Press Release
June 25, 2023

DZBB BANTAY BALITA SA KONGRESO INTERVIEW KAY SEN. WIN GATCHALIAN KASAMA SI NIMFA RAVELO HINGGIL SA ISYU SA MGA ONLINE LENDING APPS

Q: Yung sa online lending app, nag-file kayo ng resolution bakit po, hindi po ba mainam na maraming mauutangan ang mga kababayan natin kasi kapag sa mga bangko o credit card mataas ang tubo ang dami pang requirements?

SEN. WIN: Sa mga kababayan natin, Nimfa, nananawagan ako na kung merong mga organisasyon o tao na mabilis magpautang sa kanila, mag-ingat sila. Ibig sabihin may catch yan o may kapalit yan. Dahil ang pagpapautang may regulasyon yan. Lahat yan dumadaan sa BSP. At ang pagpapautang meron din yang mga proseso. Pero kung napakabilis, ibig sabihin, merong text pupunta sa iyo, loan ganito ganyan, tapos tatawag sila at papautangin ka kaagad, mag-ingat ka dahil ibig sabihin merong kapalit yan na hindi maganda. Kaya yan ang mga nakikita ko. Marami kaming nakukuha. Tama ka Nimfa, ang dami kong nakukuhang text, sa twitter, kapag titignan mo ang twitter ko maraming nag-aano dyan, nagrereport pero nakita ko na marami dito sa nagpapautang, hindi BSP regulated. Marami dito ay scam, marami dito ay talagang panghaharass ang ginagawa kaya dapat mag-ingat ang ating mga kababayan na huwag pumasok sa mga ganitong lending apps, o lending organizations, na hindi rehistrado sa BSP.

Q: Yun ho bang interest nakita nyo ba na masyadong mataas, katamtaman lang ho ba o paano po?

SEN. WIN: Mataas, nagre-range yan between 10% minsan nakakita pa ako ng 30%, 40% depende. Kapag tumaas na, let's say kapag tumatagal na hindi ka nagbabayad, lumalaki ang utang mo. Ang masamang ginagawa nila ang pananakot at pagbabanta sa buhay ng mga umuutang. For example, may mga nababasa ako o naririnig ako sa mga reports namin na pinapadalhan ng korona ng patay, talagang pananakot at panghaharas kaya ang first step kung may nagpapautang na napakadali ibig sabihin ay hindi tama yan. Huwag na pumasok, pangalawa i-check ang BSP, nasa website lahat ng inaaprubahan nila na pwedeng magpautang. For example, meron na ngayon, uso na ngayon ang e-wallet. Di ba ang GCash, ang shoppee meron silang e-wallet na nagpapautang. Lahat yan rehistrado sa BSP kaya kampante tayo na binabantayan ng BSP pero kung hindi rehistrado sa BSP talagang mang-aabuso at gagawa ng hindi maganda yan.

Q: Saka po siguro matignan itong isang punto kasi ang aming kasambahay nangutang sa ganyang lending app, nalaman na lang namin, ang nakakatanggap ng tawag ako, yung anak ko at yung kapatid ko sinasabi nangutang ang aming kasambahay, hinahanap siya hindi raw nila makontak. Nagtataka kami bakit nakuha yung number. So kinalikot ng anak ko, apparently meron po yung app na tinatanong kung 'allow access to contacts', so ibig sabihin nung nag-yes siya, na-access na yung kontak. Eh di violation na rin yun ng data privacy, nakuha nila ang number namin na hindi naman namin binibigyan ng permiso.

SEN. WIN: Nakakatakot talaga yan, Nimfa. Dahil may mga kausap akong Fintech companies, yung financial technology companies, may mga kaibigan tayo na nasa ganyang negosyo. Yung application na dina-download nila napaka-sophisticated na nakakatakot. For example, kwento nya sa akin, yung app pwedeng ma-track down kung saan ka pumupunta, pwedeng malaman kung saan ka namimili ng gamit, pwedeng malaman kung saan ka pumapasok na office. Sabi nga sa amin, nalalaman nila na may trabaho ang isang tao kung Monday to Friday pumapasok sa isang opisina. Malalaman nila kung sugalero ang isang tao kung Monday to Friday nasa casino, pinupuntahan ng hatinggabi so nagkakaroon sila ng profile ng tao. Kung anong klaseng tao ang pinapautang nila. So ang punto ko ngayon, ang tao kasi napakadaling lokohin. Ida-download yung app, akala nila harmless yan, walang mangyayari. Pero kapag pindot sila ng pindot ng allow, hindi na nila alam yung telepono nila pinapasukan na, contacts, pictures, pati tracking nagagawa nitong mga app na ito. Kaya talagang dapat mag-ingat tayo. Kaya ang pinakamaganda diyan Nimfa, dalawang bagay; huwag na tayong pumasok sa ganyan, pangalawa i-check natin ang BSP kung rehistrado sila. Sabi ko nga ang suggestion ko kasi nagkaroon ako ng opportunity na magsalita sa mga kooperatiba, maging miyembro tayo ng kooperatiba dahil marami tayong kooperatiba na lehitimo, tinuturuan nilang mag-impok ang tao at doon na lang tayo umutang.

