Press Release
July 19, 2023

RADYO 630 INTERVIEW KAY SENATOR WIN GATCHALIAN KASAMA SINA ALVIN ELCHICO AT DORIS BIRGONIA HINGGIL SA ICC DECISION, SUMMER BREAK, HONORS SYSTEM AT MAHARLIKA INVESTMENT FUND

On ICC decision

Q: Anong reaksyon nyo doon sa desisyon ng ICC?

SEN. WIN: Ang aking personal na reaksyon dito at pag-aanalisa, unang-una, ang ating justice system ay gumagana, ang court system natin ay gumagana at iniimbestiga lahat ng mga ganitong krimen na nangyari sa ating bansa. So, ang punto natin ay gumagana ang sistema ng ating bansa kaya hindi ko nakikita na kailangan pang imbestigahan ng ibang bansa o ibang lahi kung ano ang nangyayari dito sa ating bansa. So in principle, ang gobyerno natin ay gumagana kaya hindi ko nakikita na may pangangailangan na ganito.

Q: Parang pareho kayo ng posisyon ng gobyerno, ni Pangulong Marcos at Justice Secretary na hindi yan welcome dito. Kasi may sarili tayong hustisya, justice system.

SEN. WIN: Kasi kung pumayag tayo Alvin, parang sinasabi natin failed state tayo, na hindi gumagana ang sistema ng ating bansa, na ang ating korte ay hindi gumagana at lahat naman tayo sang-ayon na ang gobyerno natin, ang ating sistema ng hustisya ay gumagana at hindi tayo tinatawag na failed state katulad ng ibang bansa na nagkakaroon ng civil war at magulo. Dito sa atin ay gumagana ang sistema natin kaya hindi ko nakikita ang punto na dapat i-surrender, ibigay pa natin yung pag-iimbestiga sa ibang lahi dahil parang inaamin na natin na ano tayo, isa tayong failed state.

Q: Hindi kaya ganito na lang ang maging asta natin, ubra kaya: Oh sige mag-imbestiga kayo, tignan natin kung saan aabot yan, tignan natin kung may mapapatunayan kayo para matigil na lang lahat, sige ituloy nyo.

SEN. WIN: Tama ka Doris, dahil hindi naman natin kontrolado kung ano ang gagawin nila pero ang kontrolado natin ay ang pag-iimplementa at pagsu-surrender o hindi pagsu-surrender ng pag-iimbestiga kaya kahit na ano pang gawin nila dito sa ICC, ang desisyon ay kung rerespetuhin natin yan at kung ire-recognize natin yan ay nasa atin din. At yung pag-iimplementa, kahit anuman ang kanilang magiging rekomendasyon, gobyerno rin natin ang mag-iimplementa, hindi sila pwedeng pumasok dito dahil sovereign state tayo, kailangan nilang magpaalam. Walang ibang lahi o ibang bansa na pwedeng pumasok sa ating hurisdiksyon at gawin kung ano ang gusto nilang gawin dahil may sarili tayong konstitusyon, may sarili tayong batas, may sarili tayo, tayo ay isang sovereign nation, may sarili tayong soberanya, na ang konsepto ay dapat tayo ang mamahala sa sarili natin.

Q: Pero hindi po ba kayo nakukulangan Senador, kasi kapag tinignan mo ang kaso parang 6,000 plus ang record ng mga pinatay sa drug war pero ang nakakasuhan tatlo ata o apat, parang masyadong maliit parang kailangan nating i-push ang ating prosekusyon o yung pulis na imbestigahan nyo naman. Wala pang 10 ang nakasuhan.

SEN. WIN: Alvin, Doris, yan ay parte ng ating sistema yung term limits. Kaya tayo naglagay ng term limits para ang isang administrasyon hindi niya kayang impluwensyahan o i-kontrol ang susunod na administrasyon. Napakahigpit natin dahil iilan lang tayong bansa na may tinatawag na term limits. At ang Pangulo, si dating Pangulong Duterte, hindi na siya nakaupo, ang kanyang mga inappoint na mga secretary hindi na rin nakaupo, iba na ang administrasyon ngayon. So ang punto ko, hindi na naimpluwensyahan ng dating administrasyon ang kasalukuyang administrasyon. So ito ay isang form ng check and balance. So ang ibig sabihin ang kasalukuyang administrasyon, pwede niyang ipagpatuloy yung imbestigasyon, pwede rin siyang mag-file ng mga kaso laban sa mga gumawa nito noong unang administrasyon.

Q: Ang tanong ginagawa ba niya? Dapat gawin niya ngayon. Kasi habang nakikita mo na malayo, 6,000 on record pero sabi ng isang human rights group actually aabot ng 50,000 yan yung naging biktima ng kampanya laban sa droga and ang nakakasuhan lima, 10 parang masyadong malayo in terms of ratio, Senator?

