Press Release
September 5, 2023

Sen. Robinhood Padilla's Privilege Speech
September 5, 2023

Ginoong Tagapangulo, sa mga iginagalang nating miyembro ng lupon, ako po ay tumitindig sa bulwagang ito upang ilahad ang isang masukal na isyu ng hindi umano'y kaso po, muli na naman, ng "MISTAKEN IDENTITY."

Ang sangkot po ay isang animnapu't dalawang (62) taong gulang, tubong Balo-i, Lanao del Norte na nagngangalang MOHAMMAD MACA-ANTAL SAID.

Nitong nagdaang linggo ay sinundan ng aming tanggapan ang kaso ni Tatay Mohammad.

Araw ng Huwebes, ika-10 ng Agosto, papunta ng Kuala Lumpur, Malaysia si Tatay Mohammad nang harangin siya ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa NAIA Terminal 3 matapos magkaroon ng alert ang kanyang pangalan.

Agad pong inaresto si Tatay Mohammad at ikinulong sa Building 14 ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa, isang temporary detention facility ng National Bureau of Investigation (NBI).

Sa imbestigasyon po, natuklasan ng NBI International Airport Investigation Division (IAID) na mayroong siyam (9) na Warrants of Arrest para sa isang MOHAMMAD SAID aka AMA MAAS na tugma sa pangalan at pagkakakilanlan ni Tatay.

Ang mga hindi mapabubulaanang katotohanan:

Una, makikita nyo po dito G. Pangulo, masdan natin ang larawan ng sinasabing wanted Mohammad Said alias AMAH MAAS sa kaliwa at si Tatay naman sa kanan. Kayo na po ang humusga kung iisang tao po iyan. Tingnan nyo naman po, ay kalayo-layo talaga.

Pangalawa, taong 2018 nang mapagkamalan rin bilang wanted si Tatay pagpababa ng airport galing sa kanyang biyahe sa ibang bansa dahil sa kanyang pangalan. Hinuli at pinosasan din ngunit dahil walang mabigat na dokumento at patunay ay ni-release din kaagad ng NBI.

Pangatlo, mismong National Bureau of Investigation ang nag-isyu ng clearance noong 2018 at 2019 na nagpapakita ng "NO DEROGATORY RECORD" ni Tatay.

Pang-apat, ayon po sa pamilya Said, simula 2001 hanggang Oktubre 2011 ay nasa Saudi Arabia si Tatay, nguni't ang nasabing krimen na kinasasangkutan ni AMAH MAAS ay naganap noong July 2011. At ito po G. Pangulo ang matinding pasabog:

Panglima, taong 2016 pa lamang ay lumabas na ang mga balitang napatay na sa engkwentro si AMA MAAS. Ito po ay engkwentro sa pagitan ng pwersang militar ng gobyerno sa operasyon nila sa Sulu.

Ginoong Pangulo, paanong mapipiit sa bilangguan isang indibidwal na may NBI clearance na "No Derogatory Record," malayang nakalabas-pasok sa bansa ng ilang ulit, wala sa Pilipinas sa panahong sinasabing nangyari ang mga krimen, at higit sa lahat, malayong hindi tumutugma sa itsura ng akusado na ayon po sa mga balita ay pitong taon ng naulat na patay?

Dahil lamang po kapangalan niya yung MOHAMMAD SAID.

Ginoong Tagapangulo, nais ko pong bigyang diin na marami pa ring butas ang ating polisiya sa information-sharing sa pagitan ng mga ahensya. Mayroon po ba tayong teknolohikal na imprastraktura para sa harmonized, integrated at interconnected na sistema ng gobyerno?

Ang pinakamahalagang punto po ay ang pagsusuri ng ating mga sistema at polisiya para sa ating mga ahensyang nagpapatupad ng batas sa pamamagitan ng pagbibigay ng tumpak na kritikal na impormasyon sa paghuli sa mga aktwal na kriminal.

Ang kaso po ng mistaken identity ay hindi makatwiran, hindi makatarungan at hindi makatao. Hindi na po ito katanggap-tanggap lalo na sa panahon na bumubuhos ang technology at innovation. Kung nais nating ibalik ang buong tiwala ng publiko at patatagin ang pundasyon ng isang makatarungang lipunan, wala na pong Pilipino ang matutulad sa kapalaran ni Pilipino ang matutulad sa kapalarang sinapit ni Tatay Mohammad.

Ginoong Pangulo, nakalulungkot po itong isipin sapagka't ito po ay may halong diskriminasyon na inyong pinaglaban sa inyong pinalakas ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. Ito na naman po ay isa na namang lamat, isa na naman itong paguusapan mga kapatid sapagka't tayo po ay pinamumugaran na naman ng mga, maswerte na lang po si tatay at di siya ... ng bala na katulad ng nangyari sa isang bata sa Navotas.

Ito po mahal na G. Pangulo ay nilalapit ko sa ating lupon para mabigyan po ng hustisya ang matandang Muslim na ito na taga Lanao na sa mga oras na ito G. Pangulo ay naghihimas ng rehas. Nakakulong pa rin po siya. Inilapit po namin sa korte ang sabi ng korte kailangan pang dumaan sa proseso. Hindi ko na po maintindihan kung ano bang proseso kailangan e matagal nang patay ito ang suspect na sinasabi nila. Kaya G. Pangulo nasa inyo ang kamay bilang kayo ang ama ng Bangsamoro hinihingi namin ang hustisya para kay Tatay Mohammad. Maraming salamat po.

*****

Video: https://www.youtube.com/watch?v=PX6xUpmGxmw

News Latest News Feed