Press Release February 14, 2023
Acceptance Message of Senator Risa Hontiveros
Magandang araw at magandang buhay! Una sa lahat ay nais kong batiin ang ating mga kasama ngayong umaga, sa pangunguna ng aking kasamahan sa Senado, si Senator JV Ejercito, si DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, si Bacolod City Mayor Albee Benitez, si former Representative Kit Belmonte as represented by Mr. Rogelio Reyes, at sa lahat ng opisyal at kawani ng ating shelter agencies. Happy 4th Founding Anniversary po sa bawat kawani ng Department of Human Settlements and Urban Development. At siyempre, maligayang Araw ng Puso din sa ating lahat! Buong pusong pasasalamat po sa buong DHSUD family at sa ating housing sector sa pagkakataon na makasama kayo sa okasyong ito, at siyempre, sa parangal na inyong ibinigay sa inyong lingkod. I am grateful for this immense honor. Ika nga, time sure flies when we do meaningful work. Karangalan ko po na maging co-sponsor ng DHSUD Act sa Senado, kasama si Sen. JV noong 2018 hanggang sa maging tuluyan itong Republic Act 11201 noong February 2019. Sinulong namin ang pagtayo sa DHUSD para mapalakas ang kampanya ng pamahalaan na magkaroon ng maayos na pabahay ang bawat pamilyang Pilipino, lalo na ang tinatayang 4.5 milyong Pilipino na walang lugar na matatawag na tirahan. Hindi biro ang milyon-milyong "housing backlog" na kailangang nating aksyunan. Ang maayos na pabahay ay pinakamataas na pangarap ng marami sa ating kababayan, lalo ng mga pamilyang tinuturing na urban poor, o yung mga pamilyang apektado ng government projects, o yung mga laging biktima ng pagbaha o ibang sakuna. Bawat pamilya na magkakaroon ng maayos na pabahay ay hindi na magiging biktima ng eviction, ng demolition, at ng desperasyon at takot na dala ng kawalan ng maayos na lilipatan. Bawat pamilyang matutulungan natin na mag may-ari ng sariling bahay ay magkakaroon ng mas malaking tsansa para sa mas maayos na edukasyon, hanapbuhay at kondisyon ng pamumuhay - yung tsansang maging "urban but no longer poor." Susi ang pabahay sa mas magandang buhay. Yan po ang dahilan kung bakit natin sinuportahan ang pagtayo ng DHSUD, at kung bakit patuloy nating sinusuportahan ang DHSUD at ang buong public housing sector sa pamamagitan ng sapat na pagpondo at mas epektibong mga polisiya. Bilang vice chairperson ng Senate Finance Subcommittee na tumatalakay sa taunang pondo ng DHSUD, maasahan niyo na patuloy ang ating laban taon-taon para siguraduhin na may sapat na pondo ang housing programs ng pamahalaan gaya ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program (4PH). Isinulong din natin sa nakalipas na tatlong taon yung paglagay ng special provisions sa taunang national budget, ukol sa pagotorisa ng DBM sa katumbas na pondo na ipambabayad sa PAG-IBIG Fund. Para iyan sa pabahay ng mga kababayan nating mahihirap, gaya ng mga nawalan ng tirahan dahil sa infrastructure projects ng pamahalaan. May tatlong magandang rason para isulong ang dagdag pambayad sa PAGIBIG Fund mula sa DBM: Una, mas malayo ang maabot ng bawat piso kung sa PAGIBIG Fund ito dadalhin - mas maraming pamilya ang matutulungan at mas malaki ang matitipid ng pamahalaan sa resettlement budgets ng DOTr at DPWH. Pangalawa, mas lalakas ang kakayahan ng PAGIBIG na pautangin ang mas mahirap nating mga kababayan, at kahit mga urban poor na pamilya ay magiging "bankable o low credit risk." Pangatlo at pinakamahalaga, makikita ng DBM at ng buong bansa na mas sulit ang ganitong policy approach, at dapat pondohan ng buo ang 4PH program ng DHSUD. Gusto ko tuloy na anyayahan si Sen. JV at si Secretary Acuzar na makipagusap sa liderato ng DBM para maisulong ang maayos na pondo sa lalong madaling panahon, bago pa mafinalize ang proposed 2024 national budget. Kasing halaga ng pondo para sa housing programs ay ang boses ng mamamayan. Nais ko din anyayahan ang DHSUD family at ang buong housing sector na palakasin ang people's participation sa housing and shelter policy and decision making. Ang pinakamahalagang stakeholder ng ating housing programs natin ay ang mamamayan, lalo na ang mga kababayan nating direktang makikinabang sa pabahay na ating ipinaglalaban. Marami pang trabaho at hamon ang kailangang harapin ng DHSUD sa mga darating na buwan at taon. Makakasa ako na patuloy niyo akong makakasama sa laban para sa maayos na pabahay para sa bawat pamilya. Hindi tayo tigigil, hindi tayo mapapagod at hindi tayo susuko. Once again, happy 4th Founding Anniversary to the DHSUD family, and thank you for letting me be a part of your story. Mabuhay ang DHSUD! |
Saturday, June 21
Friday, June 20
Thursday, June 19
|