Press Release
May 13, 2023

DWIZ SAPOL INTERVIEW KAY SEN. WIN GATCHALIAN KASAMA SINA CELY BUENO AT RAOUL ESPERAS HINGGIL SA ENERGY SUPPLY, EDUCATION ISSUES, HUMAN TRAFFICKING AT ASSESSMENT SA MARCOS ADMINISTRATION

ON ENERGY

Q: Bilang dating chairman ng Committee on Energy, alam naman natin na last Monday nagkaroon ng brownout dahil nagkaroon ng red alert, ngayon po ang sinasabi pa rin ng Department of Energy, ngayong buwan ng May hanggang Hunyo, magkakaroon pa rin ng weekly yellow alert, ibig sabihin pagnipis ng suplay. Naalala ko noon sabi nyo hindi kayo nababahala dahil meron tayong sobra na power supply?

SEN. WIN: Tama, may sobra tayong power supply. Kakaiba itong sitwasyon dahil itong nangyari sa Panay noong April at itong dalawang beses na nangyaring red alerts, May 8 at May 9 sanhi nya transmission line. Nagkaroon ng trippings sa transmission lines. At dahil nagkaroon ng tripping hindi makapagbato ang mga power plants ng kuryente. Kaya nagkaroon ng red and yellow alert. So hindi issue ng supply ngayon, issue ng transmission lines. Kanina nga nagbabasa ako ng balita kaninang umaga at nabasa ko na inamin ng NGCP na may mga projects na delay at nagkaroon ng aberya sa kanilang transmission lines, ganun din ang mga nakita ng ibang LGU sa Iloilo, sa Panay island na ang naging sanhi ng brownouts sa kanila ay yung transmission lines. So meron nga tayong sobrang suplay ng kuryente pero ang transmission lines naman natin ngayon ang pumapalya kaya nagkaroon tayo ng red and yellow alerts.

Q: So Sir sino yung dapat na magpaliwanag dito sa pagkakaroon ng problema sa transmission lines?

SEN. WIN: Definitely NGCP yan. Kailangan magpaliwanag ang NGCP ng dalawang bagay. Unang-una, bakit nagkaroon ng ganitong tripping. Ibig sabihin yung transmission lines natin hindi name-maintain ng mabuti, yun ang aking pag-aanalisa. Pangalawa, nakita ko may mga projects na delay. Tatlo sa pinakamahalagang projects ay nadelay na. Isa dyan yung Mindanao-Visayas interconnection. Kung yan ay tumakbo na nung unang taon pa, makakakuha tayo ng excess supply sa Mindanao dahil sobra-sobra ang kuryente sa Mindanao. At dapat nga yan, early part of this year, gumagana na pero nadelay yan hanggang 2nd half of 2023. So dalawang bagay ang dapat sagutin nila. Una, bakit nagti-tripping ang mga linya dahil hindi dapat nangyayari yan kung name-maintain nang mabuti at pangalawa bakit ang daming proyekto, transmission projects nadelay.

Q: Nakakalungkot kasi ang taas na nga ng singil sa atin sa kuryente tapos makakaranas ka pa ng power outages. Buti nga sa Mindoro medyo na-address na. Ngayon sa Panay island.

SEN. WIN: Na-address na yung Mindoro dahil nagdala ng generator at napatakbo na ang ibang planta pero kabuuan yan ang dapat nating imonitor ngayon ang transmission lines. Alam mo Cely tayong dalawa minomonitor natin ito every Summer. Every Summer pinag-uusapan natin ito.

Q: Tama kayo po ang laging nagko-conduct ng hearings.

SEN. WIN: Kung matatandaan mo puro palya, forced outage, power plant outage. Pero ngayon iba yung nakita ko, transmission lines ang sanhi kaya dapat panagutin ang NGCP at imbestigahang mabuti itong naging problema sa kanilang transmission lines.

Q: So Sir sa tingin nyo ang dapat umaksyon ngayon ay Department of Energy at saka ERC o sa tingin nyo may pangangailangan na rin mag-imbestiga ang Senado to conduct inquiry in aid of legislation regarding this?

