Press Release
November 23, 2007

Transcript of interview with Senate President Manny Villar with DZXL

Q: Gusto n'yo raw ipagbawal ang mga baril na laruan. Paano naman ang mga bata?

SPMBV: Alam mo noong bata ako, meron kaming baril-barilan pero mukhang laruan talaga. Pero itong nakita ko kahapon ay talagang mukhang totoo talaga. Pati kulay, lahat, pati halos ang bigat.

Q: Puwede na ring ikasa at lagyan ng bala?

SPMBV: Alam mo kapag tinutukan ka, hindi mo talaga malalaman. Nakakatakot din. Kaya nung makita ko ito dahil ako ay nagtitingin ng mga Christmas lights na balitang sumasabog at baka panimulan ng sunog, nakita ko itong mga ito. Nabahala ako kasi nababahala rin ako sa cellphone snatching at tinaasan namin ang parusa diyan pero dahil sa mga ito, baka maraming makaisip kaya mahalaga na habang maaga pa, ipagbawal na ito.

Q: Bilang isa sa pinaka-powerful na opisyal ng ating bayan bilang Senate president, ano po ang balak ninyong gawin, kayang-kaya n'yo po siguro itong ipagbawal talaga?

SPMBV: Puwede namang pakialaman ng DTI iyan. Dalawang bagay ang gusto kong gawin. Unang una ay makikipag-ugnayan ako sa DTI para dito, i-implementa nila agad. Subalit meron din akong panukala na inihain para mas maliwanag at mas mahigpit ang parusa dito sa mga ganito na magko-cover hindi lamang sa mga toy guns kung hindi sa pangkalahatang laruan na. May mga laruan din naman na delikado sa mga bata. Iyong mga labeling, aayusin lahat ito. Right now mahalaga na habang wala pa ang batas na iyan ay alisin muna natin ang mga baril na ito.

Q: Maraming magtatampo sa inyo lalo na iyong mga nagbebenta...

SPMBV: Merong mga baril na mukha talagang laruan. Noong bata ako nagbabaril-barilan kami.

Q: Iyong kahoy na pinapaikot-ikot, iyong takatakatak...

SPMBV: O iyong plastic. Alam mo talaga na laruan.

Q: O iyong nilalagyan ng tubig, maganda rin iyon. Huwag naman iyong mukhang uzi talaga.

SPMBV: Para talagang replica, kuhang-kuha.

Q: So nagulat kayo, senador noong makita ninyo ito?

SPMBV: Oo akala mo tunay talaga. Kapag ipinakita sa iyo hindi mo malalaman.

Q: Kumusta na po ang panukalang budget?

SPMBV: Apat na linggo ang nalalabi sa amin pero inaasahan namin na next week ay dalawang linggo ang ibubuhos namin dito sa budget na ito. Araw-gabi ang gagawin naming pagtatalakay dito. Titingnan naming mabuti, susuriiin naming mabuti. Bagaman nag-preliminary na kami, sa dalawang linggo ay susuriin naming mabuti itong P1.23 trillion na budget natin. Sana ay matapos namin ito bago kami mag-adjourn para sa kapaskuhan.

Q: Iyong sinasabi ninyong cellphone bill paano na?

SPMBV: Pasado na. Iyong pagtataas ng parusa sa pagnanakaw ng cellphone ay naaprubahan na last week kaya hinihintay pa namin ang bersyon ng Mababang Kapulungan para sa bicameral.

Q: Paano na po iyong nagbebenta ng toy guns, paano natin sasawatahin?

SPMBV: Mamaya ay kakausapin ko ang DTI kung ano ang gagawin naming sistema diyan. At ang PNP.

Q: Ipasok na rin diyan ang mga illegal na paputok.

SPMBV: Palagay ko ay isasama na rin natin iyan.

News Latest News Feed