Press Release May 1, 2023 Statement of Sen. Raffy Tulfo on Labor Day (1 May 2023): Sa araw na ito, bigyang pugay natin ang mga bayani ng ating bayan -- ang mga manggagawang Pilipino! Hindi na siguro lingid sa kaalaman nating lahat na marami sa kanila ay naghihikahos dahil hindi sapat ang sahod na kanilang natatanggap para ipantawid sa pangaraw-araw na pangangailangan nila at ng kanilang pamilya. Hindi nasusuklian ng tama ang pawis at sakripisyo nila sapagkat ang kasalukuyang nakasaad na minimum wage ay halos wala ng saysay dahil sa sobrang mahal na ng mga bilihin at hindi na kayang bumuhay ng maayos ng isang pamilya. Ayon sa research group na IBON Foundation, dahil sa inflation, ang arawang sahod na kinakailangan para mabuhay nang disente ang isang pamilyang Pilipino na may limang miyembro, ay Php1,161.00 kada araw. Sa karaniwang Filipino household, ang padre de pamilya lamang ang nagtatrabaho at ang kanyang may bahay ay nasa tahanan para alagaan ang kanilang mga anak dahil hindi nila kayang magbayad pa ng kasambahay. Kaya ang kasalukuyang P570/day minimum wage para sa NCR halimbawa ay hindi talaga sapat at wala pa sa kalahati ng ideal rate. Bagamat nagkaroon ng dagdag sahod noong Hunyo 4, 2022 lamang na Php33 kada araw, ang omentong ito ay hindi man lang naramdaman ng mga bulsa ng ating mga manggagawa dahil sumabay dito ang hindi napigilang pagtaas ng mga bilihin. At bilang tugon sa matagal ng panawagan nila, ng mga labor groups para sa minimum wage increase, nagfile ako ng Senate Resolution (SR) No. 476 noong Pebrero 2023, kasabay ng mga panukalang batas na inihain ng iba pang mambabatas, para ipatawag ang lahat ng Regional Tripartite Wages Board at lahat ng stakeholders ng labor sector, kabilang ang DOLE at DTI, upang dinggin ang panawagan ng mga manggagawa na magkaroon na ng makabuluhang dagdag-sahod. Sa May 10, 2023, nakatakda ang isang pagdinig sa Senate Committee on Labor kung upang talakayin ang usapin tungkol dito. Mabuhay ang ating mga manggagawang Pilipino! *Si Sen. Tulfo ang Vice Chairperson ng Senate Committee on Labor. |