Press Release
October 4, 2021

STATEMENT OF SENATOR RISA HONTIVEROS ON DOH SUSPENDING PHARMALLY DELIVERIES

Salamat at nakinig ang Department of Health sa panawagang huwag munang makipagtransaksyon ang gobyerno sa Pharmally. Buhay ng mga frontliners ang nakataya dito.

Kung sakaling mapatunayang substandard ang mga deliveries ng Pharmally, dapat ma-blacklist na rin ang kaduda-dudang kompanyang ito. Namumuro na sila: may ebidensya na sa pamemeke ng certificates ng face shields, nag-deliver ng nearly expired RT-PCR test kits, at may umamin, deretsahan, na iniisahan nila ang gobyerno.

Susuportahan ko rin ang DOH sa angkop na legal na aksyong gagawin nila laban sa Pharmally. Dahil na rin sa testimonya ng isang Pharmally warehouse staff na lumapit sa aking opisina, napaamin tuloy si Pharmally executive Krizle Mago na totoong pinapalitan nila ang mga expired certificates ng face shields. Hindi na nya mababawi yan.

Nais ko ring ulitin ang aking naunang panawagan sa PS-DBM na suspendihin na rin ang kanilang mga transaksyon sa Pharmally, lalo na at napakaraming nabubunyag sa Senado. Sumunod sana sila sa yapak ng DOH dahil hindi na dapat pagbigyan pa ang kumpanyang ito.

Titiyakin nating hindi mapupunta sa wala ang imbestigasyon natin sa Senado. Hindi tayo titigil hangga't walang nananagot sa perwisyong dala ng Pharmally. We will not let the Filipino people down.

News Latest News Feed