Press Release August 9, 2022
"Tagumpay sa North Borneo, Tagumpay Nating Lahat"
Mahal na Ginoong Pangulo, aking mga kasama sa Senado, mga lupon ng Republika, ako po ay bumabati sa inyo ng: Assalamualaikum Warahmatullahi Wabarakatuh. Ang aking talumpati sa hapong ito ay ukol po sa usaping sumasaklaw sa ating kasaysayan, pagka-Pilipino, at sa tagumpay na nakamit ng mga tagapagmana o inapo ng Sultanato o Sultanate of Sulu sa nakaraang desisyon ng French Arbitration Court. Halos isang dekada na nang huling marinig ang usapin ukol sa North Borneo sa bulwagang ito. Tatawagin ko muna poi tong North Borneo. Pero noon, Mahal na Pangulo, ang tawag po rito ay Sabah. Noong dumating ang Britanya sa lugar na yan, naging North Borneo. At noong itinatag po ang Federation of Malaysia, ibinalik ito sa Sabah. Pero hayaan nyo po akong tawagin siyang North Borneo sa ngayon. Hindi natin maitatanggi: sensitibo ang paksa. Ngunit tulad ng lahat ng usapin na may malalim at mabigat na implikasyon sa ating Inang Bayan, hindi natin ito maaaring ipagsawalang bahala; hindi tayo maaaring manahimik na lamang. Ginoong Mahal na Pangulo, hindi layon ng talumpating ito na bigyang kasagutan ang lahat ng may kinalaman sa usapin sa alitan sa North Borneo. Sa halip, sisikapin nating ipakita ang konteksto at mga kaganapan na bubuhay sa diskursong ito: Una, sa pagsasalaysay ng historikal na naratibo tungkol sa North Borneo; Ikalawa, paglalatag ng naging hantungan ng desisyon ng arbitrasyon sa Tribunal Superior de Justicia de Madrid at maging ng French Arbitration Court sa walong taong legal na pakikipagtunggali ng mga tagapagmana ng Sultanato sa North Borneo; at, Pangatlo, pagsuri sa tugon ng gobyerno sa resulta ng arbitrasyon sa North Borneo sa isang banda, at sa kabila naman, ang masigasig na pagsusog nito sa kasong arbitral sa usapin ng West Philippine Sea. Bilang pambuod, nais nating himayin ang mga aksyong maaring ihatag sa Senado patungkol sa usaping nabanggit. Ang isyung ito ay masalimuot dahil magkakaugnay ang alitan: mula sa batayan ng pagmamay-ari, maging ng pagkakakilanlan ng karapat-dapat na tagapagmana ng Sultanato, at gayundin ang pagsasalin ng mga dokumento mula sa panahon na hindi pa isinisilang ang sinuman sa atin na narito ngayon. Tayo po ay magbabalik-tanaw sa kasaysayan: Noong 1658, ipinagkaloob ng Sultan ng Brunei ang parte ng North Borneo sa Sultan ng Sulu bilang pasasalamat sa tulong ng huli sa pagsugpo sa isang rebelyon sa Brunei. Noong Enero 22, 1878, pumasok ang Sultan ng Sulu na si Sultan Jamal Al Alam sa isang Deed of Lease kasama sina Gustavus Baron de Overbeck, isang Austrian, at Alfred Dent ng Inglatera. Itinatag nila ang British North Borneo Company o BNBC -- isang pribadong kompanya -- na pinagkalooban ng charter o kapangyarihan ng Gobyerno ng Britanya. Niliwanag rin ng Minister ng Foreign Affairs ng Britanya na si Earl Granville sa pamamagitan ng 1885 Madrid Protocol na walang soberanya ang BNBC sa North Borneo. Ayon kay Granville, the BNBC charter also "recognizes the grants of territory and powers of government made and delegated by the Sultans in whom the sovereignty remains vested." Kasunod nito, noong 1903, nagkaroon ng Confirmatory Deed sa pagitan ng Sultan at BNBC para sa karagdagang taunang upa mula 5,000 hanggang 5,300 dollars. Naitala ang kauna-unahang opisyal na aksyon ng bansa noong 1950 nang ihain sa Kongreso ang Concurrent Resolution No. 42 na pinagtibay noong ika- 28 ng Abril,1950. Nakasaad dito na ang North Borneo ay pagmamay-ari ng mga tagapagmana ng Sultanato, at kaugnay nito, binibigyan ng kapangyarihan ang Presidente na makipagnegosasyon para sa panunumbalik ng sovereign jurisdiction. Taong 1963 ng opisyal na nagbigay ng abiso ang Pilipinas na hindi ito papayag na mapabilang ang North Borneo o Sabah sa itinatag na Federal Republic of Malaysia. Nagkasundo noon ang mga pinuno ng Malaysia, Pilipinas, at Indonesia na ayusin ang isyu sa pamamagitan ng internasyonal na hukuman. Gayunman, patuloy ang pagtanggi ng Malaysia sa arbitrasyon. Sa kabila nito, sa ilalim ng pamunuan ng dating Pangulong Ferdinand Marcos, pinagtibay ng Republic Act No. 5446 noong 1968. Isinasaad nito na ang North Borneo na ngayon ay Sabah ay kinikilalang teritoryo ng Pilipinas. Ginoong Pangulo, ang hindi pagkakaunawaan sa Sabah ay nag-uugat sa iisang tanong: Sa pamamagitan ng dokumentong nilagdaan ng Sultan ng Sulu noong 1878, ibenenta ba o ipinaupa lamang ang Sabah sa mga Briton na dating sumakop sa Malaysia? Ano ba ang saklaw ng "upa" sa usapin ng Sabah? Malinaw ang sinundan ng salaysay: Sa loob ng isang daan at tatlumpu't limang taon, 135 years, alinsunod