Press Release
August 30, 2022

Buwan ng Wika
Privilege Speech ni Senator Robinhood C. Padilla
Agosto 30, 2022

Ginoong Pangulo, at sa mga kasamahan at sa lupon ng bulwagang ito, As-Salaam-Alaikum warahmatullahi wabarakatuhu.

Ako po ay tumatayo sa bulwagang ito sa ngalan ng kolektibo at personal na pribilehiyo.

Ang araw na ito ay naghuhudyat ng pagtatapos ng Buwan ng Wika - isang tradisyon na isinusulong ang lengwahe na sariling atin.

Gayunman, ang lingua franca, o wikang panlahat, o pambansang wika, ay hindi lamang dapat tampok na usapin tuwing buwan ng Agosto.

Hindi lamang po ito usapin sa kasalukuyan. Pinag-uusapan na ito bilang mahalagang national agenda panahon pa lamang ng Commonwealth, noong dekada 1930. Usapin na po ito ilang siglo na ang nakaraan, noong lumalaban pa ang ating mga ilustrador na katulad po ni Marcelo del Pilar na atin pong kinikilala ngayong araw na araw niya sapagka't National Press Freedom Day din po sa ngayon; at ang ating mga Katipunero para buhayin ang ating dugong makabayan.

Ito po ay usapin na sa Konstitusyon ng Biak-na-Bato noong 1896. Sa katunayan, maging ang ating magiting na bayani na si Andres Bonifacio ay hindi nag-alinlangang tawagin ang kanyang hinahangad na estado na Haring Bayang Katagalugan o Tagalog Republic o "Kahariang Tagalog," ayon sa ilang historyador.

Ito po ay sentimyento na ni Jose Rizal sa kanyang sanaysay na "Filipinas dentro de cien anos" higit isang daang taon na ang nakalipas. Ang masakit na patama ni Rizal kung sakaling tayo ay papasikil sa wikang dayuhan: "Anong lahi kayo sa kinabukasan? Isang bayang walang kaluluwa, isang bayang walang kalayaan na lahat ng bagay ay hiram ultimong kasalanan at kabiguan?"

Ginoong Pangulo, ang ganitong maalab na mensahe ang nais nating iparating sa araw na ito, para sa ating mga kababayan, sa ating mga guro, at higit sa lahat, sa ating mga kabataan.

Sagana po tayo sa mahahalagang selebrasyon sa buwan na ito. Hindi lamang Ghost Month ang dapat nating alalahanin. Sa kaalaman ng marami, bukod sa Buwan ng Wika, ang buwan ng Agosto ay itinuturing din pong "Buwan ng Kasaysayan" at kahapon nga lamang po ay binigyang-pugay natin ang mga martir at dakilang Pilipino sa paggunita ng "Araw ng mga Bayani."

Kaya naman po, hindi naman po siguro magiging kalabisan na tayo ay magbalik-tanaw kung paanong nahubog ang ating wikang pambansa kasabay ng paghimay ng ating kasaysayan.

Higit walong dekada na ang nakakaraan noong naging sentro ng diskurso ang pambansang wika. Bagong silang pa lamang ang ating tinuturing na mala-sariling pamahaalan o Commonwealth sa pamumuno ni Manuel L. Quezon.

Iisa ang sentimyento ng lahat: Paano mapagbubuklod ang ating bansa? Ang sagot ay pagkakaroon ng isang tinig, isang boses, isang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng isang pambansang wika.

Nakakalungkot nga naman kung iisipin: isandaan at tatlumpung (130) wika sa iba't ibang panig ng kapuluan, 130, ngunit sa panahong iyon, Espanyol at Ingles pa lang ang umiiral na opisyal na wika. Tama nga naman ang tinuran ni Pangulong Quezon: Hindi na dapat ipaliwanag pa na ang mga mamamayang may iisang nasyonalidad, sa iisang estado ay dapat magtaglay ng wikang sinasalita at nauunawaan ng lahat.

Mabilis naman ang naging aksyon: sa bisa ng Saligang Batas ng 1935 ay inobliga na ang Kongreso na magpaunlad at magpatibay ng pangkalahatang Pambansang Wika na ibabatay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika.

Mabigat ang debate ng mga delegado noon mula sa iba't ibang panig ng kapuluan. Gayunman, wala pa ring iisang napiling lingua franca. Ang sagot ng isang batikang mahistrado ay ang pagtatatag ng Surian ng Wikang Pambansa sa bisa ng Komonwelt Blg. 184.

Masinsinan ang pag-aaral at ang napiling wika ay Tagalog na tinatanggap at ginagamit ng malalaking bilang ng mga Filipino. Pinagtibay ito bilang batayan ng wikang pambansa ng Pilipinas noong 1937. Gayunman, ganap lamang itong nasilayan noong 1940.