Q: Bilang regulatory agencies ang BSP, SEC, ginagawa ho ba nila ang kanilang tungkulin o nagkukulang ho ba sila ng pagbabantay dito kasi di ho ba dapat may ano din, pro active din kasi nakikita naman po sa mga ano eh, halimbawa kapag nagbukas ka ng Apple Store o kaya ng Playstore, andun ang mga app para hindi lang sila naghihintay lang ng reklamo ng mga mabibiktima.

SEN. WIN: As a rule, lahat ng nagpapautang dapat magpa-rehistro, magpa-accredit sa BSP, so malalaman ng BSP lahat ng organisasyon kasi marami nang klase ngayon. Hindi lang bangko ang nire-regulate ng BSP, mga lending companies, for example yung mga pawnshop, nire-regulate na rin nila ngayon, yung mga e-wallets nire-regulate na rin nila ngayon, basta lahat ng nagpapautang dapat magpa-regulate sa BSP. Ngayon tama ka, itong mga lending apps nagiging very sophisticated, siguro ilalagay nila sa apple store ay finance application pero kapag dinownload mo pautang pala. So dapat maging proactive din ang BSP kasama ang SEC dahil ang SEC nire-regulate naman ang mga korporasyon so dapat maging active sila na ma-detect ang mga ganitong hindi magaganda at i-report na agad sa apple store o sa playstore para matanggal.

Q: Sir, ang DICT may papel din ho ba dapat dito?

SEN. WIN: Meron din pero ang dalawang pangunahin talaga is BSP and SEC. Ang DICT naman ay dapat bantayan, actually DICT at ang Data Privacy Commission, bantayan itong mga pagkolekta ng mga data. Nakakatakot talaga kaya ako kapag nagda-download ako ng Application nag-iingat ako dahil nung kinuwento sa akin ng kaibigan ko, imagine mo Nimfa pwedeng malaman kung saan ka pumupunta Monday to Sunday at magkakaroon sila ng profile kung anong klaseng tao ka. So ingat talaga ang ating mga kababayan hindi lahat ng dinadownload sa mga app store ay maganda, marami rin ang hindi maganda, yung iba hindi nga sa app store, diretso sa website nila dinadownload, hindi pumapasok sa app stores.

Q: Speaking of utang, Senator, iko-konek ko na rin po ito, ito hindi naman online lending app. Actual pong nagungutang, ang mga teacher po napag-usapan na natin minsan yan sa programa, yung mga teacher nangungutang tapos ang inutangan nila may partnership sa DepEd tapos ang DepEd ibabawas sa kanilang sweldo ang hulog nila at ito pong Alliance of Concerned Teachers, thru DepEd din kinakaltas sa sweldo ng kanilang members ang kanilang membership dues, ngayon meron pong issue ngayon na ipinalilista daw po ng DepEd ang members ng ACT para masubaybayan sino po itong nag-avail ng automatic payroll deduction system kaya lang ang issue po ng ACT ang dating sa kanilang pinoprofile sila, minsan nang sinabi ni VP Sara na sila ay maka-komunista?

SEN. WIN: Ang alam ko pinahinto na ni VP Sara ang ganitong automatic deduction. Nagiging madali kasi sa ating mga guro, even sa pulis, may mga ganyan din, nagiging madali ang utang at nagiging madali ang collection. At dahil nagiging madali ang nangyayari yung umutang, utang ng utang kaya madalas nating naririnig, hindi lang naman mga teachers, pati mga pulis at ibang uniformed personnel dahil nga napakadaling magpautang. Alam nyo, may napansin kasi ako, ang mga nagpapautang gusto nila madaling magpautang at gusto nila madaling kumolekta pero hindi nila inaalala kung kaya bang umutang nung umuutang at kung may capacity ba. Wala na silang pakialam kung may capacity o hindi eh. Kaya marami talaga nababaon sa utang na mga guro natin. Alam ko talaga pinahinto na ito at dapat talagang ipahinto dahil ang importante dito, ang sinasabi ko hindi masama umutang pero dapat alam natin ang kapasidad natin. Kung hindi na natin kaya umutang, wag na tayong umutang. Wag na nating gawing madali ang pag-uutang tulad ng mga ginagawa ng ibang korporasyon.

Q: Hindi ho ba pwedeng magkaroon ng facility ang gobyerno na magpapautang?

SEN. WIN: Meron naman, GSIS, actually GSIS, pwede silang umutang doon at sa Land Bank pwede rin silang umutang doon. Pero hindi madaling umutang doon.

Q: Ang dami po kasing requirements.

SEN. WIN: Correct pero yun ang tama. Titignan nila ang capacity mo, titignan nila kung kaya mong umutang, titignan nila kung kaya mong bayaran. Ibang lending companies kasi walang pakialam kahit baon na baon ka na, papautangin ka pa rin. Kahit na isanla mo ang bahay mo okay lang sa kanila, hindi naman tama yun kaya marami sa atin nababaon talaga at hindi na makabangon.

Q: Abangan po namin ang ipapatawag na pagdinig ano po ba Ways and Means o Banks Committee ito?

SEN. WIN: Committee on Banks ito.

News Latest News Feed