Press Release
February 6, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar in Dos Por Dos with Anthony Taberna and Gerry Baja

Kayo ho ay isa sa mga naghahanap kay Jun Lozada at sa pagkakaalam namin ay personal pa mismong tumawag ang misis ni Ginoong Lozada sa inyo kagabi.

SPMBV: Nakausap ko iyong asawa kagabi, umiiyak siya at nababahala dahil hindi niya nakakausap ang kanyang mister na dapat ay agad na tatawag sa kanya pagdating kahapon sa Pilipinas. Pati yung ibang kamag-anak ni Jun Lozada ay tumawag din sa akin. Doon ko lang nalaman kung gaano ka-grabe ang nangyari bagama't nag-report sa akin ang Senate sgt-at-arms kung ano ang nangyari. Sila ay nakipag-ugnayan pero hindi sila pinapasok sa loob ng NAIA. Mali naman yung sinasabi na hindi nakipag-ugnayan sa NAIA officials. Mukhang interesado pa si Gen. Atutubo na papasukin yung sasalubong na iba kay Mr. Lozada. Tatlong teams ng Senado ang nasa NAIA kahapon at handa silang i-escort si Lozada. Kami naman sa Senado ay nagagarantiya na bibigyan ng maximum courtesy si Lozada. At saka inaasahan ng pamilya na siya ay sa Senado dadalhin at hindi sa ibang lugar kaya sa amin nakikipag-ugnayan ngayon yung pamilya. Nakakagulat ang nangyayari, hindi pinapasok sa loob yung mga tao ko, pagkatapos nawala si Mr. Lozada. Kaya ako ngayon ay nag-dedemand ng full accounting sa nangyari kahapon sa NAIA. Kailangang ibigay ng airport at immigration officials ang full report sapagkat hindi naman nakita si Mr. Lozada. Dapat ay dumaan siya sa immigration line at sa tamang proseso. Iba ang nangyari. Kaya humihingi ang Senado ngayon ng paliwanag sa mga airport at immigration officials.

Sa nangyaring di pagpapapasok ng mga airport officials sa Senate Sgt. at Arms, lumilitaw po na ayaw ng mga airport officials na mapasakamay ninyo si Jun Lozada. Mas gusto nila na ito ay ibigay sa isang sarhento na nagngangalang SPO4 Roger Valeroso.

SPMBV: Iyan ang hindi ko maintindihan. Hindi ko alam kung nag-aral ng batas ang mga taong ito dahil maliwanag naman na kami ay may warrant of arrest. Kung hindi naman nila ibibigay sa amin si Lozada, di sana'y nag-usap ng maayos sa airport. Ang mahalaga kasi ngayon ay ang kaligatasan ni Mr. Lozada. Nakakatakot dahil walang nakakaalam kung nasaan siya. Kami ay nababahala lalo na at nakikipag-coordinate sa amin ang pamilya Lozada na sobra-sobra din ang pagkabahala sa nangyari. Hanggang ngayon, ako ay nagugulat dahil posible palang mangyari ang ganito sa ating bansa. Nakakalungkot at nakakatakot ang pangyayaring ito kung hindi agad ito mare-resolve.

Sa inyo pong tingin, kumilos o kumikilos ba si Gen. Atutubo sa kanyang sariling kalooban lamang at kusa niya itong ginagawa?

SPMBV: Masyado namang malakas ang loob niya kung walang nag-uutos sa kanya dahil kidnapping iyan. Alam niya na hihingan namin siya ng paliwanag tungkol dito at mag-iimbestiga kami at di kami papayagan na ganoon na lang porke sinabi sa amin na ganoon ang nangyari. Magugulat naman ako kung ginawa lang niya ito on his own at walang instructions.

Hanggang saan po yung nakikita niyong kamay na nakapatong sa balikat ni Gen. Atutubo rito?

SPMBV: Hindi natin nalalaman iyan kaya lang titingnan mo na ngayon kung sino ang magbebenepisyo sa hindi pagsasalita ni Mr. Lozada.