SEN. WIN: Alvin, malaking debate kasi yung numero, may sinasabi 6,000, may nakikita ako 30,000, may nakikita ako marami pa. So malaking debate yan at yung debate kung ano ang ipapasok natin sa 6,000 kasi may mga nababasa ako na pati mga petty crimes nilagay dyan, pati yung walang kinalaman sa drugs inilagay para lang maging malaki yung numero kumbaga ine-exaggerate ang numero. Kaya sa akin, konsepto ang dapat nating tignan. Tayo ba ay gumagana? gumagana po ba ang sistema natin? Ang korte ba gumagana? gumagana po ang korte natin? So ang prinsipyo nito sa isang soberanyang bansa kung gumagana ang sistema, sarili nila dapat pamunuan. Hindi pwedeng ibang bansa o ibang lahi ang pumasok at mamuno sa sistema ng ating hustisya.

On Summer Break

Q: Pihit po tayo doon, actually topic talaga namin itong survey ng Pulse Asia na kinomisyon ni Sen. Gatchalian, 80 percent, 8 out of 10 gusto pong ibalik sa April to May ang bakasyon. Kasi ngayon ang bakasyon ay, ano ba ang bakasyon ngayon?

SEN. WIN: Bale ang bakasyon natin ngayon ay June July. July August more or less.

Q: Eh gusto ng majority ng na-survey ibalik sa April to May. Kasi nuknukan nga ng init ang April to May. Anyway, anong mga take away ninyo na isinagawa?

SEN. WIN: Alvin, actually itong topic na ito mas simple kesa doon sa ICC decision. Mas malapit sa taumbayan. Malapit sa puso nila at kaya nagpakomisyon kami ng survey para tanungin ang taumbayan kung ano bang buwan ang gusto nilang bakasyon. At lumalabas 8 out of 10 gustong ibalik sa dati nating mga buwan, April and May. Ang pag-aanalisa ko dito, unang-una, nasanay na tayo. Ako bata pa ako, kayo bata pa kayo, ganun na talaga ang ating bakasyon. At pangalawa, yung pagbabakasyon, nakita ko yan ay panahon ng pagsasama ng mga pamilya. At ang pagpapalaki ng bata, kailangan din ng bonding, kailangan din ng socialization, kailangan din ng extra curricular activities. Hindi puro aral. At ang April at May dahil nga ito ay summer break, nagiging panahon ng bonding ng pamilya, nakikita ng mga bata yung kanilang mga mahal sa buhay. Nung inilipat ito na ganito, June, July, August ay panahon ng tag-ulan at marami sa mga bata, hindi nakakalabas. Noong isang linggo lang nga nakita natin, bahang-baha kaya hindi sila makalabas. So naging kaugalian na natin na summer break ay panahon ng pag-bonding at napakahalaga yan sa pagpapalaki ng bata.

Q: So anong gagawin natin ngayon, are we going to push the Department of Education kasi hindi rin naging madali na paglipat, hindi siya madaling ilipat. Kasi ginawa na natin yun, anong magandang aksyon, based on this survey?

SEN. WIN: Tama ka, Alvin. Kapag ililipat mo yan, ibabalik mo ng biglaan sa April and May, may isang taon tayo na walang bakasyon. Tuloy-tuloy ang pag-aaral kasi for example kung ibabalik natin yan next year, school year 2024 dapat this year walang bakasyon. Pagkatapos ng pag-aaral nung June, aral kaagad para maibalik natin to April to May.

Q: So paano nga?

SEN. WIN: Dahan-dahan yan. Magiging transition program at nagfile nga ako ng resolution para mapag-usapan sa Senado kung ano ba ang pros and cons. May kabutihan ba ang April and May na bakasyon, may kabutihan ba ang June, July, August na bakasyon. At pag-uusapan din yan sa Senado kung ano ang pros and cons ng dalawang konsepto. At kung ibabalik natin ito sa dating kaugalian na natin, anong transition program dahil hindi talaga madali, uunti-untiin yan para makabalik tayo sa April May na summer break.

Q: So aminado rin po kayo na hindi naman pwedeng pwersahin, hindi naman pwedeng i-implement. Oo, may survey ako, majority gusto bumalik pero tayo mismo hindi pwedeng gawin ito agad-agad.

SEN. WIN: Oo kasi tignan mo, kagaya this year. Huminto ang pag-aaral ng around June. Kung ang target natin maibalik next year to April, May ang bakasyon, dapat paghinto ng school year ng June, kaagad mag-aaral na para mapihit natin. Kawawa naman ang bata. Almost two years silang mag-aaral ng tuloy-tuloy. So dapat dahan-dahan talaga yan, hindi natin mabibigla. Nangyari lang naman yan nung panahon ng pandemya. Kung matatandaan natin nung 2020, hindi naumpisahan ang pag-aaral ng June. Nag-umpisa ng klase, almost October na dahil nga sa pandemya kaya dahan-dahan yan ibabalik. Pero pag-uusapan din natin paano yan ibabalik, ano ang kabutihan at kung ano ang transition program.

