Press Release
March 13, 2007

TRANSCRIPT OF INTERVIEW WITH SENATE PRESIDENT MANNY VILLAR

Kumusta pa ang inyong campaign sorties at pag-iikot sa buong bansa?

SPMBV: Maganda naman. Umiikot ako ngayon sa mga palengke at mga eskwelahan dahil diyan mo talaga makikita ang mga problema sa isang lugar. Sa pakikipag-usap mo sa mga tao ay malalaman mo ang problema sa ekonomiya ng isang bayan.

Ano po ba ang reaksyon niyo tungkol sa nangyaring sunog sa Comelec dahil sa ngayon ay iba-iba ang tingin dito ng mga kandidato ng TU at GO?

SPMBV: nakakaduda ang pangyayari, Linggo nangyari at walang nakakakita. Pangalawa, nakakaduda ang tayming dahil malapit na ang eleksyon at marami ang nagdududa sa kalinisan ng eleksyon ngayon. Ako mismo ay di makapaniwalang ito ay coincidence lamang at walang masamang intension. Napakahirap talagang paniwalaan na ang nangyaring sunog sa Comelec ay aksidente. Bagamat wala akong pruweba at hindi ko mapapatunayan kung tama ako, malakas po sa aking isipan na hindi kapani-paniwalang ito ay aksidente lang.

Will you demand for an inventory sa mga posibleng nasunog?

SPMBV: Definitely hihingi tayo ng imbentaryo nyan. Pero ang problema sa imbentaryo, hindi mo naman iyan magagamit na ebidensiya sa mga kasong hinahabol sa ngayon, ano na lang ang gagawin natin kung sunog na ang mga iyan. Kumbaga, the damage has been done. Kaya maiinis ka talaga at magagalit dahil sobra naman ito. Kahit mag-imbestiga pa tungkol siyan, sasabihin na naman na aksidente lamang ang nangyari. Ang dapat ay magbantay tayo dahil baka may plano na magkaroon ng dayaan sa darating na halalan. Ito ay parang signal na magkakaroon ng dayaan.

Yung mobile unit ng RMN CDO po ay sinunog kaninang madaling araw. Ito ay indikasyon na umiinit ang pulitika sa bansa.

SPMBV: Iyan na nga ang sinasabi ko dati pa. Itong Comelec kasi puro posters ang inaasikaso. Bagamat mahalaga yung tungkol sa postering na iyan, mas mahalagang bantayan ang kalinisan at kapayapaan ng halalan. Iyon dapat ang bigyang atensyon ng Comelec, kung paano masisiguro na magiging malinis ang halalan na ito. Habang tayo ay natutuwa na ginagawa ng Comelec ang kanilang trabaho sa paghihigpit ng mga T-shirt at posters na iyan, dapat ding bantayan ng Comelec ang malinis at mapayapang eleksyon. Dapat iwasan ang mga karahasan dahil masisira ang demokrasya at an gating gobyerno kung lalala ang karahasan ngayong eleksyon.

Ano po ang masasabi niyo sa kasong kinakaharap ni Ka Satur dahil nabigyan na ito ng amnestiya 20 years ago?

SPMBV: Dapat tigilan na iyan dahil parang itinutuloy lang ng gobyerno ang pattern ng paggamit ng ganyang sistema na pagsikil sa karapatang pantao ng ating mga kababayan. Napakarami ng mga hakbang na ganyan halimbawa na ang pagsugpo sa mga nagra-rally, planong pagtanggal sa senado, pagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na dumalo sa congressional inquiry, akusasyon ng political killings. Napakaraming pattern na ganyan sa ngayon, at sana si Ka Satur ay maalis na sa pattern na ito. Dapat iparamdam natin din ang galit ng ating mga kababayan sa mga pangyayaring ito na parang tuloy-tuloy at masyadong lumalakas ang loob ng ating gobyerno sa pagsikil ng karpatang pantao ng ating mga kababayan.

Tungkol naman sa extra judicial killings, pati ang US Congress ay iimbestigahan na rin ito Senator?

SPMBV: Yung imbestigasyon, gusto ko iyan. Idinulog na yan ng mga senador sa International Parliamentary Union at sana ay magkaroon din ng imbestigasyon sa United Nations. Bagamat gustong-gusto kong magka-hearing tungkol diyan, hindi ko yata magugustuhan na ang Amerika ang mag-iimbestiga sa atin. Laban ako diyan sa extra judicial killings na iyan pero hindi rin maganda na isang bansa ang titingin at makikialam sa atin. Sa tingin ko, ang dapat mag-asikaso sa bagay na ito ay ang UN o anumang international organizations na hindi bias na mas tanggap natin. Mahirap tanggapin na ang isang malayang bansa na gaya natin ay iimbestigahan ng isa ring bansa gaya ng Amerika.

Sa kaso po ni ka Satur, hindi po ba ito violation sa policy ng gobyerno of convincing top communist rebels to continue their crusade through parliamentary struggle?

SPMBV: Actually, marami nang bina-violate an gating gobyerno sa ngayon. Nakikita niyo naman kami sa Senado, limang beses kaming dumulog sa SC at limang beses din sinabi ng Supreme Court na mali ang ginagawa ng gobyerno. Pero kahit talo na sa SC, tuloy pa rin ang lakas ng loob ng mga ito at nako-convince pati na ang mga maliliit na opisyal ng gobyerno ay gumagawa na rin ng violation. Nakakatakot ang bagay na iyan dahil baka dumating ang panahon na ma-out of control ang mga iyan at maging si PGMA ay din a makontrol ang sitwasyon. Masisira ang sistema ng ating gobyerno at demokrasya.

Ano po ang masasabi niyo sa pagkakahuli ng 3 taong nangongopya ng serial numbers ng mga balota sa NPO?

SPMBV: Kaduda-duda iyan kagaya ng nangyaring sunog sa Comelec. Dapat, maging transparent na lang ang lahat para masigurong malinis ang eleksyon, dahil kapag hindi naging katanggap-tanggap ang eleksyon na ito, malaki ang magiging epekto nito sa ating kinabukasan.

News Latest News Feed