Press Release
January 28, 2008

Transcript of DZXL interview with Senate President Manny Villar

Q: Humihingi po ng tulong si Usec. Villar kung pwedeng pabuksan ang libro ng mga oil companies dahil meron silang nakikita na smuggling po, sir?

SPMBV: Magandang panukala iyan. Noon ko pa sinasabi iyan na talagang dapat naman ay mas malaki ang karapatan natin na tingnan ang mga libro ng mga oil companies. Maganda ang sinabi ni Usec Villar dahilan sa talagang gusto kong malaman dahil lumalakas ang piso at tumataas naman ang presyo ng langis. Dapat dito ay nagbabalanse sila. Iyong diperensya lamang ang idinadagdag sa presyo ng gasolina. Kasi tumataas ang presyo ng langis, pero bumababa naman ang dolyar kaya dapat nagbabalanse siya. At ngayon naman ang presyo ng oil halimbawa ay hindi naman mataas na at nasa line of 8 na lang, ano ang epekto niyan? Hindi natin nalalaman. Totoo ang sinabi niya na matagal nang hindi nao-audit itong mga libro ng mga oil companies. Mabuti at ipinaalala ninyo sa akin. Iyan ay unang-una kong titingnan mamaya sapagkat iyong pagpasa ng mga panukala para diyan ay matagal pa pero iyong pagbubukas ng libro, ang ating BIR ay kaya namang gawin iyan agad. Gusto ko ring tanungin ang Department of Energy kung bakit hindi nila ginagawa ang trabaho nila na tingnan ang mga libro ng mga oil companies.

Q: Pero naturalmente, mag-aalburoto ang big oil companies at pumayag man sila, baka naman dayain nila ang ihaharap nila sa Senado?

SPMBV: Posible iyan pero mahihirapan naman sila dahil sa talagang ipe-pressure namin. Kung talagang ayaw nilang buksan, siguro batas na talaga para maobliga na. Iyong Petron, tayo naman ay may-ari noon. Forty percent ng control noon ay sa atin pa rin, gobyerno pa rin. Dapat ay gawin nila ang trabaho nila bilang may-ari ng 40 porsyento. Dapat naman ay may karapatan sila na tingnan ang libro at least ng Petron. Doon natin makikita ang ginagawa ng ibang oil companies. Tama ang punto na iyan dahil sa napakalaki ng oil smuggling na nangyayari ngayon at maaaring niloloko tayo nito sa mga price increases. Hindi natin alam kung ano talaga ang basis nito. Ang alam ko lang, pagtaas ng presyo ng langis, tataas ang presyo ng gasolina pero hindi nila sinasabi na kapag tumataas naman ang value ng peso, dapat bababa naman ang presyo ng gasolina.

Q: Iyong cheaper medicine ano na po ang nangyayari dito?

SPMBV: Actually, apat ang panukala na iyan. Hinihintay namin ang bicameral committee report sa budget, cheaper medicines bill, Pamantasan ng Pilipinas, Civil Aeronautics Authority. Mamayang hapon ay mare-report ang iba't ibang komite niyan para ipaalam sa amin kung ano na ang napag-usapan nila. Base sa mga nababasa ko sa diyaryo, mukhang may problema pa ito. Pero mapapag-usapan na rin siguro mamaya o itong linggong ito, at kung sakaling may problema man ay magkaroon ng compromise. Mas maganda kasi na lahat ng sector dito ay magko-cooperate lalo na iyong sector ng mga doktor na dapat din sana ay maihanap sila ng compromise na magagawa pa rin iyong hangarin natin na maibaba ang presyo ng gamot nang hindi naman sila masyadong maaapektuhan.

Q: Pero habang kayo ay trabaho nang trabaho ay meron daw ugong-ugong na palalayasin daw kayo sa inyong posisyon?

SPMBV: Sa akin naman, ang ugong na iyon ay narinig ko lamang doon sa nasa kabilang panig naman. Syempre kaya ka nga nasa kabilang panig ay hindi mo naman gusto ang ating liderato. Normal naman iyon kaya nga nasa minority. Ang mahirap kung ang kasamahan mo na ang magsasalita.

Q: Itong over the weekend daw ay nagkita-kita kayo ng ibang presidentiables diyan sa Cebu?

SPMVB: Hindi naman, nagkakasabay-sabay lamang. Iyon ay pista ng Sto. Niño at meron sa Ati-Atihan, sa Sinulog, sa Dinagyang, sa Tondo. Syempre doon sa lahat ng panig ng kapuluan na nagse-celebrate ng pista ng Sto. Niño ay hindi maiiwasan na nagkikita-kita kami.

Q: Wala namang iringan?

SPMBV: Wala naman. Kami naman kapag nagkikita ay magkakaibigan naman. Sabi ko nga, dalawang taon pa iyan at hindi ko muna iniisip kung ano ang mangyayari two years from now.

Q: Kumusta po ang national budget? Natapyasan n'yo ba iyong gusto ninyong tapyasan na pork barrel?

SPMBV: Mamaya pa magre-report ang chairman niyan. Palagay ko naman may compromise dahil sa kami ayaw namin iyan, sila ang may gusto. Normally para matapos iyan ay magbibigayan at siguradong matatapyasan iyan.

Q: Naulinigan n'yo rin po ba ang sinasabi ni Sen. Pimentel na back off yata si Justice Melo doon sa mga kaso tulad ng kay Pidol? Mukhang ayaw niyang pakialaman?

SPMBV: Malaking hamon sa kakayahan ni Justice Melo iyan sapagkat talagang kinakailangang i-reformat itong ating Comelec. Talagang napakalaking bagay sa ating demokrasya na iyong nanalo ay talagang nanalo at iyong natalo, natalo talaga. Syempre sa ngayon, harapin natin ang katotohanan na nawala ang pagtitiwala ng ating mga kababayan sa Comelec at ito ay kinakailangan niyang ibalik. Ang appointment po ni Justice Melo ay dadaan po sa Commission on Appointments. Doon ay magkakaroon kami ng pagkakataon na suriin ang kanyang kakayahan at iyong kanyang kapasidad para maging chairman ng Comelec.

News Latest News Feed