Press Release
December 4, 2007

Transcript of interview with Senate
President Manny Villar (DZRH)

Q. Alam namin na okupado ang Senado tungkol dito sa mga mahahalagang panukalang batas particularly itong inaapura ninyong 2008 budget.

SPMBV: Araw-gabi na Monday to Friday ang trabaho namin dahil inaapura namin ang budget na ngayon ay patapos na. Mga dalawang araw na lang siguro ay tapos na ang budget and then may 2 linggo tayong inilaan para sa bicam. Bago matapos ang taong ito, pasado na ang 2008 budget.

Q. Baka naman isipin ng taumbayan na porke inaapura ay sigi-sige na lang ang pagtalakay sa budget at hindi na nabusisi ng mabuti.

SPMBV: Hindi ganoon. In fact, 2 buwan naming itong pinaghandaan. Hindi pa dumarating sa amin formally ng budget ay tinatalakay na namin iyong mga budget ng mga departamento at ahensiya ng gobyerno. Naipaliwanag na rin ng mga government agencies ang kanilang mga budget allocations. Ang budget ay magsilbi sanang halimbawa sa kooperasyon ng ehekutibo at lehislatura. Hindi naman sa lahat ng panahon ay parati na lang nagbabangayan at nag-aaway. Dapat mayroon ding areas na unawaan. Sana itong budget na iyon para tuluyan na itong mapagtibay bago matapos ang 2007.

Q. Noong tinatalakay ang budget sa kamara, walang detalye na lumabas tungkol doon sa bagong bell choppers. Bigla-bigla lumabas, 2 bell choppers ang bibilhin.

SPMBV: Mayroon pa nga yatang ibang ahensiya ng gobyerno na nagbabalak bumili ng mga bagong eroplano kaya nire-review namin ito. Ang mali kasi dito, bakit naka-specify na yung brand. Pwede mo namang sabihin na bibili ng 2 chopper. Pero bakit may brand na agad? Iba kasi pag may brand na baka kasi may usapan na. Alisin na lang iyong brand, then i-justify para kung sakaling aprub ay maayos at transparent ang bidding.

Q. Ano po ba ang mga malalaking alokasyon sa 2008 budget?

SPMBV: Pinakamalaki ang budget ng edukasyon. Mga P150B iyan. Malaki din ang DPWH budget dahil matagal na ring di na-implementa yung mga infrastructure projects. Yung iba maliliit na iyong budget at ako ay nalulungkot dahil iyong budget sa kalusugan ay more than 1 percent lang ng ating total budget. Napakaliit talaga ang budget para dito. Kahit man lang ginawang 2% iyong budget ng kalusugan, malayo na sana ang mararating nitong tulong para sa ating mga kababayan.

Q. Not only that, pati na iyong mga anti-hunger programs dahil sa tuwing may survey, lumalabas na kulang ang pondo para sa mga ganitong programa.

SPMBV: Ang problema naman kasi sa mga anti-poverty programs, hindi maganda ang mga proposal nila. Para kasing ipamimigay na lang halos ang pondo sa mga local officials na hindi naman sigurado kung talagang mapapakinabangan ng mga tunay na nangangailangan. Sana man lang, magkaroon ng sistema para masiguradong makakarating sa mga dapat puntahan ang pondong allocated sa mga certain programs ng gobyerno.

Q. Mr.Senate President, hindi po ba kayo naaasiwa na kahit ano ang inyong gawin ay laging ikinakabit sa 2010 elections.

SPMBV: Minsan, nakakairita na rin iyan dahil matagal pa naman ang 2010. Hindi naman sa nagpapakipot ako pero matagal pa talaga ang 2010 elections. Kung magdedeklara ka ngayon, ang gastos noon.

Q. Siguro, iyong malaman ng mamamayan na kayo ay desidido ay okey na iyon.

SPMBV: Tama na muna roon. Kung mayroong pagkakataon, di ka naman tatanggi.

Q. hindi tatanggi, hindi aatras.

SPMBV: hindi aatras. Pero sa ngayon, magtulungan muna. Dahil ang Senado naman ay willing na makipagtulungan sa executive sa mga areas na makakabuti sa bayan para hindi naman laging masamang balita ang nababasa at nadidinig ng ating mga kababayan.