SEN. WIN: Mag-imbestiga ang DOE pagdating doon sa pagpapatupad ng policy, dahil ang policy nito ay ma-maintain ang mga transmission lines natin at gawin ang mga bagong transmission lines kagaad. Kapag merong pagkukulang ERC ang kailangang magmulta dyan. At ako tingin ko dapat ang Senado rin ay mag-imbestiga na dahil nga ang transmission na yan, malakihan ito. Hindi lang ito isang maliit na lugar kundi buong bansa. Kapag sinabi mong transmission line ay nationwide yan. Dahil nga sabay-sabay, April 27, May 8 at May 9, dapat tignang mabuti kung bakit ba nagkaroon ng ganitong aberya.

Q: May intention ba kayo to file resolution para magkaroon ng Senate Inquiry?

SEN. WIN: Meron na, Cely. Nagfile na tayo ng resolution talagang idinetalye natin doon ang naging problema ng NGCP at dapat maimbestigahan. Ito namang pag-iimbestiga natin sa NGCP tuloy-tuloy. Kung matatandaan mo patas naman tayo, kung maganda ang ginagawa binibigyan natin ng puri. Pero nung nakita nating may pagkukulang at magiging problema ito para sa mga consumers at talagang kino-call out natin sila. At talagang pinupursue nilang gawin ang solusyon. Kung matatandaan mo yung reserves laging ganyan ang issue at nagkaroon tayo ng investigation dyan kaya ngayon meron nang kontratang reserves ang NGCP.

Q: Sir, kaugnay nga nitong possible power crisis sa mga susunod na panahon. Ang sabi po ni Pangulong Bongbong Marcos target nila ang nuclear energy para mapigilan ang power crisis, kayo po ba ay supportive dito?

SEN. WIN: Cely, gusto ko ipaliwanag mabuti na yung mga nakikita kong teknolohiya sa nuclear ay paliit ng paliit at nagiging yung tinatawag nilang modular. Hindi kailangan na malakihan. Ang nagiging problema kasi ng malalaking nuclear ay overpriced na matagal pang iconstruct pero ang tinatawag nating SMR, small modular reactors, ito ay nagiging mas uso at sang-ayon ako dyan at natutuwa nga ako dahil nung ang bisita ng ating Pangulo, nagkaroon siya ng meeting sa isang kumpanya, itong NU Scale. Ang NUScale ang lider pagdating sa SMRs at nabigyan na sila ng license na magtayo ng mga SMR sa Amerika, sa Chi a at sa iba pang bansa. At natutuwa ako, nabasa ko na bibigyan tayo ng priority so sang-ayon ako dyan dahil iba sya, mas maliit siya. Ibig sabihin mas safe, mas mabilis iconstruct at hindi magiging overpriced.

Q: Yung sa Bataan, Senator Win, ano ang naririnig nyo dito? Yung Bataan Nuclear Power Plant?

SEN. WIN: Sa pagkokonsulta ko sa mga eksperto, maraming nagsasabi na unang-una, luma na sya. Pangalawa, yung teknolohiya luma na rin. At pangatlo, gagastos ng malaki para irevive yan at hindi magiging economically viable. Ibig sabihin kung bubuhos tayo ng pera dyan, baka hindi maging economically, kumbaga hindi mababa ang presyo dahil malaking pera ang ibubuhos dyan.

Q: White elephant na pala yun?

SEN. WIN: Matagal nang white elephant yan. Almost 40 years na. Ganunpaman, maraming mga alam ko may mga Koreano, mga Chinese na interesadong pag-aralan pang muli pero sa aking mga pagkokonsulta. Narinig ko ang Russian ambassador, nakausap ko ang ibang nuclear experts sa China talagang ano na sya, masyadong luma na.

ON EDUCATION

Q: Sir, sa usapin naman ng edukasyon, recently sinabi na ng World Health Organization na hindi na kinoconsider na global health emergency ang COVID. So sa ganitong sitwasyon, sabi nga parang tumataas ang kaso sa atin pero mild na lang naman. Sa tingin nyo makakatulong ito para mapabilis itong recovery ng education sector? Noon parang sinabi natin na nagkaroon ng krisis sa sektor ng edukasyon.