Sino po Mr. Senate President ang magbebenepisyo kung wala po si Mr. Lozada?

SPMBV: Kung sino ang kanyang sasabihin kaugnay sa ZTE deal. Dahil itong kay Mr. Lozada ay may kaugnayan sa ZTE deal kaya yung may mga kinalaman sa deal ang kakabahan diyan. Sa ZTE deal, ang inakusahan ni Joey de Venecia ay ang Malakanyang.

Ano po ba ang kakaharaping parusa ng mga opisyal ng NAIA kapag lumitaw na sinadya talaga nilang huwag ipasa sa inyo at sa halip, ibinigay sa ibang kamay si Mr. Lozada.

SPMBV: Naghahanda ngayon ang legal team at lahat ng kailangang isampang kaso ay isasampa namin. Kaya humihingi kami ng paliwanag ngayon para mapag-aralan namin ng mabuti ang nangyari. Di kami papayag na wala kaming gagawin sa pagbalewala sa aming otoridad.

Nabanggit niyo po yung kidnapping. Kakasuhan niyo ba ng kidnapping si Gen. Atutubo lalo pa't nandoon po siya nang tangayin ng isang SPO4 Valeroso si Lozada?

SPMBV: Ngayong araw namin maliliwanagan lahat kung ano talaga ang nangyari. Gusto kong maintindihan munang mabuti ang lahat bago kami gumawa ng nararapat na hakbang.

Nakipag-ugnayan na ho ba ulit sa inyo ang asawa at mga kamag-anak ni Lozada?

SPMBV: ngayong umaga, hindi pa. Pero tatawagan ko ang misis ni Mr. Lozada para malaman ko kung ano na ang kanyang kalagayan sa ngayon.

Sinabi po ni Chairman Neri kanina sa interview na tumawag kagabi sa kanya si Lozada at sinabing ligtas siya.

SPMBV: Sana naman. Ako ay umaasa na safe si Mr. Lozada. Dangan nga lamang at hindi talaga tama ang nangyari kagabi. Kailangang magpaliwanag ang airport at immigration officials.

Kayo po ang number 3 sa order of succession, kapag kayo po ba ay galing sa ibang bansa, dumating kayo sa airport. Bilang isang VIP, kayo po ba ay kailangan pang dumaan sa immigration?

SPMBV: Dadaan ka rin sa proseso pero mas magalang lang sa iyo. Dadaan ka talaga sa proseso.

Kayo po ba ay sinusundo hanggang sa eroplano?

SPMBV: Malayo yung sunduan sa iyo. Hindi nga dapat sinusundo sa tube.

Kaya ko po tinatanong iyan dahil meron talagang arrival protocol.

SPMBV: Tama iyan, yung pinakamalayong lugar na mararating ng susundo sa iyo ay sa labas ng tube.

Sa ibang isyu naman po, si JDV po ba ay susunduin niyo para humarap sa Senado?

SPMBV: Alam niya na welcome siya sa Senado kung mayroon siyang sasabihin. Hindi ko alam kung ano ang kanyang plano dahil sabi niya ay magsisimula na siyang mag-disclose sa kanyang nalalaman. Pero welcome siyang dumulog sa Senado.

Wala bang malalabag na inter-parliamentary courtesy kung sakali?

SPMBV: Hindi kami nag-iimbita ng mga kongresista. Hindi kami nagsa-subpoena. Pero kung sila ang magbo-volunteer, pwede.

So ang aksyon ay dapat na magmula kay JDV?

SPMBV: Oo. Hindi sa amin.

Hindi po iimbitahan ng blue ribbon committee si JDV?

SPMBV: Hindi. Dapat mag-volunteer siya.

Kung sakali bang may sasabihin siya, sa tingin niyo po ba ay huli na o relevant pa rin?

SPMBV: Hindi pa naman sarado ang mga imbestigasyon namin at pwede pang buksan lahat iyan. Yung ZTE nga, on going pa rin.

News Latest News Feed