Press Release
August 22, 2007

Transcript of interview over DZRH (Damdaming Bayan
with Joe and Karen) with Senate President Manny Villar

Q: Tuloy na ba talaga ang imbestigasyon tungkol sa muling pagbubukas ng kaso ng Hello Garci?

SPMBV: Kasi diyan sa Senado, kapag merong nag-file ng resolusyon diyan, kami ay obligado. Kahapon nga sa dami ng mga committee na gustong pagpasahan nito ay napagkaisahan na maging Committee of the Whole na lang o buong Senado at ire-reopen din namin ang kaso. Titingnan muna namin kung anong mga ebidensya ang nasa sa aming kamay ngayon.

Q: Ano po ang maaaring asahan ng ating mga kababayan tungkol dito sa naturang imbestigasyon, Mr. Senate President?

SPMBV: Kami ay tutuloy nang normal. Siguro baka mag-hearing kami next week. Titingnan namin kung maririnig namin next week ang testimony ng witness ni Senator Lacson na si Sgt. Vidal Doble. Ako ang magko-conduct siguro nito, bilang Committee of the Whole. Ngayon medyo maluwag pa ang Senado dahil wala pa naman kaming masyadong ginagawa, nasa committee pa iyong ibang mga panukala. Magpo-focus lang ang Senado ngayon sa imbestigasyong ito at sa JPEPA.

Q: Ibig sabihin, the soonest possible time, maaaring mapasimulan na ang imbestigasyon?

SPMBV: Hindi naman ganoon kabilis ang ibig kong sabihin. Tama lang iyong pacing na halimbawa, next week. Hindi naman namin minamadali ito. Hindi namin ipo-postpone iyong iba naming trabaho para dito pero hindi naman kami magde-delay, babalansehin namin.

Q: Siguro dapat i-priotize din natin, baka mamaya mawala din itong mga testigo na ihaharap ni Senator Lacson.

SPMBV: Iyon ang uunahin namin dahil sa nakiusap si Senator Lacson na unahin na ang mga testigo niya dahil sa mahalaga ang testimony nun. Iyon siguro ang uunahin namin. Iyon ang medyo may pressure.

Q: Senate President, paano n'yo po bibigyan ng seguridad itong mga pamilya po ng mga testigo para po naman ay makapagsalita po talaga sila. Meron po bang kinalaman ang Senado dito sa pagbibigay ng proteksyon sa kanila?

SPMBV: Sa ngayon, hindi pa naman sila humihingi ng proteksyon sa Senado. Sa amin naman kung hindi humihingi, hindi naman kami nagbo-volunteer na magbigay. So far, wala pa namang humihingi sa amin kaya hindi muna kami nagbo-volunteer magbigay.

Q: Pero we must remember kung ano pa ang nangyari noong nakalipas na imbestigasyon, na si Doble noon ay nasa seminaryo. Nang lumitaw ang kanyang pamilya, biglang-bigla nagbago ang kanyang desisyon.

SPMBV: Maraming mga pangyayari noong nakakaraang mga hearings at lahat iyan ay sariwa pa sa aming isipan. Pipilitin namin na maging mas maayos itong isang ito.

Q: Saka siguro, matuto tayo doon sa mga naging karanasan natin noong mga nakalipas na pagkakataon na kinakailangang i-secure siguro hindi lamang si Doble kundi pati na rin ang kanyang pamilya bago maumpisahan ang imbestigasyon.

SPMBV: Mahalaga iyan. Diyan naman si Senator Lacson naman ay magaling sa bagay na iyan.

Q: Wala pang possibility na within the week mag-umpisa na ang hearing tungkol dito?

SPMBV: Meron kasi kaming three-day rule, kinakailangan kasi mabigyan muna ng impormasyon iyong mga miyembro na maghi-hearing. Gayon pa man, Wednesday ngayon, titingnan ko kung merong pakiusap na mag-conduct ng hearing ng Friday. Alam mo naman Joe na hanggang Thursday lang ang aming pasok subalit kung merong special request ang mga miyembro, wala naman akong problemang pumasok sa Friday. Kaya nga lamang, iyong mga miyembro na medyo nagsasabi na baka puwedeng Monday o Tuesday na next week.

