Press Release
January 31, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar--DZMM

Q. Kahapon po ay pinirmahan niyo na ang arrest of warrant para kay Rodolfo Lozada at CHED chairman Romulo Neri. Pero nasa ibang bansa po si Mr. Lozada para mag-attend sa isang Jethropa convention. Paano niyo po ipapatupad ang warrant of arrest? Tutugisin niyo ba siya hanggang sa ibang bansa?

SPMBV: Hindi madali iyan kung hahabulin namin siya sa ibang bansa dahil kailangan pa kaming makipag-ugnayan sa bansa kung saan siya nandoon. Ginawa na namin iyan noon kay Jocjoc Bolante at hindi madali ang proseso. Pero handa kaming gawin ito kung kinakailangan. Pero iyan naman ay babalik din sa bansa.

Q. Sinabi po ni DENR Sec. Atienza na hanggang Pebrero 7 mananatili si Mr. Lozada sa United Kingdom pero babalik din naman sa Pilipinas.

SPMBV: Hihintayin na lang namin siya sa kanyang pagbabalik. Ang mga hakbang tungkol sa warrant of arrest ay ipinauubaya ko sa sergeant-at-arms ng Senado at sila ang nagdedesisyon kung ano ang kanilang gagawin sa mga ganitong sitwasyon. Iyang mga ganyang mga bagay ay iniiwan naming confidential.

Q. Kung sakali mang bumalik si Mr. Lozada at ma-iserve ang warrant , pagharap po ba nila sa inquiry ay hindi na sila makakalabas ng Senado at mananatili na lang nakakulong doon?

SPMBV: Hindi naman. Kung okey naman ang pagharap nila, babawiin na ng komite ang warrant. Ang gusto lang naman ng Senado na sila ay mag-appear. Binalewala kasi nila ang subpoena ng Senado kaya ang normal na kasunod na hakbang ay ang pagpapalabas ng warrant of arrest. Pero kung nakahanda naman sila na pumunta sa Senado at magsalita, kami ay nakahanda rin na i-convene kaagad ang mga komite para pakinggan ang kanilang sasabihin. Anytime na gusto na nilang humarap at magbigay ng testimonya ng Senado, wiling din naman kami na bawiin ang warrant.

Q. Wala pa bang pasabi sina Neri at Lozada tungkol sa kanilang sagot sa bagay na ito?

SPMBV: Inaasahan ko na ngayong araw na ito magkakaroon ng komunikasyon from Mr. Neri at Mr. Lozada dahil kagabi pa lang naman na-finalize yung arrest of warrant. Pwede namang mag-usap para hindi sila kabahan na aarestuhin sila. Inuulit ko, ang gusto lang ng Senado ay pumunta sila sa Senado at ipaliwanag kung ano ang kanilang nalalaman sa isyung ito.

Q. In the meantime, ano po ang mangyayari sa mga komiteng nag-iimbestiga sa ZTE deal na iyan dahil pati si Joey de Venecia ay hindi na rin dumalo sa hearing kahapon?

SPMBV: Mapipilitan silang maghintay sa bagay na ito dahil ngayon ay mahihirapang maglabas ng rekomendasyon ang komite dahil hindi pa kumpleto. Maghihintay ng kaunting panahon at magmi-meeting ulit para pag-usapan kung ano ang kanilang gagawin.

Q. Pag-usapan po natin ang 2008 national budget, kalian po ito mapirpirmahan ng Pangulo?

SPMBV: Mabilis iyan. Naghihintay na lamang iyan sa Malakanyang. Wala ng problema dyan. Minsan kasi, pinatatagal din ng Malakanyang iyan. Pero masaya ang lahat dahil agad na napagtibay ang budget ngayong Enero.

Q. Yung Cheaper medicine bill po?

SPMBV: Wala pang report sa akin iyan. Mukhang nagtatagal ng konti pero desidido naman ang dalawang panig na ito ay tapusin na. Maganda rin naman na ang lahat ng sektor na umaangal ay mabigyan din ng importansya ang kanilang hinaing. Mabuti nang suportado ng lahat ng sektor ang panukalang ito.

Q. So yung generics only prescription ay nawala na?

SPMBV: Hindi ko sinasabi na ganoon kadali iyan. Mas maganda na gumawa ng compromise na acceptable sa magkabilang panig.

News Latest News Feed