Press Release
September 21, 2021

MENSAHE SA PAGGUNITA SA DEKLARASYON NG BATAS MILITAR

Maalab na pagbati mula sa PNP Custodial Center, Camp Crame kung saan mahigit apat at kalahating taon na akong di-makatarungang nakakulong dahil sa mga gawa-gawang kaso ng rehimeng Duterte.

Saan na tayo dinala ng sinasabing "Tapang at Malasakit" o ng "Change is coming" ni Duterte?

Libo-libo na ang pinatay ng palpak at pekeng drug war, kabilang na ang mga inosenteng bata. Ipinakulong at sinisiraan ang kritiko, nagpasara ng media at naninindak ng mga mamamahayag at nagtatanggol ng karapatang pantao.

Milyon-milyon na ang nagkasakit at napakarami nang namatay at naulila dahil sa pandemya. Kapos na kapos ang pantulong sa mga health workers at kulang na kulang ang ayuda sa nangangailangan at nawalan ng kabuhayan. Takot, gutom at nangamamatay na nga ang Pilipino, inaalipusta pa tayo at harap-harapang niloloko!

Napakalaki ng problema natin: Dine-Delta na nga tayo, dinu-Duterte pa ang Pilipino!

Ang sabi nga po: Kung hindi tayo matuto sa aral ng nakaraan, siguradong mauulit ang mga kamalian at pagdurusang kasama nito.

Kaya wakasan na ang dahas at pandarambong ng gobyernong Duterte! Tuloy-tuloy lang tayo sa pagsasalita at pagmumulat sa ating mga kababayan, lalo na ngayong lantad na ang sabwatan sa rehimeng Duterte para magkamal ng bilyon-bilyong piso.

Isipin ninyo: Ang buwis na pinaghirapan ng taumbayan, ipinambabayad lang sa utang na loob ni Duterte, at ipinambibili ng mamahaling sasakyan. Mga gahamang halimaw at magnanakaw!

We deserve better. We deserve transparency and accountability. We deserve decent, honest and efficient government. We deserve patriotic public officers. We do not deserve Duterte and Duterte-anointed leaders.

Sa pagkakaisa, babalik at mananaig ang hustisya. Laban lang!

(Sgd.) LEILA M. DE LIMA

PNP Custodial Center, Camp Crame

21 Setyembre 2021

News Latest News Feed