Press Release
August 29, 2023

Opening Statement of Senator Risa Hontiveros during the Jemboy Baltazar hearing
Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs joint with Senate Committee on Justice and Human Rights

August 29, 2023

Maraming salamat, Mr. Chair. Isang maganda at ligtas na umaga sa ating lahat.

Nakakalungkot na noong nakaraang hearing, bali-baligtad ang mga sagot ng ilan sa ating resource persons ukol sa pagpatay kay Jemboy Baltazar, taliwas sa kanilang panunumpa sa ating komite.

Pero ika nga sa kasabihan, truth has a way of floating its way to the surface. Ngayon pa lang, lumalabas na ang mga larawan at salaysay na magbibigay sa atin ng kumpleto at totoong pangyayari sa likod ng pagpaslang kay Jemboy.

Mr. Chair, hawak natin ngayong umaga ang dalawang larawan na diumano ay kuha noong araw ng pagpatay kay Jemboy sa Navotas City. Sa unang larawan, kita ang isang tao na naka tactical SWAT gear na tinututok ang kanyang mahabang baril o assault rifle.

Sa pangalawang larawan, kita ang isang grupo ng armadong lalaki kung saan may ilang nakasibilyan, may ilang nakauniporme ng pulis, at may ilang naka full tactical SWAT gear.

Kung totoo ang mga larawang iyan, mukhang mahalaga sila sa pagsagot sa dalawang tanong natin ngayong umaga: Una,sino ang direktang sangkot sa pagkamatay ni Jemboy? Pangalawa, bakit hindi nasunod ang mga regulasyon sa police operations, at biglang pinaulanan ng bala si Jemboy kahit wala itong ginagawang masama?

Uulitin ko lang, napakarami na pong guidelines ukol sa proper use of force sa ilalim ng batas, ng PNP Manual at iba pang regulasyon. Kaya nakapagtataka po: Bakit nga ba nanaig pa rin sa ilang kapulisan ang "shoot first, ask questions later or never" na mentalidad?

Siguro, Mr. Chair, panahon na para higpitan ang parusang kriminal o administratibo sa hindi pagsunod sa mga polisiya para sa accountability during police operations, gaya ng use of body cameras.

Sa totoo lang po, nakakapanlumo na wala pang isang linggo matapos ang ating unang hearing, may panibago na namang kabataan ang napaslang sa kamay ng trigger-happy at abusadong pulis.

Within days, two young lives have been lost at the hands of those who swore to "serve and protect." Nakakapagod na. Ilan bang pamilya ang mawawalan ng anak, magulang, anak, kapatid, o asawa bago matigil ang patayan?

Mr. Chair, maraming tanong na dapat masagot ngayong umaga ukol sa operational lapses o loopholes ng Philippine National Police. Kaya sana ay huwag nating kalimutan - buhay ng kababayan natin ang nakasalalay sa mga prosesong dapat sinusunod ng PNP.

Kasama nating ngayong umaga, via video teleconference, ang ina ni Jemboy Baltazar, si Mrs. Rodaliza Baltazar. Sana, at the appropriate time, ay payagan po siya na mapakinggan natin mamaya ang kanyang salaysay ukol sa sinapit ng kanyang anak, at dinggin natin ang kanyang panawagan para sa hustisya.

Samantala si Sonny Boy, Mr. Chair, sinabihan po kami ng kanyang mga abogado na magiging present po siya sa susunod na hearing.

Alalahanin sana ng bawat isang kasali sa pagdinig na ito: Ang misyong ng PNP ay magligtas ng buhay, at hindi pumatay at mag-iwan ng mga pamilyang nagluluksa. Maraming salamat, Mr. Chair.

________________

Please see attached presentation

News Latest News Feed