID-19 dahil buhay ng mga Pilipino po ang nakataya dito, lalong-lalo na po 'yung mga mahihirap po. Kapakanan po ng mga mahihirap ang nakataya dito, buhay po ang nakataya dito.

Again, Mr Chair, nirerespeto ko ang institusyon na ito na kinabibilangan nating lahat.

News Latest News Feed