Press Release
April 24, 2007

Transcript of interview with Senate President Manny Villar (DZMM)

Ano po ang reaksyon niyo sa sinasabing pag-aatubili ngayon ng mga peace corps volunteers na pumunta sa Pilipinas?

SPMBV: Hindi natin maiaalis na marami ang matatakot dahil sa nangyari kay Julia Campbell, pero mayroon din namang titingin diyan na ito ay isang pangyayari lamang at hindi talaga karaniwang nangyayari dito sa atin. Kaya lang, dapat maghanda tayo sa kung anuman ang mangyayari. Dapat bigyan agad natin ng hustisya si Ms. Campbell. Yun na lang ang magagawa natin para maipakita sa buong mundo na iyan ay isolated case at kaya nating bigyang hustisya agad iyan. Kaya nga lang, ito ay nasabay doon sa nangyari sa Sulu, baka ito ito ay mabigyan ng masamang kombinasyon ng intriga ng ibang bansa.

Naalala ko tuloy yung nangyari kay Grace Burnham na dinukot din ng Abu Sayyaf.

SPMBV: Iyon ang nakawasak sa ating turismo. Wala kasi talagang makakapagsabi kung ano ang magiging epekto. Di talaga maganda ang epekto ng mga ganyang pangyayari, ang kwestyon na lang ay kung gaano kasama ang tama sa atin. Sana ay hindi masyado at ito ay mangyayari lamang kung mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Ms. Campbell at mahuhuli agad yung pumatay sa kanya. Pag hindi nangyari iyan, malaki ang problema natin.

Palagay po ba ninyo, may kakulangan din ang gobyerno na mabigyan ng proteksyon ang buhay ng mga peace volunteers na ito, Mr. Senator?

SPMBV: Dapat naman talaga ay bigyan ng dagdag na pondo an gating AFP at pulisya. Kulang na kulang ang ating budget para sa mga departamento na iyan at kulang din sa tao. Hindi rin nila magagampanan ng husto ang kanilang mga tungkulin.

Napabalita nga ilang araw lamang ang nagdaan, parang nasisita ni Sec. Raul Gonzales itong si Campbell na lumalakad nang mag-isa

SPMBV: Huwag naman, although sa ibang bansa hindi rin naman dapat lumalakad kang mag-isa.Siguro,bigyan natin ng warning ang mga peace volunteers para magkaroon sila ng konting guidelines. Pero sa kaso ni Ms. Campbell, di na siya dapat sisihin dahil namatay na nga iyong tao, dapat bigyan na lang agad ng hustisya ang kanyang pagkamatay.

Nababanggit niyo yung pondo ng AFP modernization, mula noon hanggang matapos ang inyong session sa Senado, hindi pa po ba iyon nare-release Mr. Senator?

SPMBV: Hindi na-implementa iyan. Matagal ko nang itinutulak iyan, subalit nagkaka-problema talaga ang implementasyon niyan, siguro sa kakulangan na rin ng pondo. Pero ngayon namang malaki na ang koleksyon natin sa VAT, at sa nangyari sa Sulu at kay Ms. Campbell, malinaw na talagang dapat nang i-modernize ang AFP at ma-release na in full ang pondo. Kailangang-kailangan ito at malaking bagay ito sa paglutas ng mga krimen, although para sa AFP pa lang ito at hindi pa kasama dito ang pulisya. Pero sa akin, dapat ding ma-modernize na rin ang PNP at i-upgrade ang kanilang mga gamit dahil kulang ang kanilang baril, at ang mga crime laboratories natin ay napag-iiwanan na ng ibang bansa.

Naniniwala ba kayo na kaya nang pondohan ng 12% collection mula sa EVAT ang hakbang na ito Mr. Senator?

SPMBV: kaya na.At ngayon nakikita natin na ang epekto ay hindi lamang sa katahimikan ng ating bayan at kapanatagan ng ating kalooban kundi sa turismo na napakalaking pera din ang ini-aakyat sa atin ng mga investors. So yung pondong inilalagay natin sa pulisya at AFP ay nakakatulong hindi lamang sa kaligtasan ng ating mga kababayan kundi pang-attaract din ng investment at panghatak ng mga turista na magpunta sa ating bansa.

Nabanggit niyo ang pondo, ito naman ay pera ng mga pamilya na ang kanilang pasyente ay nasa ospital at mismong sila ay sa pribadong ospital napunta ngunit di makalabas dahil sila ay idine-detain sa ospital dahil walang pambayad.

SPMBV: Naiintindihan natin na nababahala yung mga hospital owners. Subalit, di naman tama na gipitin tayo ng sinuman at iyan ay ipinagbabawal na ng batas. Hindi na pwedeng magdetain ng pasyente, pero obligado din ang mga pasyente na mag-isyu ng promissory note, ngunit ang pag-detain sa pasyente ay isang practice na hindi na pwedeng gawin ngayon at walang lugar sa isang democratic country. Willing naman kaming pag-usapan kung anong mga benepisyo ang maaaring maibigay sa mga hospital owners, ngunit sa ibang bagay. Ngunit, itong pag-detain ng mga pasyente, hindi na pwede iyan.

Pero mahirap din naman na sa pamamagitan lamang ng promissory note ay pakakawalan na niya ang pasyente pero di rin naman siguradong makakabayad sa ospital. Paano naman ang existence ng mga ospital?

SPMBV: Hindi naman lahat ay apektado niyan. Doon naman sa mga ospital na mamamahalin ay hindi apektado nito. Yung pag-detain, bawal talaga. Naiintindihan natin na mahirap ang koleksyon ng bayad subalit ang pag-detain po ng mga pasyente ay labag na po ngayon sa batas.

News Latest News Feed