Press Release
April 28, 2023

STATEMENT OF SENATOR RISA HONTIVEROS ON THE RELEASE OF SMUGGLED SUGAR

Naisahan tayo dito. Bukod sa nalusutan tayo ng iligal na supply ng asukal, pinaasa pa ng gobyerno ang mamamayan na haharangin at iimbestigahan ang kontrabando.

Nakakasama ng loob na imbes na pagsasaayos ng supply ng asukal para sa bayan, ang inatupag ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ay ang pagsasalegal ng libo-libong tonelada ng smuggled na asukal.

Not only was the crime of large-scale agricultural smuggling consummated. Government is also a willing and enthusiastic sponsor and enabler.

Dalawang buwan na mula nang isiniwalat natin ang modus na ito. Napigilan sana natin ang kasakiman nila kung nabigyan tayo ng pagkakataong mag-imbestiga -- nakasuhan na sana si Usec. Panganiban, natulungan sana natin ang SRA na maging tapat at matapang na sandigan ng industriya, na-blacklist na sana ang mga smugglers at bumaba na sana ang presyo ng asukal.

Hindi pumirma ang Presidente sa sugar order na pang-cover up sa smuggling operation ni Usec. Panganiban at ng tatlong importers. Pero malinaw na malinaw kay Usec. Panganiban at sa mga sunud-sunurang opisyal sa Malacanang, SRA, at BOC (si Sec. Bersamin, si SRA Administrator Alba, si SRA Deputy Administrator Tejida at si BOC Commissioner Rubio) na may gusto ang hari at hindi ito mababali.

Nagpa-picture ang Presidente kasama itong tatlong smugglers at si Panganiban. Yang letratong iyan sa pulong nila ng January 25 pala ang tunay na sugar order. Klaro, malinaw ang gusto, kaya't dumating ang 260 containers ng asukal ng AllAsian ng February 9 -- nangyari ang January 25 na Kodakan at dumating ang asukal bago pa man ma-aprubahan at mailathala ang SO6. Yan na pala ang bagong kalakaran ng Malacanang at ng apuradong cartel.

Hanggang ngayon, naninindigan ako, kasama ng industriya ng asukal: A Sugar Order is a requirement under the law. Bawal mag-import kung walang SO. An SRA sugar order is our very imperfect instrument for balancing the welfare of farmers, planters and millers on the one hand and of consumers and food manufacturers, on the other hand who must also rely on imports to augment the limited supply.

Sa fiasco na ito, nakarating sa bansa ang supply nang walang sugar order. At sa loob ng dalawang buwan, nagplantsa ng gusot ang SRA. Mula sa mga dagdag na memo, patong-patong na clearance, pabaligtad na pagbasa ng kalendaryo -- ginawa ang lahat para lang mailabas ang puslit na supply, walang duda na pilit nilang tinutuwid ang baluktot. This is legal cover-up at its finest or its most gross, and it has failed miserably. Kaya takot silang humarap.

Pero kahit anong gawing pagtatago, ang isda ay nahuhuli pa rin sa sariling bibig. Inunahan ni Panganiban ang proseso ng paglalabas ng kanyang sariling sugar order para maibigay sa tatatlong kompanya ang 450,000MT na aangkatin ng bansa. Wala naman daw pinag-iba ang sarili nyang sugar order at sugar order na kalaunan ay inilabas din ng SRA.

Ang ending, yung regulator, siya na ring naging smuggler. At silang dapat namamahala sa supply, siya na ring pasimuno ng kartel.

Mr. President at Agriculture Secretary, inuulit ko, pumasok ang supply nang walang sugar order. Walang proseso. Walang formula. Ilang smoking gun ba ang kailangan ninyo para maitama magkaroon ng hustisya sa sugar industry?

Panganiban effectively bypassed the legal mandate of the SRA. Mas mataas na ba ngayon ang memo ng office of the executive secretary kaysa sa sugar order? At kung hindi naman pala kailangan ng sugar order bago lumanding dito ang import, bakit pa may regulator? Kung nakukuha naman pala sa simpleng memo ang pag-aangkat ng mga produkto, para saan pa ang SRA?

At ang Bureau of Customs naman, hindi rin pala naghahanap ng sugar order. Basta na lang nila tinanggap ang clearance ng SRA, kahit pa malinaw namang smuggled ang dumating na supply noong Feb. 9. Bakit pa may batas kung hindi naman susundin? Bakit pa may mga abugado at Legal Bureau sa Customs, kung hindi naman pala nagbabasa ng batas, at papaniwalaan lang ang ipinilit ni Usec Panganiban kay Administrator Alba at sa Deputy nyang si Tejida.

Higit sa lahat, sa dami-dami ng laway na inaksaya ng SRA at BOC sa pagpapaliwanag, hindi rin naman bumababa ang presyo ng asukal sa P65, kahit na unti-unti na nilang pinapasok sa merkado yang mga asukal na galing sa mga paborito nilang kumpanya. Pero hindi rin yan nakakabigla, ang mataas na presyo ang maasahan kapag walang pwedeng lapitan kundi ang iilang kumorner ng supply.

Dagdag pa dyan, nasaan na ang ipinagmamalaki nilang supply na ipamamahagi diumano sa Kadiwa? Meron nga siguro, pero hindi kasali dyan ang asukal ng mga paborito nilang AllAsian, Edison Lee at SUCDEN.

Ginawa na ngang smuggler ang mga institusyon ng gobyerno, pinaasa pa ang mga Pilipino.

Nasalisihan na naman dito ang bayan. Hindi natin ito dapat palampasin.

News Latest News Feed