SEN. WIN: Cely, magandang senyales na tapos na ang pandemya. At ibig sabihin pwede na talaga tayong bumalik sa normal na pamumuhay. Ako tingin ko hindi na talaga magiging zero ang COVID eh. Wag na nating asahang mawawala yan. Kumbaga tayo na ang mag-aadapt sa COVID. Hindi yung COVID ang mag-aadapt sa atin. So nakita ko basta bakunado ka, protektado ka sa COVID at hindi ka malalagay sa malubhang sakit. Ngayon pagdating sa edukasyon talagang marami tayong dapat gawin. Talagang makikita natin lahat ng pag-aaral na magsasabi na ang ating kabataan 90% hindi marunong magbasa, hindi naiintindihan ang kanilang binabasa. So kailangan talaga tayong maghabol at kailangang buhusan natin ng pera yung tutoring, yung paghahabol ng bata para hindi sila mahihirapan pagdating ng panahon. Kasi ang mga bata gagraduate at gagraduate yan, ang tanong makakakuha ba sila ng magandang trabaho, makakapasok ba sila sa kolehiyo? Maganda ba ang kanilang kinabukasan dahil nga alam natin mahina ang pundasyon ng kanilang pag-aaral.

Q: Ano po ang masasabi nyo dahil sabi nyo nga, ano ang kasiguraduhan na pagkagraduate, makakakuha sila ng trabaho? Ito pong DepEd may binuo silang Task Force on Employability issues na mga senior graduates. Ito po ba ay magandang development. Ito po ba ay isa sa mga resulta noong EDOCMII na laging nagko-convene?

SEN. WIN: Magandang resulta yan. Alam mo Cely, kahapon, nagpagupit ako kahapon, makikita nyo. May kausap ako doon sa parlor, tinatanong nila Senator yung K-12 ba matatanggal na yan? Babalik ba tayo sa dati? Sabi ko hindi na babalik dahil kung babalik tayo dyan, maiiwanan tayo sa buong mundo. Ang gagawin na lang natin, ayusin para maging makabuluhan para sa ating mga kababayan. Pero ganun ang sentimyento ng tao. Ayaw nila ng K-12 at isa sa nakita naming dahilan kung bakit ayaw nila ng K-12 ay yung Senior High School. Yan yung idinagdag natin na dalawang taon. At dahil nga ito idinagdag na dalawang taon, hindi naman nakakakuha ng trabaho ang bata. Ang mga trabahong nakukuha niya ay yung talagang simpleng trabaho lang. Hindi naman maganda. Kaya yan ang aming inaayos. Maganda ang development sa DepEd at nakita ko na nakita rin nila ang problema at ngayon ay inaayos na nila. Magtutulungan kami EDCOM, Committee on Education at ang DepEd para sa kapakanan ng ating senior high school students.

Q: Yun nga Sir, marami kayong dapat gawin para ma-address itong problema sa education sector, ang tanong ng iba baka raw madivert ang atensyon ni Education Secretary, Vice President Sara Duterte dahil siya rin po ay naging vice chairman po nitong NTF-ELCAC, so kayo po ba ay komporme na siya ay maging vice chairman po ng naturang task force?

SEN. WIN: Cely, kilala kong personal si VP Sara at alam kong kayang-kaya niyang mag-multi tasking. Kapag mayor ka ang training mo multi-tasking eh. Nung Mayor ako, Engineer na ako, Doktor na ako, Finance Manager pa ako, Politician pa. Talagang kapag dumaan ka ng mayorship ang training mo multitasking kaya nakikita ko rin na hindi magiging problema kay VP Sara na magiging vice chairman siya ng NTF-ELCAC at nakikita ko ang logic, Cely. Pinag-iisipan kong mabuti ito. Dito sa Metro Manila, hindi problema ang komunista, ang terrorist groups, hindi problema sa atin yan. Kaya hindi natin medyo pinapansin. Pero kausap ko ang mga governor let's say sa Surigao del Sur, Surigao del Norte, Cagayan, problema sa kanila yung tinatawag na communist terrorist yun na ata ang bagong bansag sa kanila. At maraming eskwelahan, isinasara, hindi nakakapasok ang mga estudyante, dahil sa pang-aabuso, panghaharass ng mga communist terrorist at mas kawawa ang mga bata sa probinsya natin, sa kanayunan dahil ang mga kailangan pang mag-aral, hindi pa nakakapag-aral. Kaya akin, tama lang na nagkaroon ng synergized ang education at NTF-ELCAC para matutukan ang pag-aaral ng mga bata.

Q: May koneksyon pala?

SEN. WIN: Nakikita ko ang koneksyon dahil kausap ko ang mga governor, marami lalo na sa mga bundok marami hindi pumapasok dahil sa takot, dahil sa pang-haharass at ngayon dahil andyan na ang ating Vice President ay matututukan ano ang mga areas na ganito ang sitwasyon.

Q: Yung mga remote areas noh?

