Press Release May 11, 2023 Sen. Robinhood Padilla's Eulogy for the late Gov. Carlos Padilla Sa ating mga ginagalang na miyembro ng Malaking Kapulungan, sa aking mahal na kapamilya at minamahal sa buhay ng yumaong Gobernador Carlos Padilla, at sa mga kapwa ko pong lingkod bayan, sa mga kaibigan, ako po ay isa sa masasabing kamaganak ng ating ginagalang at hinahangaan at sinasaluduhan na mahal na gobernador at mambabatas. Ang amin pong pinagmulan ay sa lugar ng Nueva Ecija. Ang amin pong lolo, ang kanya pong ama, ay magkasama po sa Malolos Congress. Ang akin pong ama, si Assemblyman Roy Padilla, at si Tito Caloy ay magkaibigan. Sila po ang mga Padilla na nakuha ang dugo ng mga Padilla mula pa po sa Espanya. Ang amin pong mga ninuno ay naglingkod sa Espanya hanggang sa nakarating po rito sa Pilipinas, sila pa rin po ay mga lingkod bayan. Kami naman po, ang mga Padilla na napunta naman sa show business. Ang mga Padilla po kasi 2 ang pinuntahan, actually 3. May mga lingkod bayan, may mga artista, may mga abogado, ah merong isa pa, boksingero. Yan po ang aming linya. Ako po kahit kailan hindi kop o pinangarap na maging lingkod bayan. Ang akin pong pangarap lang talaga ay maging artista. Nguni't dinala po ako dito ng isang alon na hindi ko po mapigil, at ang naging salamin ng pageserbisyo sa publiko dahil wala na po ang aking mahal na ama, ang naging salamin namin ay si Tiyo Carlos. Alam nyo, sa mga nagbigay po ng pagpupugay sa kanya ngayong araw na ito, ako po ay nakaangat sa upuan sapagka't kanyang ipinaglaban, malinaw na malinaw na kung ano ang ipinaglaban ng mga ninuno namin sa Espanya na ang isa naming uncle noon, isa naming lolo noon, ay napugutan ng ulo dahil sa kanyang pakikipaglaban para sa mga komoneros. Ibig sabihin ang mga komon na tao. Katulad po ng sinabi ng ating mga magagaling na mambabatas kung papaano niya ipinaglaban ang mga mangingisda, ang mga maglulupa, kung papaano pinaglaban ang mga magsasaka, kung papaano ipinaglaban ang ating mga katutubo, yan po si Tiyo Caloy. Noong nagkita po kami, binisita niya po ako sa Senado, ang sabi ko sa kanya Tiyo Caloy paano kita matutulungan sa iyong bayan, sa iyong probinsya? Sabi niya relax ka lang. Hindi ko kailangan ang tulong mo doon, tulungan mo ang iba na nahihirapan. Sapagka't diyan sa Nueva Vizcaya kayang kaya ko na yan. Ganyan po siya, hindi siya mapagsamantala. Siya pa nagsabi sa akin puntahan mo ang mga nangangailangan na katutubo sa ibang lugar. Yan ang puntahan mo, huwag na ako. Ganyan po siya. Kaya noong nabalitaan po namin ng aking kapatid na si Kuya Rommel na pumanaw na si Tiyo Caloy, naligaw po kami. Anong direction natin ngayon? Siya ang pinakamatanda sa atin hindi po sa usapin ng edad kundi sa ideolohiya, kung papaano tatakbo, kung papaano natin iuungos at papaano natin iaabante pa ang ating pangalan. Kaya po, mga mahal kong kababayan, napakahirap pong punuan ang sapatos na iniwan ni Tiyo Caloy. Pero Tiyo Caloy katulad po ng ating paguusap, hindi ko po kalilimutan lahat ang inyong ibinilin. Lalo na po noong lumapit ako sa iyo diyan napakagwapo mo pa rin. Nakangiti ka, parang sinasabi mong bahala ka na diyan. Hayaan nyo po Tiyo Caloy. Lahat po na inyong iniwan lalong lalo na sa edukasyon, ipagpatuloy po natin yan, ipaglalaban po natin yan. At kahit kailan, Inshallah, ang inyo pong itinayong pangalan natin, ang ating apelyido, kailanman ay hindi po natin sisirain. Kaya po mahal kong Tiyo, bilang panghuling salita, gusto ko pong malaman ninyo una sa lahat maraming salamat po sa pagsuporta nyo sa akin noong kumandidato ako. Isang tawag ko lang sa inyo sabi mo di ka na kailangan pumunta rito, No. 1 ka na dito. Kaya po nangyari No. 1 ako. Pangalawa, humihingi ako ng paumanhin sa iyo Tiyo Carlos noong tumakbo ka sa Senado. Hindi ako nakarating. Patawarin mo ako, Tiyo Carlos. Mahal po kita. Maraming salamat po. |
Thursday, June 19
|