Press Release
January 22, 2007

Transcript of interview with Senate President Manny Villar

Q: Ano po ba ang mga pahabol na trabaho ng Senado bago mag-eleksyon?

SPMBV: Marami kaming mga inaprubahang panukala on second reading bago mag-bakasyon noong Pasko at ito ang pagbobotohan namin sa muling pagbubukas ng sesyon umpisa sa araw na ito. Yung budget naman, kailangan nang ma-ratify dahil ang pagkaka-alam ko ay matatapos na ang committee report nito. Itutuloy din naman ang pagtalakay sa mga nalalabi pang panukala gaya ng Anti-Terrorism Bill, mga health bills, mga insentibo sa mga foreign investors at marami pang local bills na makakatulong sa pagpapaganda ng relasyon sa pagitan ng Senado at Kamara. Naghahabol kami ngayon dahil tatlong lingo na lang ang nalalabi bago mag-eleksyon at sa nalalabing panahon na ito ay desidido kami na magkaroon ng magandang performance ang Senado sa kabuuan.

Q: Yung anti-terror bill, mahahabol po ba?

SPMBV: Pipilitin natin.Nasa concensus naman iyan ng mga Senador at kung mapagkakasunduan namin iyan ay oras na lamang ang pag-uusapan dahil marami nang amendments and pumasok at itutuloy-tuloy na lang namin ito para matapos na.

Q: Tamang-tama po ito dahil may panawagan ang Malakanyang na iwasan muna ang pamumulitika at mag-focus muna sa trabaho.

SPMBV: Sana hindi na sila masyadong gumagawa ng ganyang panawagan dahil habang ganyan ang kanilang ginagawa, lalong tumatagal ang pagpasa sa anti-terror bill dahil nagpakaba na naman sa mga Senador ang nangyari (suspension) sa mga mayor at iba pang local officials. Subalit, kami naman ay handing makipag-cooperate sa Malakanyang para matapos na ang mga panukalang ito na maganda para sa ating bayan.

Q:So panawagan niyo sa Malakanyang manahimik muna at magkanya-kanya muna kayo ng trabaho

SPMBV: Oo, lalong gumugulo eh.

Q: sa isyu ng pulitika Senator, kasado na po ba ang 3rd foprce dahil laging nababanggit ang pangalan niyo sa 3rd force kahit kasama na ang pangalan niyo sa listahan ng kampo ni dating Pangulong Erap. Ano pop ba talaga Mr. Senator?

SPMBV: Alam mo itong 3rd force, maling pagtawag ito kung saka-sakali mang mabuo ito dahil ang lahat ng pinag-uusapan ngayon ay ang pagbubuo ng pag-simplify ng eleksyon dahil ngayon ay lahat takot sa gastos, lahat ay natatakot na baka sandali lamang ang itagal ng Senado dahil baka ipilit na magkaroon ng chacha.Ito ay ilan lamang sa mga pangamba ng mga kumakandidatong senador kayat minsan ay mga usap-usap na magkaroon ng grupo yung mga malamang na manalo at ito ay hindi 3rd Force, kung matutuloy, ito ay ang pinakamalakas.

Q: Hindi pa po ba kayo sigurado sa kampo ni Erap?

SPMBV: Sa mga nangyayari ngayon, sigurado na. Bagamat, wag din nating sabihing sigurado hanggat hindi nagpa-finalize ang party. Ayokong pangunahan ang bagay na ito dahil sa ngayon ay marami pa kaming pinag-uusapan dahil ang administrasyon naman ay di pa rin buo ang kanilang grupo at mahirap din naman na sumama tayo sa isang grupo na ang objective ay alisin ang Senado. Nakakatawa naman yun.

Q: Nasa listahan ho kayo ng oposisyon pero ang sinasabi niyo, pupwede pang may mangyari bago sumapit ang kampanya?

SPMBV: Pwede pa ring may mangyari. Dito sa oposisyon kasi, very fluid din ang sitwasyon kaya yung tinatawag na 3rd force ay nagbubuo-buo ng mga magkakasama iyan, hindi naman iyan nanggagaling lang sa oposisyon at administrasyon.

Q: Usap-usapan po ngayon ang pagpapalaya kay dating Pangulong Estrada na tinututulan ng ilang taga administrasyon dahil kapag nangampanya daw si Erap para sa hanay ng oposisyon, delikado na ang kandidato nila. Ano ang pananaw niyo dito?

SPMBV: Wala namang problema sa pagpapalaya kay dating Pangulong Estrada. Pinapalaki lang nila iyan. Matagal na rin naman siyang nakakulong at wala pa ring conviction. Sa palagay ko naman, kung hihintayin lang ang conviction, hindi naman kailangang nakakulong habang naghihintay ng desisyon. Simple lamang ang bagay na iyan, at hindi na dapat palakihin pa.

News Latest News Feed