Q. Iyong pong pangyayari sa Manila Pen, sa lahat ng Senador, kayo lang ang aming nakapanayam noong araw na iyon dahil iyong iba ay nakikiramdam pa.

SPMBV: consistent kasi ako diyan. Ayoko ng mga bagay na labag sa konstitusyon dahil nakikita ko na aatras na naman ang ekonomiya ng bansa. Ang hiningi ko noon ay hinahon dahil kung nagkataon, pwedeng sumabog iyon at lumaki at maging isang bagay na maaring nating pagsisihang lahat. Kailangan talaga ng hinahon noon para di na lumala ang problema.

Q. Ano po ba ang tingin ninyo Mr. Senate President, kasi paulit-ulit na lang na nangyayari ang mga ganyang bagay?

SPMBV: Dapat din kasing hindi binabalewala ng gobyerno yung mga sinasabing kadahilanan ng mga ganitong pagkilos. Hindi pwedeng kalimutan ang ugat ng korapsyon. Kung mawawala ang korapsyon, malaki ang pondo na madadagdag sa pangangailangan ng taumbayan. Halos kasi lahat ng mga nababasa natin sa diyaryo ay mga tungkol sa katiwalian. Iyon ngang tungkol sa pagkansela ng World Bank sa loan ng Pilipinas, sa Wall Street Journal ko pa nabasa iyon, nababasa iyon ng buong mundo. Sana iyon na ang huli dahil lalo lang sumasama ang imahen ng ating bansa sa mga ganitong bagay.

Q. Malungkot pa dito, katatapos lang ng Manila Pen incident, katakot-takot na naman na batikos ang inaabot ng gobyerno dahil sa pagsama ng mga kongresista sa biyahe ni PGMA sa Europe.

SPMBV: Napalaki iyong delegasyon sa Europe

Q. Ang naaalala ko kasi sa official delegation ng kamara pag biyahe ng Pangulo ay 15 lang, pero ngayon., mahigit sa 30 members ng congress.

SPMBV: Marami nga iyan. Okey lang sana kung Asia lang. Ang gastos pa naman sa Europe. May mga senador ding kasama, kaya lang tatlo lang sila.

Q. Busy po talaga kayo ngayon sa budget more than investigating other issues.

SPMBV: Gusto kasi namin na matapos muna lahat ng dapat tapusin bago matapos ang taon para naman may maipakita kami sa taumbayan. Importante kasi para sa Senado na may maipakita sa taumbayan. Importante kasi sa akin iyong may score card kami na mai-piprisinta sa taumbayan. Mahalaga sa akin iyon.

Q. Marami sa mga listeners ang nagsasabi na ang hirap na ngang magkaroon ng quorum sa kamara, 34 pa ang nawalang kongresista at nagpunta sa Europe. Kayo po ay naging Speaker of the House din, ano po ba ang tingin niyong problema na kinakaharap ng isang speaker?

SPMBV: Problema talaga ang qourum. Pero kung natatakot kang baka magpalitan, mas maganda na wala ng qourum. Pero mahirap talaga ang walang qourum dahil hindi mo maipapasa ang mga panukalang batas na dapat mong ipasa. Iyan naman ang maipagmamalaki ko sa Senado dahil parating may qourum. Marami na kasing naipasa sa Senado, yung murang gamot, tulong sa negosyanteng Pinoy at iba pa. Pero nag-usap na kami ni Speaker Joe at siguro naman mahaharap na nila iyan pagdating ng ibang mga kongresista galing sa Europe.

Q. Yung mga congressmen ay kailangan pang may authority to travel from the Speaker of the House.

SPMBV: tama iyan pero syempre wala ka rin namang magagawa kung gustong sumama ng mga kongresista sa biyahe lalo na kung ang Pangulo ang humila sa kanila. Pero si Speaker Joe ay laban sa pagtungo ng maraming congressmen sa Europe. Sinabi niya sa akin isang beses na nalulungkot siya sa nangyari pero wala rin siyang magawa dahil sumama ang mga kongresista. Hindi rin niya mapigil. Siya mismo ay nalalakihan sa delegasyon.

