Press Release
August 23, 2007

Transcript of interview with Senate President Manny Villar
(Dos Por Dos with Gerry Baja and Anthony Taberna)

Q: Mr. Senate President, nagsisitmiyento po ang ilang mga congressman ngayon pong budget season na naman, kanila pong napagdidiskitahan ang malaki daw po ninyong pork barrel. In the first place, magkano po ba talaga ang allocation sa Priority Development Assistance Fund sa bawat isang senador ngayon pong taong ito?

SPMBV: Hindi pa namin alam iyan. Ang totoo diyan, hindi naman lahat ay nari-rilisan. At depende iyan, hindi kami nakakasiguro ngayon sa mga proyekto na puwede naming i-identify dahil sa ang Malacañang ang nagdedesisyon diyan. Minsan may P120 million na pinapa-release niya sa amin subalit kapag medyo lumalaban sa Malacañang ay hindi nari-rilisan. Kaya doon sa katanungan mo kung magkano iyan, depende iyan. Sabagay, it's a practice na sa amin naman ay hindi kami nagpipigil sa aming mga stand diyan. Kung kami ay nago-oppose, nago-oppose pa rin kami. Kung kami ay sumasang-ayon, sumasang-ayon kami walang kinalaman sa pork barrel na iyan.

Q: Sinasabi po kasi nitong mga kongresista, hindi man lang umaabot sa pork barrel ng mga senador ang pork barrel ng mga kongresista. Bakit daw ganoon, pareho lang daw ang trabaho ninyo at sila nga ang merong direct constituents?

SPMBV: Actually naman, itong sa Senado ay nationwide at 220 ang distrito sa Pilipinas. Bagamat sa akin naman, kung nandiyan iyan ay okay lamang. Alam mo marami ring humihingi sa akin na proyekto, mga congressman at pinagbibigyan din natin iyan. Kung sino lamang ang humingi, binibigyan natin halimbawa, sa mga ospital. Karamihan kasi mga ospital ang pinagbibigyan. Sila ay nangangailangan din. Ngayon nga napakaraming ospital ang humihingi sa atin ng mga project. Sabi natin hindi naman sigurado kung makakakuha kami this year. Subalit sa dami po ng nangangailangan ngayon, wala namang halaga na makakasapat. Subalit sa akin, ang mahalaga kung saan dadalhin iyan at maipapaliwanag ng bawat isang mambabatas.

Q: Si Congresswoman Cynthia Villar po ba kapag kayo ay nagkakasama sa bahay hindi kayo binibiro na bakit mas malaki ang pork barrel ninyo sa Senado?

SPMBV: Hindi naman. Actually nga binibiro ako ng wala ka namang nakukuha diyan, e. Ang totoo niyan, madalas din naman tayong walang release. Hindi naman kami naghihintay dahil sabi nga namin, ang problema ay iyong project ang naghihintay sa amin at naaawa na rin kami, halimbawa dito sa PGH, Kidney Center, Las Piñas General Hospital, minsan naman talaga may mga pasyente na umaasa lang sa mga bigay din namin. Sinasabi namin ang totoo. Iyan naman ang problema din. Subalit nauunawaan din namin na kapag ganyang mahirap ang bayan, walang sapat na halaga para dito sa mga bagay na ito kaya minsan din may mga ganyang salita na malaki doon, maliit iyon. Kaya mahalaga rin sa aming mambabatas na piliing mabuti kung saang proyekto ang ia-identify nila. Dapat maging transparent iyan nang sa ganoon ay hindi naman sumasama ang image niyan sa ating mga kababayan.

Q: Kung meron ho palang dapat magalit o magtampo ay iyong mga hindi nari-rilisan na sinasabi ninyo. Karamihan sigurado diyan ay mga taga-oposisyon. Meron na ho ba kayong nagawang sistema o may gagawing sistema para dito sa 2008 budget para hindi mangyari iyon na kapag taga-oposisyon ka, hindi iri-release ang pork barrel mo samanatalang iyong mga taga-administrasyon sumusobra pa doon sa allocation nila?

SPMBV: Hindi ko alam iyang sumusobra. Alam mo dito, hindi mo naman nalalaman talaga kung ano ang nangyayari, nari-rilisan sila o hindi dahilan sa iyan ay sa Department of Budget and Management. Gustuhin man naming gumawa ng sistema at hindi kami makakagawa dahil sa sasabihin mo hindi naming ipapasa ang budget kapag hindi kami mari-rilisan. Iyan ay hindi rin naming puwedeng gawin dahilan sa kawawa rin naman ang iba't ibang departamento na umaasa sa budget. Kaya kami naman, kung okay na ang budget, maski na hindi kami nari-rilisan, pumapayag na rin kami sa kadahilanang masama naman sa ating bansa ang walang budget.

