Press Release
November 19, 2007

Transcript of interview of Senate President
Manny Villar with Senate reporters

Q: I understand you are going to issue the advisory for the five-day work week?

SPMBV: Pag-uusapan muna bagaman pinag-aaralan naming mabuti iyan dahil sa maraming request ang mga senador na dumarami ang trabaho. Ito ay kasama sa programa para higit na maging masipag ang Senado kaya iyan ay ating pag-aaralan para maibalik na ang normal na schedule natin.

Q: This is specifically for the budget?

SPMBV: Para sa mga budget hearings at hindi lamang sapagkat maraming trabaho. Lalagyan namin ng mga specific na linggo na 5-day week ang trabaho.

Q: Paano ang session, hanggang Wednesday?

SPMBV: Maari, pero tuloy pa rin ang trabaho kapag Thursday at Friday marami ring mga naghi-hearing kaya maraming nakikiusap na ibalik sa dati at nang makapareho na tayo ng mga ibang government agencies.

Q: On the security meeting

SPMBV: Pinag-usapan kanina ang security ng kongreso-- Senado at House of Representatives at nakita namin doon na malaki na ang ibinaba ng security na normally ay ibinibigay sa atin ng AFP at police. Dati iyan ay 500 ang naka-assign sa dalawang kongreso subalit ngayon ay mga 150 na lamang o minsan 140. Talagang kulang na kulang ang ina-assign na police ng ating PNP. Kaya gagawa kami ng pakiusap na dagdagan at baka kailangang dagdagan din natin ang budget ng Senado at ng House of Representatives. Kailangan na ring maghigpit dito dahil sa talagang ang threat ay totoo at nakikita namin na even sa Senado ay maraming kakulangan at medyo mahirap na rin. Mukhang maraming dapat gawin na hakbangin para maging safe ang Senado.

Q: On the option for legislative police force...

SPMBV: Isang option iyan na titingnan nating mabuti. Magpapadala kami ng isang team, iyong ating Sergeant-at-Arms, para tingnan iyong mga kapit-bahay natin na bansa para tingnan kung paano ang ginagawa nilang security sa kanilang parliaments para magkaroon tayo ng ideya kung paano ang gagawin. Meanwhile, magiging napakahigpit ng Senado at ng Mababang Kapulungan sa mga darating na panahon para maiwasan natin ang gulo.

Q: Sa simula lang?

SPMBV: Hindi siguro. At ako mismo bilang pangulo ng Senado, sisiguraduhin ko na hindi ningas kugon ito. Hindi lamang para sa miyembro ng Senado, kundi bilang proteksyon din sa institusyon at lahat ng mga nariritong kasamahan, kasama na ang media.

Q: Iyong mga hearings na controversial, sa tingin ninyo added threat?

SPMBV: Mas maganda siguro ay i-assume na lang natin na everyday may posibilidad dahil kapag sinabi natin na paghahandaan natin ang mga kontrobersyal na hearing ay hindi doon gawin baka sabayan nila iyong wala, iyong hindi kontrobersyal.

Q: Sabi ninyo may real threat, meron po bang info?

SPMBV: Hindi naman. Subalit iyong nangyari sa Mababang Kapulungan, talaga namang tahasang paghamon iyan. Kapag hindi natin naman hinigpitan ang Senado, wala tayong masisising iba.

Q: On Wahab Akbar as target

SPMBV: Hindi ko pa naman tinatanggap na si Wahab Akbar lamang ang target noon. Maaring hindi lamang ganoon kasimple iyan. At maski siya ang target ng nangyaring iyon, isa pa rin siyang miyembro ng institusyon at maraming tinamaan, maraming namatay, maraming nasugatan. Ang nangyaring iyan sa Mababang Kapulungan ay posibleng mangyari din sa Senado at ayaw nating mangyari iyan.

Q: Anong paghihigpit ngayon ang ginagawa?

SPMBV: Marami tayong hakbangin na gagawin ngayon. Ang dami ng mga ia-assign natin na guwardiya ay baka dagdagan natin at syempre, paghihigpit sa pagdalaw dito. Alam natin na maraming dumadalaw dito na hindi naman kailangan.

Q: May request ba sa inyo ang mga senador na magdagdag ng security?

SPMBV: Maraming senador ang kumakausap sa akin. Ngunit hindi lamang iyan. Iyan ay obligasyon natin bilang pangulo ng Senado na pangalagaan ang institusyon.

Q: Paano ang maraming entry points, babawasan n'yo ba iyon?

SPMBV: Maaaring bawasan ang entry points at higpitan, halimbawa sa garahe, medyo marami ang pumapasok at iyon ang dapat mahigpitan. Dahilan sa iyan ang naging halimbawa sa Mababang Kapulungan, ang bomba ay nilagay sa isang motorcycle at posibleng mangyari rin iyan dito.

Q: Iyong field trip ng mga estudyante...

SPMBV: Kailangang pag-aralan iyan. Baka kailangang gumawa rin tayo ng isang opisina na nasa labas ng building para ma-accommodate ang ibang guests ng ating mga senador para hindi makalagay sa panganib sa atin dito sa main building.

Q: Limitado na rin ang mga pupunta sa rooms ng senador?

SPMBV: Yes, definitely iyan ang unang-unang lilimitahan natin.

Q: Iyong paggamit ng protocol plate 7...

SPMBV: Actually hindi pa namin napag-usapan iyan. Hindi pa tapos ang detalye sa mga gagawin nating mga hakbangin. At ayaw ko namang sabihin lahat ang mga gagawin namin sapagkat baka mapaghandaan din.

Q: Si Neri baka daw hindi dumating sa hearing?

SPMBV: Iiwan ko iyan sa committee kung ano ang balak nilang gawin basta nag-issue naman kami ng subpoena at kung hindi darating ang sinuman na inisyuhan ng subpoena ay bahala na ang committee sa kanilang susunod na aksyon. Pero palagay ko hindi ako magugulat diyan. Siguradong maga-avail ng executive privilege iyan kagaya ng mga sinabi niya noong una.

Q: Dapat ipa-contempt iyan dahil several times na?

SPMBV: Tingnan muna natin. Ang subpoena ngayon pa lamang ginawa kaya unang beses pa lang. (end)

News Latest News Feed