Press Release
August 29, 2007

Transcript of interview with Senate President Manny Villar
(DZMM, Angelo Palmones)

Q: Bago po natin pag-usapan ang Committee of the Whole, quick reaction lang po doon sa ating ginawang talakayan. Nakakabahala po ito dahil malaking pondo po ang nakalaan para dito sa Biofuels project na ang pangunahing panggagalingan ay jatropa?

SPMBV: Ito kasing biofuel ay maraming research pa ang kinakailangan. All over the world, may mga pagbabago tayong nakikita at ito ay dapat nating sundan. Maraming mga issue rito kamukha nung sa pagkain. May mga tanim kasi na malakas kumain din ng tubig. Ito ay isa ring issue na kanilang itinataas. Kaya bagamat tayo ay tumitingin dito bilang isang malaking source ng fuel, alalay tayo sa mga bagong findings sa ibang parte ng mundo.

Q: Alam naman namin ang malasakit ninyo sa magsasaka, bilang dating chairman ng Senate Committee on Agriculture, hinihimok na po nating magtanim ngayon ng jatropa itong ating mga kababayan na sinasabi nga ni Dr. Dar, baka hindi ito ang tamang variety? Nakakatakot.

SPMBV: Nababasa ko rin iyan at meron ngang nagsasabi ng mga ganyan kaya urong-sulong tuloy ang ating mga kababayan dito. At maging kami ay nalilito sa mga nangyayari po ngayon. Kaya ang dapat na gawin dito ng agriculture department ay maglabas na talaga ng statement dito. Sa akin lang opinyon, bagamat mga eksperto rin ang mga nagsasalita, ay may kanya-kanyang bagay sa mga bansa. Kaya iyon ang dapat nating sundan, kung ano ang bagay dito sa atin.

Q: Oo nga, kasi kung hindi naman talaga adaptable, hindi dahil sa successful ito sa India, ay pupuwedeng masabing successful din dito sa Pilipinas. Dahil iyong adaptability ng halaman, gaya nga ng ipinapaliwanag ni Dr. Dar being an agricultural scientist.

Ito pong Committee of the Whole, ibig sabihin nito, magkakaroon kayo ng schedule every week para duminig dito sa Hello Garci controversy?

SPMBV: Wala pa kaming mga rules sa imbestigasyon na ito. Mamaya nga matutuloy ang aming all-member caucus. Kahapon kasi nag-deliver ng privilege speech si Sen. Defensor, nagkaroon ng mga interpellation at napagkaisahan namin na ngayon na lang pag-usapan iyan. At kung iyan naman ay mare-resolbe namin ngayon, normally may three-day notice kaming kailangan, Monday or Tuesday of next week ay pwede naming i-schedule. Pero iyan ay pag-uusapan siguro namin mamaya kung ano ang mga rules ng imbestigasyon. Iyan kasi ang aming patakaran sa Senado, tatapusin ang mga rules kagaya ng gaano kadalas ang meeting at ano ang coverage ng imbestigasyon. Iyong mga detalye pong ito ang pag-uusapan namin mamaya.

Q: Ang isang apprehension ko lang kasi, Mr. Senate President, the last time na nagkaroon po tayo ng ganitong pagdinig, medyo nabalam po ang activities ng Senado, naapektuhan ang pagdinig sa iba't ibang mga pending na bills. With the entire Senate convening as a Committee of the Whole, hindi ho naman kaya maapektuhan ang ibang pending bills?

SPMBV: Iyan ay nasa isipan ko na. kaya lamang ako ay talagang hindi naman papayag diyan sapagkat mahalaga sa akin ang produksyon ng Senado at marami talaga tayong mga pending bills na naka-pila. Sinabi ko naman sa ating mga kasamahan na anumang imbestigasyon na gagawin namin, kinakailangang iyan ay karagdagang oras at mago-overtime kami. Hindi namin gagawin iyan sa pangkaraniwang oras na ginagamit namin para sa pagpasa ng mga panukala. Kaya nais kong sabihin sa ating mga kababayan na huwag po silang mag-alala, tuloy-tuloy rin po ang mga hearing ng mga ibang committee at iyan po ay tatalakayin namin sa plenary. Ang plenary ay hindi namin isasabay sa imbestigasyon.

Q: Posible kaya na gawin ito ng weekend?

SPMBV: Thursday, Friday ang pwedeng pagdausan nito sapagkat wala naman kaming sesyon ng Thursday, Friday o kaya sa umaga dahil ang sesyon naman ay alas-3 ng hapon. Puwedeng gawin iyan sa alas-10 ng umaga. (end)

News Latest News Feed