Press Release
February 22, 2023

Privilege Speech
Defending PRRD Against ICC Prosecution

Ginang Tagapangulo, sa mga minamahal nating miyembro ng bulwagang ito, ako po ay tumitindig sa pulpito na ito sa personal at kolektibong pribilehiyo upang manindigan patungkol sa isyung dapat sana ay noon pa ay natuldukan na.

Ang tinutukoy ko po ay ang pilit na pagbubukas ng usapin kung nararapat bang usigin ng International Criminal Court ang dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte - na tila ba nakakalimutan ng ilan ang negatibong implikasyong dala nito sa isang bansang buong pusong pinagsilbihan ng dati nitong pinuno.

Taong 2016 nang pagkatiwalaan ng 16.6 milyong Pilipino si Mayor Rody mula sa siyudad ng Davao upang maging ika-labing anim na Pangulo ng Republika. Ang tiwalang ito ay bumukal mula sa masidhing pagkauhaw ng ating mga kababayan para sa pagbabago.

Hindi po natin nalilimot ang pagod na nararamdaman ng ating mga kababayan pagdating sa isyu ng kriminalidad at ilegal na droga na isa sa mga nagiging matinding hadlang tungo sa ating pag-ahon mula sa kahirapan at pag-unlad bilang isang lipunan.

Dala ang pangakong dadating ang pagbabago, lahat tayo ay naging saksi kung paano pinagkatiwalaan ng sambayanang Pilipino si dating Pangulong Duterte simula ng mahalal siya sa pwesto hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino.

Dalawang taon matapos ng kanyang tagumpay noong 2016 na halalan, ayon sa resulta ng Pulse Asia survey noong 2018 - sa ikalawang taon ng termino ng dating Pangulo, 69% ng mga Pilipino ang nagsasabing ang pagsupil sa ilegal na droga ang pinaka-importanteng pinagtagumpayan ng ating dating Pangulong Duterte.

Maging sa kasagsagan po ng pandemya na masasabi nating humamon sa tatag ng ating pamunuan, nanatiling mataas ang rating ni dating Pangulong Duterte sa gradong 91% noong Setyembre 2020 at Nobyembre 2020 ayon rin sa ulat ng Pulse Asia.

Kaya naman nakakadismaya po hindi lamang para sa inyong lingkod kundi sa milyon-milyong Pilipinong na nagtitiwala kay dating Pangulong Duterte na ang balita ay ibinubuhay na naman ng International Criminal Court ang mga issue nila.

Sa kasamaang palad, nalulungkot po tayo sapagka't itong kanilang isinaalang-alang at binibintang na kaso, ito daw po ay ang krimen laban sa sangkatauhan o crime against humanity sa ilalim ng Art. 7, Talata 1-8 ng statute. Para po sa kaalaman ng marami, ang krimen na sinumite sa ICC ay sinasabing naging laganap po sa buong Pilipinas sa pagitan ng ika-1 ng Hulyo 2016 hanggang ika-16 ng Marso 2019. Sa context ng tinatawag na digmaan laban sa droga, gayundin sa lugar ng Davao sa pagitan ng ika-1 ng Nobyembre 2011 hanggang ika-30 ng Hunyo, 2016.

Ito po ang isang statement ng ating kalihim mula po sa executive, mula po sa secretary ng DOJ na siyang dapat magbibigay po ng pahintulot sa ICC. Ang sabi niya: "Malaking insulto sa ating lahat!" Sapagka't pag pinapasok daw po natin ang ICC, para na po nating sinasabi na walang kwenta ang ating hustisya sa baying ito. Atin pong pinupunto lamang na siya ring pinanindigan ng ating kagawaran ng katarungan, walang jurisdiction ang ICC sa sitwasyon sa ating bansa sa ilalim ng prinsipyo ng non-intervention o hindi panghihimasok o pangingialam at sovereign equality gaya ng nakasaad sa United Nations Charter.

Para po sa kaalaman ng ating mga kababayan, lahat po ng estado ay may karapatan na magsagawa ng kanilang mga gawaing panloob nang walang panghihimasok mula sa labas -- ito po ang prinsipyo ng non-intervention o hindi pangingialam. Ang sovereign equality naman po ay kumikilala sa pantay na katayuan ng mga estado sa loob ng internasyonal na komunidad. Sa madaling sabi po, dapat kilalanin ng ibang bayan o pandaigdigang hukom man tulad ng ICC na tayo, bilang isang bansa, ay may sariling kasarinlan, pagkakakilanlan, at soberanya; tayo po ay bansang malaya at kumikilos -- at higit sa ano pa man, ay hindi dapat basta-bastang panghimasukan. Higit sa lahat, hindi po tau-tauhan ang ating mga tao sa gobyerno. Hindi po mga kenkoy ang mga nasa loob ng kagawaran ng hustisya.