Q: Umaasa ba tayo Sen. na kapag ganito naibalik na, napalitan na, ay magkakaroon ng improvement o development sa kalidad po ng edukasyon ng mga bata?

SEN. WIN: Makakatulong din yan. Hindi natin, ako hindi ko lang tinitignan kasi ang academic growth ng mga bata. Hindi lang puro pag-aaral, dahil importante rin yung social development. Importante rin yung nakikipaghalubilo, importante naglalaro ang mga bata kasama ang ibang mga bata. Yan nangyayari yan during summer kung saan pwede silang lumabas, pwede silang magbakasyon. At nakita ko na naging kaugalian na natin kaya marami sa atin nagpaplano ng summer vacation, hindi rainy day vacation. Maraming pamilya ngayon hindi nakabakasyon dahil kagaya ngayong bakasyon na, maraming hindi makaalis, hindi makapag Boracay o hindi makapunta ng beach dahil kapag pumunta ka ng Boracay, tag-ulan ngayon doon, habagat, hindi mo mae-enjoy kasama ang pamilya mo.

Honors system

Q: On related issue, sa education pa rin, yung DepEd may matagal na palang patakaran na wala nang valedictorian, salutatorian. Sabi nung DepEd pinare-review din nila. Sa palagay mo ba as chair ng Senate Committee on Basic Education, dapat bang ibalik?

SEN. WIN: Tama ka, Alvin. Magandang topic yan. Kausap ko ang kapitan namin dito sa Valenzuela last week kasi dati nagbibigay ako ng medal sa 1st, 2nd and 3rd honors. Pero tinanggal na yan, ang ginagawa nila lahat ng 90 and above honorable mention. Eh ang dami nun. Minsan umaabot ng 30, 40 hindi na ako nakakabigay ng medals at cash gift dahil ang dami. Nakita ko naman ang punto bakit tinanggal ang 1st, 2nd and 3rd dahil nga ayaw nilang magkaroon ng competition sa mga bata. Dahil nagkakaroon ng parang inferiority complex. Yung mga hindi nakaka-1st, 2nd and 3rd inferior ang tingin nila, mababang kalidad ang tingin nila sa sarili nila. Sa kabilang banda, ang 1st, 2nd and 3rd honor roll tingin ko naman nakaka-develop ng competition, yung competitive spirit kasi gusto mo number 1 ka, dapat mag-aral ka. So may pros and cons ang dalawang konsepto. Nakikita ko na dapat pag-aralan kung ano ang dapat na konsepto at tignan natin kung ano ang maganda para sa bata. Dahil both may pros and cons na dapat nating tignan.

On Maharlika Investment Fund

Q: Yung Maharlika Fund, pinirmahan kahapon ni Pangulong Marcos, kabado ba kayo o kampante ba kayo na maaalagaan ang pondo ng Maharlika Fund?

SEN. WIN: Unang-una, Alvin. Ang layo na ng Maharlika Fund kumpara noong unang ifinile ito sa Kongreso. Kapag makikita natin ang final version, dahil ang final version ito yung Senate version, in-adopt ito ng House. Ang layo layo na. Ang daming safeguards and control. Bigyan ko kayo ng halimbawa. Dati exempted ang Maharlika Fund sa bidding. Pwede silang bumili ng gamit nang walang bidding, hindi dadaan sa procurement laws natin, tinanggal ng Senado yan. Ngayon dapat may bidding. Pangalawa, dapat, nung unang version hindi sila dadaan sa GCG, yung regulatory agency ng sweldo, government agency, ngayon dadaan na sila. Ibig sabihin lahat ng sweldo na pwede nilang ibigay, dapat i-approve muna ng gobyerno. Dati walang ganun. Pangatlo, yung governance structure inayos din para kumbaga mas maganda ang pamamahala ng pondong ito. At pinakahuli at pinakamahalaga, inilagay din ng Senado na bawal gamitin ang mga pension fund sa pag-iinvest, example yung SSS at GSIS. Bawal silang mag-invest dito sa Maharlika Investment Fund. Ang punto ko napakadaming safeguards na inilagay ng Senado para masigurado na hindi mawawaldas at masasayang ang pondong ilalagay dito sa Maharlika Investment Fund.

Q: Sana nga po mag-dilang anghel kayo, kasi marami ang natatakot na makukurakot

SEN. WIN: Ang pinakamahalaga dyan yung taong ia-appoint dahil kung ang ia-appoint dyan let's say management, ay magagaling, tapat ay mayroong integridad ay mababantayang mabuti ang investment fund. So yung quality and integrity ng investment fund ang pinakamahalaga na susunod na hakbang.

News Latest News Feed