SEN. WIN: Marami, maraming ganun. Ako sa Cagayan lang may kaibigan ako na ganyan ang kanilang sitwasyon.

ON NEW TAXES

Q: Sir sa usapin naman po nitong pinaplano ng Department of Finance na new taxes. Meron ho yatang nasabi ang DOF na isusulong nila ang pagpapataw ng bago at mas mataas na buwis sa sugary drinks, motor vehicles, among others. Ang tanong tama ba ang timing sa panahon na ito na hirap pa ang ating mga kababayan sa epekto ng pandemya at ngayon pa namna na mataas nga ang inflation.

SEN. WIN: Cely bago natin pag-usapan ang mga yan, pag-usapan natin ano ang ginagawa ng gobyerno para maibsan ang nararamdaman at nararanasan ng mga taxpayers natin sa pagbabayad ng taxes. Bigyan kita ng halimbawa, marami pa rin akong report na nakukuha na pinapahirapan ang tax payers natin pagdating sa pagbabayad ng buwis. Merong mga fixers, ang iba ang daming dokumento na hinihingi na hindi naman nakasaad sa batas. Pangalawa, merong issues ng smuggling. Nung isang araw lang may nabasa ako na almost P100 million worth of diesel na inismuggle sa ating bansa at marami pa akong nakakausap na ang smuggling sa sigarilyo. Kausap ko ang ibang tobacco experts, sinasabi nila tuloy-tuloy ang pag-i-smuggle. So ang punto ko maraming lumulusot sa kamay ng gobyerno. Ang mga taxpayers natin, iba nadidismayang magbayad dahil ang hirap magbayad. Ang smuggling naman tuloy-tuloy ang ligaya nila kaya tingin ko kapag ma-address natin ang ease of paying taxes, padaliin natin ang buhay ng ating mga taxpayers, hulihin ang mga smuggling, hindi mo na kailangan magtaas ng taxes. Yan lang sapat na sa mga pangangailangan natin.

ON HUMAN TRAFFICKING

Q: Kayo po ba ay nagpunta sa Pampanga, recently may niraid doon na, human trafficking, hindi ko alam kung related ba ito sa POGO o parang si Senator Grace Poe may finile nang resolution na gusto niya itong paimbestigahan parang maraming mga foreign workers na biktima ng trafficking na pinagtatrabaho dito kaya lang di ko alam kung related ito sa POGO.

SEN. WIN: Hindi ako personally nag-inspection pero kahapon nagpadala ako ng team na mag-iinspect pero balak ko rin pumunta doon para tignan ang lugar. Tamang-tama nga ang chairperson ng Clark ay si Chairman Devanadera dating ERC na nakatrabaho natin. So kahapon pumunta ang team ko para kumuha ng information at natuklasan namin itong Colorful Leaf na kasi lahat ng information ko lang nakukuha ko sa news, may naraid ang pangalan ng company ay Colorful Leaf na ang nakuha nila almost 1,200 foreigners na nagtatrabaho sa isang scamming activity. Tumatawag sila sa isang foreigner, humihingi ng pera, nagpapanggap na babae at hinihingan ng pera. At ang compound ng Colorful Leaf ay sa isang tinatawag na Sun Valley. Nung tsinek namin ang listahan ng mga service providers na POGO, may isang kumpanya doon na ang location nya ay Sun Valley rin. So pareho ang service POGO operator at yung Colorful Leaf nasa isang lugar. So yun ang nakita naming commonality, yung kapareho. So ipupursue namin ang investigation na yun dahil ang first, gusto natin makita kung yung mga mayari ba ay pareho. Itong service provider ba at saka Colorful Leaf pareho ba ang may-ari. Pangalawa, pareho ba ang kanilang pinag-ooperate dahil may mga balita ako sa mga informants sa atin na maraming mga POGO pinofront lang nila pero sa likod mga scamming activity. POGO meron kaming lisensya nakapaskil sa pader pero kapag pumunta ka sa likod scamming activity na. Ang nakita kong kaya nagiging ganyan dahil kapag matatandaan natin under the law pwede kasing bigyan ng alien employment permit ang mga nagtatrabaho sa POGO. So ibig sabihin kung dayuhan ka, gusto mong magtrabaho sa Pinas, pwede kang bigyan ng alien employment permit para magtrabaho sa POGO pero imbes na nagtatrabaho ka sa POGO, nagtatrabaho ka sa scamming. So ganun ang mga nakukuha kong information so ipupursue namin ang investigation na ito, personal, dahil interesado rin akong malaman dahil nagfile din ako ng resolution tungkol dito.

