Press Release
February 7, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar --DZMM

Q: Ano po ang masasabi niyo sa ginawang paglutang ni Ginoong Lozada?

SPMBV: Maski ako ay nagulat at di ko inaasahan ang pangyayari pero maganda na rin ito para malaman natin ang katotohanan. Nababahala na rin kasi kami para sa kaligtasan ni Jun Lozada. Iyon ang una naming pinangambahan dahil ayaw naming may masamang mangyari sa kanya. Kinabahan kami sa nangyari na mistulang kinidnap siya. Kaya ngayong nandito na siya sa Senado, maliliwanagan na natin kung ano talaga ang nangyari. Hindi na lang ZTE deal ang bubusisiin ng Senado dito kundi pati na rin yung nangyari sa NAIA. Yung nangyari sa airport ay sa aking palagay, tahasang paglabag sa human rights.

Q: May kauutusan po kayo na within 24 hours ay mag-convene ang blue ribbon committee para ituloy agad ang imbestigasyon?

SPMBV: Iyan ang hinahabol namin sa ngayon. Pipilitin namin na sa lalong madaling panahon ay ituloy agad ang imbestigasyon. Nagtatawag na kami ngayon ng mga senador para makapag-convene in the earliest possible time. Pipilitin ng Senado na makapag-hearing sa lalong madaling panahon para makapagbigay ng kanyang testimonya si Mr. Lozada under oath.

Q: Paano po kung iyong mga isinasangkot ni Lozada ay di dumalo sa hearing?

SPMBV: Hindi bale. Mahalaga muna kung ano ang sasabihin ni Mr. Lozada. Pero sana, dumating din iyong ibang iimbitahan. Kung di naman sila darating, pwedeng si Mr. Lozada muna ang magsalita sa hearing.

Q: Nainterview ko si Gen. Atutubo kahapon at sinasabi niya na wala daw silang kopya ng warrant of arrest ng Senado para kay Lozada.

SPMBV: Nakipag-coordinate ang Senate sgt-at-arms sa airport officials at maliliwanagan na natin ngayon ang lahat dahil magke-kwento si Mr. Lozada kung ano talaga ang nangyari sa kanya. Sabi nga niya sa kanyang presscon, hindi niya authorize yung pagkuha sa kanya sa Senado. Yung pagkuha kay Lozada sa airport ay hindi tama at maski wala doon ang Senate sgt-at-arms, hindi pa rin tama na siya ay kunin sa airport.

Q: May binanggit po ba kung sino ang nag-utos ng pagsundo sa kanya sa airport?

SPMBV: Di nga daw niya gustong sumama, pero wala siyang choice. Ang sabi niya kanina sa presscon, siya ay pinasundo ng kanyang boss. Wala siyang choice. Sinabi din ni Mr. Lozada na hindi siya humingi ng proteksyon taliwas sa sinasabi ng PNP.

News Latest News Feed