Masalimuot ang pinagdaanan nito sa pagdaan ng panahon. Noong World War II, Nihonggo at Tagalog ang pinairal na opisyal na wika na agad namang ibinalik sa Ingles kasabay ng paglaya ng bansa. May panahon pa nga na isang linggo lamang ang espesyal na pagkilala sa Pambansang Wika bago ito gawing buwanang selebrasyon. Para maiwasan din ang mahabang tawag na "Wikang Pambansa Batay sa Tagalog" pinasimple na lamang bilang "Pilipino" ang tawag sa wika simula 1959.

Sa pagkabuo ng 1973 Constitutional Convention, umugong muli ang diskurso at tunggalian. Sa huli, napagdesisyunang alisin ang Pilipino at palitan ito ng bagong "karaniwang wikang pambansa na tatawaging Filipino, batay sa mga umiiral na katutubong wika." Gayuman, base sa Saligang Batas ng 1973, mananatiling isa sa mga opisyal na wika ang Pilipino habang hinihintay ang pagsilang ng Filipino.

Naging opisyal ang palit-ngalan mula Pilipino tungo sa "Filipino" alinsunod na rin sa Saligang Batas ng 1987. Ang nucleus o basehan nito ay ang Pilipino o Tagalog at hindi pinaghalong sangkap ng iba't ibang wika. Ayon sa Konstitusyon, marapat na puspusan ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.

Mahaba pa ang talastasan. Ngunit hindi rito natatapos ang masalimuot na kasaysayan ng wikang gamit natin sa kasalukuyan. Hanggang sa ngayon, patuloy pa rin po ang ebolusyon nito.

Ang debate sa kasalukuyan: ano ang bisa ng Filipino kumpara sa Ingles sa pagtuturo, pananaliksik maging sa pakikipagtalastasan? Ano ang kalagayan ng ibang katutubong wika na pinangangambahang tuluyan nang nawawala at nabubura dahil hindi naisasalin sa mga henerasyon?

At dahil buhay ang wika, patuloy rin itong lumalago: mula sa pagkakaiba ng sosyolek, sumusulpot din ang varayti tulad ng jejemon, bekimon, conyo at salitang balbal. Alam nating lahat na malaki ang impluwensya ng social media at pop culture sa dynamic na pagbabago ng wika.

Samantala, ang ating mga kabataan ay hirap na umintindi ng Filipino, at halos ginagapang na ang subject na ito dahil sa karaniwang Ingles ang kanilang kinamulatan at kadalasang naririnig.

Kung inyong mamarapatin, nais ko po sanang hiramin ang mga salita mula kay Ginoong Virgilio Almario, isang alamat sa panitikan at pagsasabuhay ng wikang Filipino na nagsabi, "Una, ang karunungang Filipino ay mula sa mga Filipino. Pangalawa, ang karunungang Filipino ay batay sa kasaysayan, karanasan, at pangangailangan ng mga Filipino. Panghuli, ang karunungang Filipino ay para sa mga Filipino."

Mahal na Ginoong Pangulo, tulad ng ating mahabang salaysay, dito ko po hinuhugot ang aking motibasyon sa pagsusulong ng mga panukalang batas tulad ng Senate Bill 451 na naglalayong maipabilang ang Kasaysayan ng Pilipinas (Philippine History) bilang hiwalay na subject sa kurikulum ng hayskul. Ang ating aspirasyon buhayin ang dugong makabayan at nasyonalismo ng ating mga kabataan.

Kasama rin po ang pinakaunang panukalang aking isinumite sa Senado o ang Senate Bill 228, ang 'Pantay na Paggamit ng Opisyal na Wika'. Layunin nito ang pagpapatupad ng paglimbag at paglathala sa parehong wikang Ingles at Filipino ng mga dokumento ng gobyerno - upang bigyan ng oportunidad ang bawat Pilipino na mas maunawaan ang mga aksyon at desisyong ipinatutupad ng pamahalaan para sa pangkalahatan.

Ginoong Pangulo, malayo na po ang narating ng ating wika, madaming kalbaryo at malayo ang lakbayin ng ating bansa mahanap lamang ang itinuturing na susi sa ating pagbubuklod.

Bilang napapanahon sa pagbibigay-pugay sa ating mga bayani, sa ating kasaysayan, sa ating bayan, tangkilikin at pagyamanin natin ang pambansang wika. Huwag po sana nating kalimutan ang aral ng kahapon na umaayon sa tunguhin ng ating gobyerno sa ngayon ang pagkakaisa o ang unity.

Pakatandaan po sana natin na ang bumigkis sa ating lahi at nagbigay-diwa sa ating kasarinlan ay ang wikang Filipino.

Maraming salamat po, Ginoong Pangulo. Mabuhay ang Pilipinas.

*****

Video: https://www.youtube.com/watch?v=lv-Mk_B1-mk

News Latest News Feed