Press Release
January 31, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar--DZRH

Q: Ito pong arrest warrant para kay Jun Lozada at Sec. Neri, ito po ba ay aprubado na?

MBV: Aprubado na yan. Kahapon kasi ay nagkaroon ng meeting yung committee at ang mga member ay pumirma at nakakuha naman ng mayorya. Majority pumirma dito sa arrest order, kaya pinirmahan ko na ito. Talaga namang ako as a matter of policy, basta meron nang pirma ng nakakarami ay yun na ang boses ng Senado.

Q: At saka dito sa arrest order ang kailangan dito simple majority of the members of the committee.

MBV: Simple majority lang. Ang pumirma po ay halos buong majority ng senado.

Q: Alam ninyo dito sa mga nangyayari dito sa blue ribbon committee, medyo marami po ang naaasiwa sa ngayon. Kasi kumbaga parang nababastos na yung naturang komite ng Senado.

MBV:T otoo iyon. Alam mo kasi ang blue ribbon talaga ang inatasan na magbantay at mag-imbestiga ng mga anomalya sa gobyerno. Ang nangyayari ngayon kapag ayaw na magpaliwanag ay basta sasabihin na lamang ay ayokong pumunta. Hindi naman naliliwanagan ng ating taumbayan. At baka lumakas pa ang loob ng iba pang mga government officials na gumawa pa ng anomalya sa mga darating na panahon.

Q: At saka ito ay isa mga functions ng Senado na mukhang nawawalan ng ipin dahil dito sa mga naturang pangyayari. Tulad halimbawa, yung paggawa ng executive order 464, ito po ay naging isa sa mga problema ng Senado.

MBV: Totoo yun. Alam mo kaya kinikwestyun namin parati ito sa Supreme Court at everytime na nananalo naman kami sa lahat ng aming kaso sa Supreme Court. Yun nga lamang sa interpretasyon ay iniiba pa rin. Eto nga ay di namin malaman subalit nililiwanag naman namin na kami ay magpapatuloy na gagawa sa aming tungkulin dito.

Q: Mr. Senate President, ibang topic naman. Ano na ba ang latest tungkol dito kay Sen. Kiko Pangilinan. Ang balita namin ay ay aampunin siya ng Nacionalista Party.

MBV: Hindi naman. Ang sabi ko lang naman ay kung ano ang desisyon nya, siya naman ay welcome. Syempre ayoko namang manghimasok din sa internal na pulitika ng liberal party. Ayoko naman na masabi na ako ay nakikihalo dun. Hindi naman. Kaya lamang, syempre si Sen. Pangilinan ay isang kaibigan at nang tinanong ako kung saka-sakaling welcome sa partido syempre naman. Siya ay magiging welcome dito.

Q: Wala po bang meeting yung Wednesday club?

MBV: Umalis si Joker, Nagkaroon ng leave, kaya next week na uli kami.

Q: kaya kayo lang dalawa ni kiko ang nag-uusap kagabi?

MBV: Hindi naman, kasama ang ibang mga senador. Usually naman may mga ibang senador ang sumasama, at napag-uusapan lang naman yan. May mga hinaing lang naman si Sen. Kiko sa mga nangyayari sa Liberal Party.

Q: Mabalik po sa isyu ni Mr. Lozada. Magbibigay po ba ang Senado ng proteksyon kay Mr. Lozada? Dahil ang pinakapangunahin pong rason diumano kaya po sya umalis o kaya ayaw nyang pumasok sa imbestigasyon at maki-cooperate po sa imbestigasyon ng blue ribbon ay dahil marami po syang death threats. Mapapangako po ba ng Senado na bibigyan po ang pamilya nya at ang sarili nya ng proteksyon?

MBV: Normally, sa abot ng aming makakaya. Syempre wala namang 100 percent even yung executive department ay hindi naman kayang magbigay ng 100 percent na garantiya na walang mangyayari sa kanila. Subalit sa aking palagay, kapag nasabi mo na ang iyong nalalaman ay hindi ka na importante at hindi ka na rin pagtatangkaan. Kaya lang pagtatangkaan ka pag wala ka pang sinasabi kasi para di ka na makapagsabi. Mas maganda na sabihin mo na para wala ka ng problema. Dahil normally kung nasabi mo na, use less naman na pag-interesan pa yung buhay mo dahil nasabi mo na rin ang iniiwasan.

News Latest News Feed