Q: Para ho wala nang selosan, tanggalin na kaya lahat iyang pork barrel?

SPMBV: Puwede rin. Alam mo sa mga senador naman, marami rin sa amin ang puwede ring gustuhin iyan dahilan sa mas marami sa amin talaga ang humihingi kaya lamang kapag nalaman na meron ka o ikaw ay nabibigyan, pinupuntahan ka pa rin. At kapag nalamang puwede kang humingi, hindi ka na puwedeng tumanggi. Pero kung talagang magkakaroon ka ng ganyan, puwede rin. Kaya nga lamang, ito nga ang pinapaliwanag ko, kapag hindi naming kinuha iyang mga proyekto na iyan, pupunta iyan sa Pangulo. At ibibigay mo sa pangulo ang karapatan na ang Pangulo na lang ang pipili. Pero dito, alam mo naman na nirerespeto ko ang opinion ng mga congressman. Alam mo sa mga local district talagang mahalagang-mahalaga sa kanila ang pork barrel. Pero sa akin, ang Pangulo ang magdedesisyon niyan. Kunwari hindi ninyo kinuha ang inyong pork barrel, binibigay ninyo sa Pangulo ang discretion kung saan dadalhin iyan.

Q: Hindi ba kung okay naman ang presidente, ayos lang din na sila na ang maga-allocate?

SPMBV: Kapag okay naman ang presidente, maganda naman iyan. Pero nasa opinion mo iyan kung okay ang presidente.

Q: Ano ho ba sa opinion ninyo, okay ba ang presidente?

SPMBV: Eh humihingi pa ako. Kung ibibigay ko na lang sa pangulo, hindi naman. Ang totoo niyan, kung wala namang humihingi sa akin, hindi ko rin naman hinihingi. Kapag may lumalapit, nire-refer ko na directly.

Q: Pero kung ang mga mamamayan po at pati na rin ang mga local na opisyal ay alam na wala namang pork barrel itong senador na ito o congressman na ito, tiyak namang hindi na hihingi.

SPMBV: Puwede rin. Alam mo ang ginawa ko diyan, nilimitahan ko lang ang puwedeng pagdalhan ng pork barrel, halimbawa, iyong mga project na puwedeng i-identify pero classroom lamang o sa ospital lamang. Puwede rin naman ang ganoon na i-identify mo lamang ang puwedeng pagbigyan. Kung lahat naman ay makakapag-identify pero classroom lang ang ia-identify, okay na rin at malulutas ang problema ng classroom backlog.

Q: Makikibalita ho kami sa Garci Part II, meron na ho bang consensus kung kalian sisimulan iyong Committee of the Whole?

SPMBV: Sa Martes pag-uusapan sa Rules iyan. Inaasahan ko naman na tututol iyong ibang mga senador sa proposal na alisin at hindi mag-hearing diyan. Ang nililiwanag ko lamang, ang aking patakaran bilang pangulo ng Senado ay wala akong pipigilang imbestigasyon sa Senado. At iyan naman ay atin nang matagal na sinasabi na ang Senado ay magiging independent at itutuloy ko ang pagiging independent niyan. Kung merong resolusyon at tama naman ang resolusyon, iyan ay itutuloy natin ang imbestigasyon.

Q: Hindi ho ba kayo natatakot na kung sakali po at suportahan ninyo ang imbestigasyon dito sa Hello Garci scandal ay kayo po ay iwanan nitong mg administration senators na tutol na tutol na gawin po ang imbestigasyon?

SPMBV: Hindi naman siguro. Sa palagay ko ay maiintindihan nila iyan. Ako naman kapag prinsipyo, sinusunod natin iyan. Syempre mauunawaan naman nila iyan, halimbawa itong sa Garci. Kaya lang naman ito nabi-bring up kasi wala pang closure ito. Hindi pa nasasara itong issue na ito. Sabi ko nga, parang pigsa iyan. Kapag hindi pa naaalis ang mata, talagang babalik iyan. Kaya siguro maganda na may closure na rin. Kaya walang kadahilanan iyan. Ang Senado naman ay maayos naman diyan at palagay ko, igagalang ng bawat isa ang magiging pwesto ng bawat isnag senador.

Q: Aabot ho kaya sa punto na magbobotohan ang mga senador at magpaparamihan kung sino ang may gusto?

SPMBV: Palagay ko aabot diyan. (end)

News Latest News Feed