Press Release
February 7, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar in DZMM with Gerry Baja & Anthony Taberna

Q: Magkakaroon po ba kayo ngayon ng emergency hearing kaugnay po sa ZTE issue?

SPMBV: Pinag-aaralan iyan ngayon ng mga staff ng Senado. Siyempre, kailangan ding konsultahin ang ibang miyembro ng mga komite na nag-iimbestiga sa ZTE. Sila ay kakausapin namin maski sa telepono kung ano ang kanilang opinyon ukol sa bagay na ito.

Q: Ilang senador ba ang dapat na may concurrence para matuloy ang hearing?

SPMBV: Majority syempre. Bukod dito, titingnan din muna namin yung mga basic requirements na dapat gawin kay Mr. Lozada tulad ng medical check-up. Aalamin din namin kung siya ay okey na at kaya na niyang gawin ang pagharap sa hearing ngayong araw na ito. Tatanungin natin ang opinyon ni Mr. Lozada tungkol dito dahil pagod na pagod siya. Ang mga bagay na ito ang tatalakayin namin ngayong umaga. Aayusin namin lahat. Mahalaga ito bilang Pangulo ng Senado na lahat ng ito ay maayos nating gagawin. Ayaw nating pagbintangan na nagso-shortcut ng proseso. Sisiguruhin kong maayos ang pagpapalakad nitong testimonya ni Lozada.

Q: Saan po mananatili si Mr. Lozada?

SPMBV: Hinahanapan na ng magandang lugar sa Senado si Mr. Lozada na itunuturing naming bisita. Hindi siya bilanggo, hindi siya pugante. Siya ay isang bisita at bibigyan namin siya ng maximum courtesy. Pagsisikapan naming pagbigyan ang kanyang mga hiling, kung sino ang gusto niyang makausap, kung gusto niyang magpahinga. Tatanungin namin siya kung ano ang kanyang saloobin. Walang dapat ikabahala ang kanyang pamilya at mga kaibigan. Sisikapin naming maging maayos ang kanyang stay sa Senado.

Q:Matitiyak po ba ng Senado ang kaligtasan ni Jun Lozada habang siya ay nasa pangangalaga ninyo?

SPMBV: Hangga't maaari, hindi namin iiwanan si Mr. Lozada. I'll try my best na at all times, may isang senador na sasama sa kanya at pwedeng mag-assist sa kanya. Bukod pa diyan ang pagpaligid sa kanya ng media at ng aming security.

Q: Kumusta po ang kanyang pamilya at ang kanilang security?

SPMBV:So far, hindi naman humihingi ng security ang kanyang pamilya. Kasama niya ang iba niyang kapatid sa Senado. Handa kaming tugunan ang hihilinging tulong ng kanyang pamilya. Pero so far, wala pa namang pakiusap.

Q: Sir, diretsuhin ko na po. Yun pong inyong anak-anakan na si Sen. Cayetano ay may mungkahi na mag-leave muna si PGMA para matiyak na magkaroon ng closure ang ZTE deal na masasabi ng mga testigo ang buong katotohanan.

SPMBV: Well, palagay ko hindi iyan bibitiwan ng Pangulo. Magandang mungkahi iyan pero palagay ko, hindi magli-leave ang Pangulo. Nakita naman natin kung paano ang pakikipaglaban ng Pangulo para huwag maalis sa Malakanyang.

Q: Pero kung pakikinggan, palagay niyo po ba iyan ang pinakamagandang gawin sa puntong ito?

SPMBV: Magiging objective at masisiguro na walang bahid na impluwensiya ang imbestigasyon. Hindi lang ang Pangulo, marami ding tao ang dapat sigurong magconsider na mag-leave muna para magkaroon tayo ng maliwanag na katotohanan tungkol sa bagay na ito. Bagama't, di ako na naniniwala na may mangyayari sa mungkahing ito, palagay ko, mas maganda na iyong ibang involve ay mag-leave muna.

Q: Sino po halimbawa iyong tinutukoy niyong mga tao na dapat mag-leave?

SPMBV: Yung mga nabanggit sa isyu. Si Chairman Abalos ay nag-resign na. Pati sa PNP at DILG kasi may mga tao na nasangkot dito sa mistulang pagkidnap at pagkawala ni Mr. Lozada. Hindi nalang ZTE ang hinahalungkat dito, pati yung pagkawala ni Mr. Lozada sa airport. Hindi katanggap-tanggap na sa isang demokrasya tulad ng Pilipinas ay basta-basta na lang mawawala sa airport ang isang tao na hindi niya kagustuhan. Huling nangyari ang ganito ay noong dumating sa Pinas si Ninoy Aquino. Dapat natin itong seryosohin. Itinuturing ko na isang matinding human rights violation ang ginawa kay Mr. Lozada. Ang nangyari sa kanya ay maaaring mangyari sa ating lahat kaya hindi dapat balewalain ang nangyari sa airport.

Q: May mga nag-aalala po na baka makaapekto sa ating ekonomiya ang pangyayaring ito?

SPMBV: Hindi. In fact, sa tingin ko, matutuwa ang mga investors dahil may demokrasya sa ating bansa. Tumatakbo ang ating bansa gaya ng sa Amerika at iba pang demokrasya sa buong mundo. Nakakapag-imbestiga ang Senado at nakapagsasalita ang mga opisyal ng gobyerno ng kanilang nalalaman.

Ito ay pagtugon din sa panawagan ng ating mga kababayan na bawasan at sugpuin ang katiwalian.

News Latest News Feed