Q. Marami po ang nagtatanong tungkol sa tulong ng Nacionalista Party sa mga maliliit na negosyante?

SPMBV: Ang Nacionalista Party ay mamimigay ng tig P100T sa mga maliliit na negosyante na makakapag-isip ng maganda at creative na negosyo. Siguro mga 20-50 ang ipamimigay naming tig-P100T. Ito ay para makatulong sa ating mga kababayan sa buong kapuluan lalo na sa mga walang ginagawa o walang trabaho sa ngayon. Ito ay bilang pagdiriwang sa 100th year ng Nacionalista Party. Hindi po ito loan. Ito ay grant. Tutulong ka na rin lang, lubos-lubusin mo na. May board of judges kaming titingin at magbubusisi sa mga mananalo. Kaya iyong mga kababayan natin na walang trabaho o nasa bahay ngayon at nakikinig, mag-isip kayo ng negosyo niyo at isumite niyo sa amin.

Q. Pag-usapan naman natin itong mga senate investigation tungkol sa nangyari sa Manila Pen, may mga resolusyon na atang isinumite sa Senado tungkol dito.

SPMBV: Maraming nag-file. Ako din nag-file ng resolusyon para imbistigahan ang ginawang pag-aresto sa media at iyong ipinatupad na curfew. Ako ay nababahala sa mga nangyaring ito lalo na iyong ginawang pagpoposas. Baka kasi tinetesting na naman ang media at taumbayan na kapag walang umalma ay maging SOP na lamang sa darating na panahon. Baka kaunting gulo lang curfew na, kaunting kibot lang, aarestuhin na ang media. Halimbawa na diyan ang CPR, dati kapag nadi-disperse ang mga rally, nasa diyaryo agad, malaking balita. Ngayon, binubuwag agad ang mga rally, parang natural na lang na pangyayari. Baka ganoon ang mangyari sa media arrest at curfew.

Q. Marami kasi ang naasiwa doon sa ginawang pag-posas sa media? Bakit daw pinosasan pa?

SPMBV: Dapat talaga wala na lang. Di na dapat pinosasan. Mahirap din naman kung iyong mga kilalang media ay di pinosasan tapos yung ibang hindi kilala ay may posas. So dapat, wala na lang posas lahat.

Q. So ngayon, busy talaga kayo sa budget, ipagpapaliban muna iyong mga imbestigasyon.

SPMBV: tatapusin muna naming iyong trabaho namin lalo na iyong budget, pero itutuloy namin iyong mga imbistigasyon.

Q. Maganda po iyong naisipan ng Nacionalista dahil mag-eencourage ito sa maraming Pinoy na mag-isip ng magandang negosyo.

SPMBV: Hindi naman lahat mananalo. Kaya lang kung ikaw ay nag-isip, naniniwala ka na maganda ang inisip mong negosyo. Maaring hindi ka nanalo, pero dahil maganda ang naisip mo, maghahanap ka ngayon ng paraan para matupad ang negosyo mo. Baka nga mai-refer namin sa mga lending institutions iyong ibang hindi mananalo para magkaroon sila ng capital sa kanilang naisip na negosyo. Tuturuan namin sila kung ano ang dapat nilang gawin. Bibigyan namin sila ng advice kung kailangan nila ng aming payo.

Q. Maganda ang proyekto niyong iyan. Sino ba naman ang mag-iisip na mayroon pala kayong ganyang proyekto.

SPMBV: Iyan naman talaga ang pakay ko noon pa man, na palaganapin ang diwa ng negosyong pinoy. Mensahe din ito sa ating mga kababayan na wag silang mawalan ng pag-asa. Kaysa magmukmok kayo sa isang tabi, mag-isip kayo ng maari niyong negosyo o pagkakitaan. Baka magulat kayo, iyan pa ang simula ng inyong pagyaman. Huwag ninyong i-under-estimate ang inyong kakayahan. Lahat po ng kwento ng mga bilyonaryo, kapag binasa ninyo, karamihan sa kanila ay nag-umpisa sa wala pero sa Sipag at Tiyaga, nakaahon at yumaman. Kaya huwag ho tayong mawawalan ng pag-asa.

End of interview

News Latest News Feed