MORE

Q: Ano ang naging reaksyon ng inyong mga kasamahan sa Senado kaugnay nitong privilege speech ni Senator Lacson kahapon?

SPMBV: Iba-iba ang naging reaksyon. Syempre merong nagsasabi na baka maubos ang oras natin dito, merong nagsasabi na mabuti naman at nabuksan uli. Medyo mixed ang atin pong reaksyon dito pero ang maliwanag na consensus ay obligado naman kaming imbestigahan ito.

Q: Ito po ba ay open po of course, sa media at kahit sino pong gustong makinig, puwedeng-puwede po? Open po ang Senado para sa mga taong interesado po?

SPMBV: Open naman kami, depende lang sa limitasyon ng espasyo. Kami naman normally, nagpapapasok din kaya lamang talagang may space limitation iyan. Baka biglang dumagsa ang tao sa amin, maliit lamang po ang conference room ng Senado. Subalit ang media ay nandoon at iyong mga importanteng bisita, siguro magiging first come first serve iyan. Iyong media, definitely open iyan.

Q: Isa pang mahalagang paksa na tatalakayin ng Senado ay itong ratification ng JPEPA.

SPMBV: Iyan pa ang isa sa prayoridad namin sapagkat kailangan na ring disisyunan ito kung tatanggapin o hindi. Pero natanggap na namin kahapon ang opisyal na transmittal ng Malakanyang. Noong mga nakakaraang panahon, bagamat pinag-uusapan iyan, wala pa sa Senado officially ang treaty na iyan subalit kahapon ay dumating na iyan so officially puwede na kaming magsimula ng hearing.

Q: Meron po bang timetable o deadline ang Senado para dito o number of days within which to ratify or approve the agreement?

SPMBV: Wala naman. Hindi kami nagbibigay ng deadline na ganyan. Ang magha-handle nito ay ang Committee on Foreign Relations at depende na iyan sa chairman.

Q: Senate President, marami po kasing nababahala tungkol po sa gagawin umano, dati pa ito, na gagawing dumping site ang Pilipinas ng mga basura ng Japan kahit po international organizations ay talaga pong umaalma dito.

SPMBV: Ang sinasabi ng DTI sa amin, wala na iyong mga ganyang probisyon at talagang may batas din ang Japan na hindi makakapag-export ng toxic waste dito. Bagamat gusto naming makarinig talaga ng opinion galing sa mga eksperto at hindi sa DTI at nakiusap kami na magpadala ng mga eksperto para naman sila ang magsabi sa amin ng mga bagay na iyan. Ayaw naman namin na tanggapin lamang basta-basta iyong opinion ng DTI. Pero ang ipinangako naman namin sa DTI ay bibigyan naman namin ng balanseng pakikinig ang JPEPA. Kasi aktibo rin itong mga environmentalists naman laban dito kaya babalansehin namin ang pakikinig rito at titingnan namin ang magkabilang-panig. Hindi namin aaprubahan ito kung maliwanag na meron tayong posibilidad na makakapasok ang toxic waste dito.

Q: In other words, titimbangin ng Senado ang advantages at disadvantages ng mga probisyon ng naturang agreement?

SPMBV: Iyon ang titingnan nating mabuti. Mahalaga rin kasi na bukas ang mata natin sa pagtingin dito. Kasi meron ding umaasa sa kabilang panig naman, bagamat aktibo ang mga environmentalists, sa kabila nandyan naman po ang umaasa naman na mga

Q: Sektor na makikinabang

SPMBV: Oo, sa Japan at iyong mga pupuntang nurses doon. Iyon ang mga medyo umaasa naman. (end)

News Latest News Feed