Press Release
February 11, 2008

Senate President Manny Villar's Q & A with MIAA Asst. Gen Mgr. Angel Atutubo during the NBN-ZTE probe

SPMBV: Hindi n'yo man lang ba in-inform ang mga naghihintay kay Mr. Lozada na meron kayong ginagawa o iyong asawa man lang niya na dala n'yo si Mr. Lozada? Hindi kaya parang basic na dapat namang ginawa ninyo iyon?

Atutubo: Your Honor, after nasiguro na namin iyong safety ni Mr. Lozada, hanggang doon lang po sa airport ang jurisdiction namin. Pagkatapos noon ay bumalik na ako sa opisina. Doon na lang nalaman ko na may mga media na nagtatanong kung nasaan si Mr. Lozada. Ang sabi ko lumabas na.

SPMBV: Kasi dito maliwanag naman, narinig namin kay Mr. Lozada na hindi niya kagustuhan ang nangyari. At narinig ko sa mismong asawa na talagang nagpa-panic. Kapag in-analyze mo iyong sinabi ni Mr. Lozada at sinabi ng misis niya, maliwanag na hindi nila nalalaman ang ginagawa ninyo.

Atutubo: Totoo po iyon na hindi nila nalalaman ang nangyari doon na nandoon si Mrs. Lozada dahil walang coordination sa amin.

SPMBV: Pero malalaman n'yo bang may maghihintay at saka all over the media, ang ibig sabihin, noong nagsasalita na sa radio stations si Mrs. Lozada, hindi n'yo pa alam na may problema? Hindi n'yo pa inimbestigahan?

Atutubo: Nag-utos na ang general manager na imbestigahan. Narinig namin sa media na hinahanap, pati na iyong mga kausap ko sa opisina na hinahanap ng media. May mga kausap akong taga-media.

SPMBV: Mr. Chairman, I resent this. Alam mo, kanina pa ako nakikinig dito. Nakita ko na parang merong attitude on the part of our law enforcement people, dito sa ating government officials din, sa executive department, na parang merong tendency na huwag pa-atendin at tulungan iyong mga ayaw umattend sa Senado. At parang ang Senado, kanina pag nakikinig ako, parang may malaking gulong mangyayari dito o papatayin dito si Mr. Lozada. Gusto ko lamang liwanagin, iyong mga parang ililigtas ninyo si Mr. Lozada, from whom? From the Senate?

Nililiwanag lang namin na kami naman dito ay gumagawa lang ng trabaho na nag-iimbestiga kami. Ang magagawa lang namin kay Mr. Lozada ay tanungin siya. Lahat naman po ng iniisyuhan namin ng warrant dito, at pupunta rito, ay bibigyan po ng maximum courtesy. Kasi sinasabi ko po ito baka iyong iba pang government officials na isa-subpoena namin ay matakot, hindi po. Dito po maximum courtesy. Pagdating na pagdating dito, pipilitin namin na makapag-hearing agad para makapag-testify siya at kapag nakapag-testify na siya, wala na siyang problema. He will be a free man. Hindi siya kailangang makulong ng more than 24 hours kung makakapag-hearing na agad. Kasi parang nililigtas ninyo si Mr. Lozada from something na parang ang buhay niya ay at stake. Hindi naman. Ang magagawa lang ng Senado ay tanungin siya. Iyon lamang naman at alamin namin ang katotohanan. Iyon lamang ang aming objective dito sa Senado, tanungin lamang at ilabas ang katotohanan at tumulong kami sa pag-balangkas ng ating mga batas. Hindi po namin balak na manakit ng tao. Kaya iyong nangyari na parang ang daming involved na may mga Cabinet officials, na PNP, at iyong airport mismo. Ang daming mga involved dito, para bang ang Senado ay talagang kailangang gawin lahat para hindi makapunta si Mr. Lozada. I resent this already.

Noong mga nakaraang hearings, kapag nagpapatawag kami, ayaw pumunta ng ating executive department, parang pinapalala po natin itong problema ng ating bansa. Sana ay huwag naman. Hindi naman po kami nakikipag-away. Kami po ay ginagawa lamang namin ang aming tungkulin. Pero huwag naman ganyan. Iyong nangyari kay Mr. Lozada, kapag nakinig naman kayo sa kanyang testimony, nakausap ko ang kanyang asawa, maliwanag, isa lang po ang bagay dito, labag po sa kanyang kagustuhan iyong nangyari sa kanya. Kaya hindi ko malaman, kung halimbawa o-offeran niya ako ng security at tatanggapin ko ang security ninyo, detail. Iyong detail na ibibigay ninyo sa akin susunod sa akin. Kung saan ko gustong pumunta, doon sila pupunta. Hindi puwedeng ang security detail ko ang magdidikta kung saan ako pupunta. Kapag sila po ang masusunod, hindi na iyon security detail. Iyon ay kidnapping na. Iyon lamang. Baka kasi magkaroon ng impression ang mga nanonood dito na sa Senado ay nakakatakot. Hindi po. Okay lamang po kami dito. Walang dapat ipag-alala ang sinoman na aming ipapatawag.

News Latest News Feed