sa kasunduan noong 1878, tuloy-tuloy ang natatanggap na bayad-upa ng mga tagapagmana ng Sultanato: taunang bayad galing sa United Kingdom mula 1878 hanggang 1962 at sa gobyerno ng Malaysia naman mula 1963 hanggang 2013. Makailang ulit rin tinuran ang salitang "pajak," na nangangahulugang "pag-upa" sa salitang Malay. Ang paulit-ulit na pagtukoy sa upa ay nagpapakita na ang pagmamay-ari sa Sabah ay nasa Sultan ng Sulu pa rin. Gayunman, simula noong 2013, itinigil ng Malaysia ang taunang bayad-upa pagkatapos ng sigalot sa Lahad Datu. Ito ang nag-udyok sa paghahain ng Sulu Royal family ng reklamo sa internasyonal na tribunal. Taong 2018 nang ihain ng mga tagapagmana ng Sultanato ang opisyal na reklamo laban sa pamahalaan ng Malaysia sa pamamagitan ng arbitrasyon sa Espanya. Sa kabila ng tuloy-tuloy na paglilitis, hindi nagpaabot ng representasyon ang pamahalaan ng Malaysia liban lamang sa tatlong pagkakataon. Patuloy ang pangbabalewala ng gobyerno ng Malaysia sa arbitrasyon. Ginoong Pangulo, nakadidismaya po na sa panig natin ay pareho rin ang tugon ng pamahalaan. Hindi ba napakalaking kapabayaan na hinahayaan nating umasa na lamang ang Sultanato sa tulong ng pribadong organisasyon para tustusan ang lehitimong laban? Sa kabila ng pikit-matang tugon ng gobyerno, mahal na Ginoong Pangulo, napanalunan ng claimants ang kasong isinampa sa Madrid High Court noong Mayo 2020. Pinagtibay rin ng French Arbitration Court ang desisyon, at kaakibat nito, inatasan ang Malaysia na magbayad ng may kabuuhang 14.9 billion dollars sa mga tagapagmana ng Sultanato. Mahal na Ginoong Pangulo, ano ba ang buod ng desisyon ng Arbitral Tribunal at implikasyon nito? Una, ang 1878 Agreement ay isang international private lease agreement of commercial nature. Pangalawa, nilabag ng Malaysian Government ang 1878 Agreement sa hindi nito pagbabayad ng upa. Pangatlo, tinatapos na ang kasunduan simula noong ika-1 ng Enero, 2013. Sa desisyong ito, bukod sa iba pa, pinagbabayad rin ang Malaysia ng halagang 14.92 billion dollars para sa pinaupahang teritoryo. Ginoong Pangulo, mahalaga ang desisyon ng Arbitral Tribunal. Binibigyan po nito ng internasyonal na legal na pagkilala ang tunay na layunin ng mga partidong lumagda sa kasunduan sa Sabah mahigit isang siglo na ang nakaraan. Bilang mga Pilipino, karapat-dapat na tulungan ng buong kapangyarihan ng ating pamahalaan ang mga tagapagmana ng Sultanato ng Sulu katulad ng pagtulong nito sa kahit sinong mamamayan sa loob at labas ng bansa. Ang pagtulong ng pamahalaan sa kanyang mamamayan ay mandato ng Estado, hindi ito dapat pagmulan ng anumang tensyon sa relasyon ng Pilipinas at Malaysia. Isipin po natin, mahal na Pangulo: kung malaki ang kapakinabangan ng bansa mula sa desisyong ito -- kabilang na ang buwis na bubuhos mula sa parangal sa mga claimants -- bakit po tila napakatahimik natin? Bakit po parang walang tumutulong sa kanila? Ginoong Pangulo, tayo ay nasa gitna pa rin ng pandemya; patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin; lumulobo ang trilyong halagang utang ng bansa -- lahat ng mapagkukunan ng halagang pangtustos sa serbisyo publiko ay malaking ambag para sa bawat Pilipino. Kung atin pong babalikan, sariwa pa sa atin ang makasaysayang desisyon ng Hague Permanent Court of Arbitration noong 2016 ukol sa West Philippine Sea. Binuhusan ng pansin at panahon ang usaping ito na nagbunga ng monumental na desisyon para sa kapakinabangan ng bansa. Kung kinaya nating maglunsad ng makasaysayang pagkilos sa katulad na national agenda, bakit tila po salat na salat sa pansin ang Sabah? Sa nagdaang State of the Nation Address ng ating pinakamamahal na Pangulong Bongbong Marcos, kaniyang tinuran, "I will not preside over any process that will abandon even one square inch of the territory of the Republic of the Philippines to any foreign power." Hangad po natin na ang makabuluhang pahayag ng ating Pangulo ng Republika ay sumasaklaw sa usapin sa Sabah. Isapuso at isip po natin: Bilang Pilipino at iisang bansa, isang tagumpay ang panalo sa internasyunal na hukuman ng mga tagapagmana ng Sultanato para sa kanilang karapatan sa Sabah. Bilang pagtatapos, hayaan niyo po ako uling ibahagi ang pahayag ng ating pinakamamahal na Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. noong 2013 bilang isang mambabatas: "we have historical claim over Sabah and that's a fact. xxx the Sultan of Sulu and his people are Filipino citizens and, by virtue of that fact, they deserve protection from the government of the Philippines." Maraming salamat po, Ginoong Pangulo. Maraming salamat, mga kasama. ***** |
Thursday, October 3
|