Lalong lalo na po kung tayo ay una ng tumugon sa mahahalagang hinaing ng ilan sa ating mamamayan sa harap ng International Criminal Court.

Alinsunod po sa principle of complementarity na kinikilala rin po ng mismong ICC, ang ating pamahalaan ay may karapatan at dapat na maunang umako ng responsibilidad na usigin ang anumang naiulat na international crime.

Hindi po tayo nagkulang, Ginang Tagapangulo. Alinsunod sa Artikulo 18, talata dalawa ng Statute, ang atin pong gobyerno ay humiling ng agarang pagpapaliban sa nasabing pag-uusig.

Nariyan po ang pagsusuri na isinagawa ng ad-hoc panel ng DOJ na nagrepaso pa sa mga kasong administratibo at kriminal laban sa mga tauhan ng Philippine National Police na sangkot sa anti-illegal drug operation ng nagdaang administrasyon.

Kinatigan din po ng ating Kagawaran ang Writ of Amparo na nagbibigay ng proteksyon sa mga petisyoners ng kaso.

Binigyang-buhay din po ng inter-agency Committee sa pamumuno ng Kalihim ng DOJ sa ilalim ng Administrative Order No. 35 at ng United Nations Joint Program on Human Rights ang pagtutok sa mga kaso ng extrajudicial killing, sapilitang pagkawala, tortyur at iba pang malubhang paglabag sa karapatan sa buhay, kalayaan, at seguridad ng mga tao.

Bukod pa po ito sa agarang pagsisiyasat na isinagawa ng Internal Affairs Services ng PNP para disiplinahin ang diumano'y mga may kinalaman na tauhan ng pulisya.

Malinaw po -- ang ICC ay maaari lamang magkaroon ng jurisdiction kung saan nabigo ang sistema ng hustisya ng bansa. Tinatanggap po ba natin na walang saysay ang ating pampublikong institusyon? Ang ating Kagawaran ng Katarungan? Ang kalipunan ng ating sektor para sa pampublikong seguridad?

Kung atin pong maalala, pormal na tayong humiwalay sa Rome Statute ng ICC noon pang ika-17 ng Marso 2018. Ganap na po itong nagbisa matapos ang isang taon. Samakatuwid, hindi na po tayo tali sa ICC.

Gayunman, ang ating paghiwalay ay hindi nangangahulugan ng pagpapabaya. Hindi po ibig sabihin nito na tayo po ay tumatalikod sa isyu at hinahayaan na lang po natin ito. Hindi po.

Patuloy pa rin ang pagsisikap ng gobyerno ng Pilipinas na ganap na palakasin ang mekanismo para tunay na mausig ang nagkasala. Patuloy pa rin pong gumagana ang ating hustisya. Hinding-hindi po natin sisiilin ang kalipunan ng ating karapatang pantao.

Higit sa lahat, hindi po tayo isang demokratiko at malayang bansa kung hahayaan nating makulong sa pang-uusig at paglilitis ng mga banyaga. Tayo po ay hindi na alipin ng mga banyaga. Tayo po ay hindi na pwedeng utus-utusan ng mga banyaga. Hindi po papayag si Andres Bonifacio. Hindi rin papayag si Jose Rizal.

Mga mahal kong kababayan, Ginoong Tagapangulo, sa punto pong ito, akin pong iniakda ang Resolusyon Bilang 488 na nagsususog ng mariing pagtatanggol sa Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang ika-16 na Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa anumang imbestigasyon o pag-uusig ng International Criminal Court.

Ginoong Tagapangulo, bilang panghuli, akin pong lilinawin na kahit sino pong naging Pangulo ng Pilipinas, kahit sino pa po, akin din pong ihahain ito kung darating ang mga dayuhan dito at kanilang iimbestigahan. Sapagka't ito po, mga mahal kong kababayan, kahit kanino po nilang gawing pangulo, isa pong malaking insult ito sa atin kapag may dumating dito na banyaga at uutus-utusan po tayo at sila mismo ang magkukulong sa ating Pangulo.

Mahal kong Ginoong Pangulo, tapos na po ang panahon ni Sakay. Maaraming salamat po.

*****

Video: https://www.youtube.com/watch?v=7Omo-9Ae5To

News Latest News Feed