Q: Meron kayong committee report that recommends the banning or to stop the operation of POGO sa ating bansa?

SEN. WIN: Ang dami kasing nangyari na bago at pinapasok namin ito sa committee report natin kagaya nitong scamming activity. Bago ito at pareho ang obserbasyon namin ni Sen. Hontiveros, nakita ko ang kanyang press release na nagiging human trafficking at scamming hub tayo ng buong mundo. Biro mo, 1,200 na mga foreigners.

Q: Different nationality ha, first time na different nationality.

SEN. WIN: Ipinakita sa akin ang mga papers nung mga dayuhan at ang iba ay kinausap ng aming mga staff. Marami sa kanila galing sa mga probinsya ng Cambodia, Myanmar, Vietnam, mga hindi nagtapos ng pag-aaral at dinala dito. So talagang nakakabahala ito dahil ayaw nating maging human trafficking hub ng buong mundo. Kailangan talagang mahinto ito.

Q: So Sir kung sakaling totoo na nagiging front ang POGO sa likod may scamming operation, another violation at another argument po yan na magpapalakas sa inyong recommendations na ipatigil na ang POGO operation sa bansa?

SEN. WIN: Tama nga, ganun na nga. Hindi ko muna sasabihin yan with conclusion dahil tuloy tuloy pa rin ang aking investigation at gusto ko munang makakuha ng concrete evidence para maging conclusion po yan. Pero sa mga initial na nakikita natin at kayo ay nababasa nyo rin naman sa news ay parang ganun na nga ang nangyayari sa ating bansa.

Q: Yung committee report Sir may enough signature na?

SEN. WIN: Nag-aupdate kami, ipapasok ko kasi itong mga information na ito. Kaya nagfile ako ng resolution para maipasok yang mga information at tuloy-tuloy kumbaga ongoing ang aming ginagawang investigation. At alam mo Cely, may nakikita akong trend na yung POGO ay nagagamit for human trafficking, nagagamit for scamming yun ang nakikita naming trend. Pero ayoko munang magconclude hanggat meron tayong concrete evidence.

ON MARCOS ADMINISTRATION

Q: Malapit nang mag-one year ang Marcos administration, ano ang assessment mo sa first year ng Pangulo bilang lider ng ating bansa?

SEN. WIN: Well, tatlong bagay ang pumapasok sa isip ko. Unahin ko muna, pagdating sa ekonomiya at nakita ko ang ating Pangulo ang gusto nya sa ating ekonomiya ay stability. Ibig sabihin, wag nating guluhin ang mga nagawa na ng dating administrasyon. Ibig sabihin yung mga foundations, o mga pundasyon na ginawa na ng mga dating administration. I-maintain natin, dagdagan pa. Bigyan kita ng halimbawa, gusto kong bigyan ng credit ang tax reform na ginawa ni dating Pangulong Duterte at ni Finance Secretary Dominguez dahil napakahalaga ng tax reform na ginawa nila. Ito ang nagsilbing pundasyon, sa pagkokolekta ng buwis sa ating bansa at kaya lumakas ang ekonomiya. At kaya rin naglagay ang ating Pangulo ng familiar faces kagaya ni Sec. Diokno, yung iba ay familiar na ekonomista kagaya ni Sec. Medalla, Sec. Balisacan para may continuity at stability sa ating economic agenda. At nakikita ako importante wag nating guluhin kung maganda na. Pangalawa ang statement na ang West Philippine Sea ay atin at ang arbitral ruling ay rerespetuhin natin at susundin natin, mahalaga yan. Yan ay magbibigay ng linaw kung anong posisyon ng ating bansa. At pangatlo, yung pag-iikot ng ating Pangulo sa buong mundo, nagbibigay senyales sa buong mundo na ang Pilipinas handang iwelcome ang mga investors. Handa tayong magnegosyo at nakikita ko na mahalaga yan dahil hindi tayo lalago kung tayo-tayo lang. Importante may foreign investors, yang pag-ikot nya, nakita ko kasi marami siyang kausap na companies, malalaki ha, hindi maliliit na kumpanya, malalaking kumpanya. Nakita ko mahalaga yang pagbibigay ng kumpyansa na handa kaming tanggapin kayo, mag-invest kayo dito.

News Latest News Feed