Press Release
December 11, 2007

Transcript of interview with
Senate President Manny Villar

Q: Binubuhay yung Chacha sa House...

SPMBV: Yung Cha-Cha naman ay inaasahan natin na may magbubuhay niyan. Iyan na nga ba ang sinasabi ko na merong mga mag-uulok sa pangulo na huwag bumaba siya sa 2010. Sana hindi siya magpa-impluwensiya diyan, dahilan sa talaga namang maraming magagalit at magugulo ang sistema ng ating gobyerno. Basta may proseso tayo at huwag nating shoshort-katin.

Q: Magagalit din kayo?

SPMBV: Matagal ko nang ina-anticipate na merong magbribring-up niyang ChaCha pag malapit na ang 2010. At ngayon nga ay medyo napaaga, 2007 pa lang ay may nagbring-up na. Nagmamadali naman pero sana tingnan natin kung ano ang mga iniisip ng tao at gawin natin ang lahat nang naaayon sa ating konstitusyon.

Q: So you're saying that it's the plan of the president to stay?

SPMBV: Ako'y naniniwala na marami sa mga kaalyado ng pangulo ang magsasabi sa kanya o mag-uulok sa kanya na magtagal beyond 2010. Sana ay huwag naman siyang makikinig sa mga nag-uulok na yun dahil maganda na rin naman na maayos ang sistema ng ating gobyerno at naayon sa konstitusyon ang lahat ng ating ginagawa.

Q: What prompted the moves for ChaCha?

SPMBV: Yung ChaCha talaga ay buhay naman. Iyan ay nawawala lang at naitatabi subalit hindi yan nawawala ng lubusan. Siyempre parating merong magpo-propose niyan at malalaman natin kung dadami iyan o hindi depende kung itutulak yan ng pangulo sa mga darating na panahon.

Q: Sir, may isang libong pulis at military ang nagbantay kay Trillanes sa hearing sa Makati , warranted po ba yun o hindi?

SPMBV: Overkill naman yung isanlibo, sayang naman baka marami tayong mga krimen na nangyari sa dami ng pulis na nagbabantay kay Sen. Trillanes. Gayunpaman ay siguro gusto lamang nilang ipakita na sila ay mahigpit sa pagbabantay kaya marami sila.

Q: On Sen. Miriam's resolution

SPMBV: Iyung resolusyon ni Sen. Miriam na humihingi ng pag-imbestiga kay Sen. Trillanes ay ni-refer na sa ethics committee at titignan naman ng Senado iyan sa tamang panahon. Mas maganda siguro kung titignan na lamang iyan pagkatapos ng pasko na kung saan maliwanag na ang mga pangyayari, maliwanag na ang naging role ni Sen. Trillanes, at matahimik na, makikita natin sa tamang perspektibo ang nangyari.

Q: Obstacle daw po yung composition ng ethics committee?

SPMBV: Ang ethics committee naman ay binubuo ng mga miyembro na nominated ng minority o majority. Wala tayong magagawa kung sinu-sinong miyembro yan. In the end, buboto naman ang lahat diyan kung anuman ang magiging desisyon laban kay Sen. Trillanes. Ang lahat naman ay magkakaroon ng pagkakataon na bumoto kung saka-sakali ito ay pagpapasyahan ng ethics committee.

Q: Hindi pa nga buo, will you nominate?

SPMBV: Pwede rin naman, hindi naman tayo nagmamadali sa pagbuo niyan. Sa akin ay maliwanag na gusto ko sa Senado na unahin itong mga panukalang nakasalang sa ngayon. Sa pagreresume ng sesyon namin sa January ay saka na natin bubuuin yang ethics committee.

Q: Pero assured naman na hindi kayo mananahimik on Trillanes case?

SPMBV: Hindi naman, gusto lang naming maging maliwanag muna para hindi paulit-ulit ang imbestigasyon.

Q: Sa LEDAC, ano yung update? Yung pinag-usapan sa LEDAC, kasama na ba yung cheaper medicines bill?

SPMBV: Hindi, pasado na.

Q: Pero sa priority?

SPMBV: Sa priority? Oo, parati namang pareho ang priority. Hindi naman nawawala. . .

Q: Pinapabayaan sa House.

SPMBV: Kasama sa priority ko yan, ang budget, number one sa priority. Ang budget, ang cheaper medicine, ang amnesty. . .

Q: Yung JPEPA?

SPMBV: Hindi pa natapos yung JPEPA.

Q: Sa toyguns nalang po, pakiulit, kasi may nabiktima na sa Laoag .

SPMBV: Iyong sa toyguns, ako'y naniniwala na dapat talagang ipagbawal yan sapagkat marami talagang gagamit niyan sa masamang paraan kaya mabuti pa habang maaga ay itigil na ang pagbebenta niyan. (end)

News Latest News Feed